4

62 27 54
                                    

"Wazki, ang bagal mo maglakad!"

Wala na kong pakialam kung maraming taong nakakarinig sa'kin, ang bagal kasi kumilos ni Wazki, e! Hindi ko alam kung hanggang anong oras ang mga bus papuntang Baguio kaya nagmamadali ako pero itong si Wazki, sinusubukan pang magnakaw ng mga pagkain sa bawat tindahang madadaanan namin. Jusko, mapapahamak ako sa ginagawa niya, e!

"Nakakuha ako ng Kopiko 78. Masarap ba 'to?"

Hindi ko pinansin ang tanong niya at hinila ko na lang siya. Hatinggabi na, sana naman may maabutan pa kami.

Pagdating namin sa terminal, may mga bus pa namang papunta ng Baguio. Ang haba nga lang ng pila dahil friday ngayon, uwian talaga ng mga tao. Pumila na kami ni Wazki.

Tangina, halos hindi umuusad ang pila. Baka ilang oras pa kaming maghihintay. Pagod na pagod na ako tapos may alak pa sa sistema ko. Punyeta.

Napatingin ako kay Wazki na nakaupo sa sahig. Pinaglalaruan niya 'yong keychain na nakasabit sa bag na binigay ko sa kanya. Dalawang bag kasi ang dala namin; 'yong isa, mga damit ko, toiletries, at pera ang laman tapos 'yong nasa harap naman ni Wazki, puno ng pagkain kasi gluton 'tong kasama ko.

Nag-alala pa nga ako kung papahawakin ko ba siya ng bag kasi hindi nga siya nakikita ng ibang tao so baka akalain nilang lumulutang 'yong bag, pero hindi naman daw. Hindi rin daw nila makikita 'yong bag kapag hawak niya.

Kalahating oras na ang nakalipas, parang apat na tao lang yata ang nabawas sa pila. Pagtingin ko kay Wazki, tulog na sa sahig, ginamit niyang unan 'yong bag.

Ang peaceful niyang tignan, para bang wala siyang problema. Kalmado rin ang pakiramdam ko kapag pinagmamasdan ko siya nang ganito.

Ano ba 'to? Bakit bumibilis ang tibok ng puso ko?

Hindi ko na tinignan si Wazki. Tangina, pagod lang 'tong nararamdaman ko. 'Saka payapa lang ang pakiramdam ko dahil tangina 'yang si Wazki kapag gising, sakit ng ulo ang dinadala sa'kin. Daig pa niya si Dewey kapag lasing, e!

"Eve..."

Napatingin ako ulit kay Wazki. Tulog pa rin naman siya, pero tinawag niya ang pangalan ko. Nananaginip? Nasa panaginip niya ako?

Naramdaman kong nag-iinit ang mukha ko. Hala, Eve. Para kang tanga. Napapanaginipan niya sigurong pinapagalitan ko siya, tutal ayon naman madalas ang eksena naming dalawa. 'Yon lang 'yon, jusko.

Umusad na rin naman ang pila lalo na no'ng may mga dumating na bus galing Baguio. Buti naman! Nangangalay na ko, e. Kung pwede ko lang ipalit si Wazki sa pila, kaya lang hindi naman siya nakikita ng mga tao. Punyeta, sana all masarap ang tulog.

Hinayaan ko na lang na matulog si Wazki. Mukhang pagod kasi siya, kahit puro kain at nood lang naman yata ang ginawa niya maghapon.

"Ilang ticket po?"

"Dalawa—isa lang po pala." Puta, muntik ko pang mabilhan ng ticket si Wazki. Binigay na niya sa akin 'yong ticket ko.

"1:30 AM po ang alis niyan," sabi niya sa akin. Pagtingin ko sa relo na nasa likod niya, halos ala-una na pala! Puta, isang oras din akong pumila, ah!

Lumapit ako kay Wazki. Ang awkward kasi nakahiga siya malapit sa pila, magmumukha akong engot kapag bigla ko siyang kinalabit. Sinipa ko siya at nasapul siya sa ulo.

"Aray!" Agad siyang bumangon, hinihimas pa ang ulo niya. Ang sama ng tingin niya sa'kin pero hindi naman uubra sa'kin 'yan.

Pinakita ko ang ticket ko. "Tara."

Tinalikuran ko na siya at umupo na ako sa waiting area. Nakasunod naman siya at umupo siya sa sahig sa harap ko. Tumingin-tingin ako sa paligid at either tulog ang mga tao malapit sa'kin o busy sa phone nila. Siguro ayos lang na kausapin ko si Wazki.

Ghost of Wazki ✓Where stories live. Discover now