eDUKHAsyon

73 0 0
                                    

Edukasyon ang kinakapitan,
Ngunit ngayo'y 'di na mahawakan;
Sapagkat, ang mga may prebilihiyo lamang
Ang tangi nitong pinapanigan.

Basa rito,
Pasa roon.
Tila nawawala ang puso
Sa mga ikinikilos.

Si Papa: sangkatutak pang modules ang gagawin;
Marami pang webinars ang dadaluhin.
Habang si Kuya, tambak na ngang sasagutin;
Kailangan pang makita ang mukha sa screen.

Tilaok ng manok at tambutsong maingay
Ay iilan lamang sa mga hindi nila masasaway.
Iba pa ang mga boses na sa ulo'y gumagambala
Dala ng mas lalong pagkabalisa.

Si Bunso nama'y mag-aaral na ng sipnayan,
Subalit si Ina'y 'di siya matutulungan.
Bukod sa hindi gaanong alam,
Abala rin sa gawaing pantahanan.

Pagkatapos ay maririnig niya sa radyo
Ang sinabi ng departamento:
Kailangang magkapit-bisig para sa pagsulong.
Ni hindi niya nga alam kung papaano siya makatutulong.

Ang lahat ng ito
Nagaganap sa iisang bubong.
Kahit nagsisiksikan sa napakaliit na espasyo,
Pipiliting makaraos sa akademikong taon.

Ang iba nama'y walang gadget, walang selpon
O 'di kaya'y mahina ang signal at internet connection.
Aakyat ng bundok para sa signal na lubos
O 'di kaya'y huhubarin ang saplot upang may ipantustos.

Mapa-ilegal man,
Ginagawa na nila ang lahat.
Hindi pa rin ba ito sapat
Upang maawa ang nakaaangat?

Sandamakmak na ang nawalan ng trabaho;
Nagsisisara ang mga paaralang pribado.
Umaalingawngaw na ang mga boses sa publiko;
Ano ang tugon? "Puro kayo reklamo!"

Ipipilit sa lahat ang pagbabago,
Bagaman batid nang hindi akma ang solusyon.
Paano nga ba makauurong,
Kung hindi naman kayo umaaksiyon?

Walang sinoman ang magiging handa
Kung hindi mapabubuti ang kalagayan ng bansa.
Kahit ano pang maisip na solusyon
Kung hindi ito para sa ugat, hindi ito makatutulong.

Ano kaya ang sa huli'y pipiliin:
Ipagpatuloy kahit na maraming maiiwan,
O ang hanggat hindi ligtas ay ipagpaliban?

Ano kaya ang pariringgan:
Ang sigaw ng mga estudyante't guro
Na hindi pa handa ni mental sa pagkatuto't pagtuturo,
O ang may hawak sa kanilang laso
At nagbabayad ng libo-libo?

Paigtingin ang Mass Testing
Paigihin ang Contact Tracing
Mga eksperto't mamamayan ay pakinggan
Gawing mas ligtas ang ating bayan

Nang sa gayon,
Ang edukasyong
Dukha sa ngayon
Ay magkaroon ng solusyon.

Tikom na BibigWhere stories live. Discover now