HAPLOS AT YAKAP TUWING PASKO

20 0 0
                                    


Ito na naman ang hinihintay na panahon
Disyembre, huling buwan sa loob ng isang taon.
Maliwanag ang kapaligiran sa buong nayon
Maaaninag ang saya na hindi maglalaon

Pilipinas, ang bansa kung saan Pasko ay talagang iyong mararanas
Ang init ng damdamin ay mistulang apoy na nangniningas
Ang diwa ng Pasko kailanma'y 'di masasabing kumukupas
Mga ngiti at tawanan animo'y hindi rin lilipas

Pagsapit ng noche buena,
Ang lahat ay masaya at sama-sama
Pag kamay ng orasan ay nasa hating gabi na,
Ginigising ang lahat kahit mga bata'y nahihimbing pa

Buong pamilya ay magsasalo-salo
May ngiti sa labi habang nagbubukas ng mga regalo
Ganyan natin ipagdiwang ang kapanganakan ni Hesukristo
Hindi hahayaang may lungkot sa mukha ng bawat tao

Pero hindi ko na maalala kung kailan ko huling naranasan
Ang diwa ng Pasko ay 'di ko na mahanap sa isipan
Ang saya ng araw na ito ay 'di na tulad ng nakaraan
Sapagkat malayo ako sa mga taong nais mahawakan

Narito ako, malayo sa inyo,
Malayo sa mga taong kasama dati tuwing Pasko
Malayo sa haplos at yakap ng pamilya ko
Malayo at malabong uminit muli ang pasko

Ilan taon nang nakakaranas na magpasko sa trabaho
Matutulog pag uwi nang may awa sa sarili ko
Na sana nariyan din ako nakikisaya sa inyo
Sana naiisip niyo kung masaya ba ako dito

Nagkakasala man dahil nakakalimot sa totoong diwa ng Pasko
Panginoon sana po ay mapatawad mo
Alam kong araw Mo ito na dapat ipagpasalamat ko
Ngunit paano ba maiibsan ang kalungkutan kong ito?

Kailan muling madarama ang haplos ng pamilya tuwing Pasko?
Ang yakap ng ama't ina, kapatid, at kama-anak ko
Kailan muling masisilayan ang maliwanag na kapaligiran
Dulot ng christmas lights sabay saliw ng masayang tugtog sa kapaskuhan

Namimiss ko na ang caroling noong kabataan ko
Ang simbang gabi na ngayo'y hindi ko na makumpleto
Higit pa roon ay ang mga tao,
kahit walang handa mga ngiti sa mga labi ay makikita mo

Namimiss ko na ang mga tawa ng mga taong mahal ko
Ang mga boses na nagsasabing "MERRY CHRISTMAS!" pagmulat ko
Hindi itong lakas ng hagulgol ngayong malayo ako
Hindi ang pagharap sa salamin para batiin ang sarili ko

Pero babangon ako dahil Pasko pa rin ito
Dapat kong ipagdiwang ang pagdating ng Tagapagligtas ko
Ang diwa nito't pangako noon pa man sa sangkatauhan
Ang sanggol na tumubos sa kasalanang pangkalahatan

Kaya ikaw na malayo gaya ko
Kakapit pa rin tayo't sasalubungin ang Pasko
Kaunting tiis lang, o nasanay man tayo
Darating ang panahon matatapos rin ito

Muli ko ring madarama ang haplos niyo tuwing Pasko
Muling madarama ang init at diwa ng araw na 'to
Muling maghaharap sa mesa upang tayo'y magsalo-salo
Ang kailanma'y walang katumbas na kahit anong regalo

Ang araw na ito'y 'di para sa kin at sa inyo
Magdiwang tayo't magalak pagkat Hari ay pumarito
Sa sanggol sa sabsabsan sanhi ng aming kaligtasan,
Maligayang Pagbati sa iyong Kaarawan!

--
A challenge.
December 11, 2020

RANDOM THOUGHTS - POEMSWhere stories live. Discover now