Kabanata 6

19 5 3
                                    

Dahan-dahan kong inihakbang ang aking mga paa sa damuhan upang marating ang lagusan. Hindi ako makapaglakad nang maayos dahil matataas damo at talahiban ang mga natatapakan ko. Paminsang-minsang humahampas ang mga halaman dahil kahit tanghaling tapat ay sariwa pa rin ang hangin. Sinilip ko ang loob ng maliit na lagusan ngunit hindi ko na sila nakita. May mahabang daan pa akong naaaninag at sa aking palagay ay may iba pa silang pinatunguhan nang makapasok sila sa lagusan na 'to.

May kakaiba akong pakiramdam sa kanila ngunit wala rin akong magawa dahil ko na alam kung paano sila susundan. Ngunit mayroon akong natandaan na nabanggit ni Nathaniel noong gabing nag-usap kami sa hardin. Mayroon siyang sinabing samahan na hindi pamilyar sa akin. Kung hindi ako nagkakamali, sa aking pagkaka alala ay sandugo raw ang pangalan ng grupo na tinugis ng mga guardia-civil kaya't nagkakagulo sa bayan noong gabing makarating ako sa panahon na 'to.

Hindi kaya ang daang iyon ang patungo sa kuta ng sinasabi niyang samahan na sandugo? Napailing na lang ako dahil sa mga naiisip. Bakit kaya may nalalaman si Nathaniel sa samahang tumutuligsa sa gobyerno? Sa aking nakikita ay parehong opisyal ang ama niyang si Don Federal at ang ama kong si Don Edgardo.

Noong araw na nagkukuwento sa akin si ina ay nabanggit nitong kaya taw madalas wala sa bahay si ama dahil palagi raw itong may inaasikaso sa Fort Santiago na mga papeles. Nakatitiyak akong opisyal silang dalawa sa pamahalaan dahil pamilyar din ang uniporme na palagi nilang suot. Kung naglilingkod sa pamahalaan ang kaniyang ama, tiyak na hindi maaaring sumali sa mga ganoong samahan si Nathaniel.

Napahinga na lang ako nang malalim at saglit na sumandal sa mahabang pader. Ang dami ko namang tanong simula nang mapunta ako dito. Ngunit hanggang ngayon, wala pa rin ako kahit kaunting sagot na nakukuha.

Muli na akong nag-ayos at lakad-takbo na akong bumalik dahil bigla kong naalala si Estela. Naiwan ko nga pala siya sa simbahan habang nagdadasal. Tiyak na hinahanap na niya ako ngayon. Ang daming pasikot-sikot dahilan para magkandaligaw-ligaw ako dahil hindi ko naman natandaan ang dinadaanan ni Nathaniel habang sinusundan ko siya.

Ilang minuto ang nakalipas at narating ko na rin ang simbahan. Ganoon pa rin ang dami ng mga tao. May mga nagbebenta pa rin sa paligid at marami rin ang mga mamimili. Masigla pa rin ang bayan at nagkalat ang iba't ibang paninda gaya ng mga kuwintas, singsing, agimat, mga laruang kahiy at samu't saring mga alahas. Mapapansin din ang mga nagbebenta ng mga pocket book habang nagkukuwento sa mga tao. Magsisimula lamang silang magkuwento kapag kumpulan na ang mga tao sa harap ng kanilang paninda at bibitinin ang mga nakikinig upang bilhin ang kinukuwento nito.

Mayroong ding mga Aleng naglalako ng kanilang mga abaniko at ang iba naman ay nag-aalok ng mga pansapin sa paa. Napakasimple ng ganitong pamumuhay at buhay na buhay ang tradisyong Pilipino. Ang daming mga bagay na magpapakilala sa Pilipinas at tatangkilik sa mga produkto nito.

Agad 'kong nakita ni Estela hindi kalayuan sa bilihan ng mga sampaguita. "Estela!" tawag ko at agad naman itong napalingon sa akin. "Binibini saan ka ba nagtungo? Kanina pa kita hinahanap," pambungad na tanong nito nang makita ako. Para tuloy siyang nawawalan ng anak dahil sa ekspresyon niya. Mabilis lang napagaan ni Estela ang loob ko habang kasama ko siya sa panahon na 'to. "Tumingin lamang ako ng mga bulaklak sa tabi-tabi," pagdadahilan ko ngunit napailing na lamang siya habang nangingiti. Tiyak na alam niyang nagdadahilan lang ako.

"May nais pa po ba kayong patunguhan?" tanong sa akin ni Estela. Bigla naman akong napaisip sa sinabi niya. Lagi lang naman akong nasa kwarto kung uuwi na agad kami ngayon. Wala naman akong ginagawa doon dahil wala naman akong dalang cellphone.

Agad akong napangiti at mistulang may bumbilyang biglaang umilaw sa ulo ko. "Magpunta tayo sa bookstore!" excited kong sambit kay Estela ngunit napakunot lamang ang noo nito sa sinabi ko. "Bu-bukstor? Saang lupalop ng daigdig iyon Binibini?" tanong niya at napahinga nanaman ako nang malalim. Hindi ko alam kung matatawa ba ako o ano. "Ang ibig kong sabihin ay, magtungo tayo sa aklatan," paglilinaw ko sa kaniya at napatango naman ito bago muling mapaisip.

PahimakasWhere stories live. Discover now