Chapter 22

21.3K 733 104
                                    

Chapter 22

The Verdict

Gusto kong magpakatanga at magpanggap na hindi ko nauunawaan ang nangyayari pero sa kaloob-looban ay alam kong hindi lamang siguro ako handa na tanggapin ito.

May mabigat na nakadagan sa dibdib ko nang makompirma ang masaklap na naiisip nang makita na nga si Lake na deretsong naglalakad sa kinauupuan ng ina ko.

Naramdaman ko ang paghawak ni Lolo sa aking kamay. Nang sa wakas ay balingan ito ng tingin ay doon ko pa lamang napansin na nanginginig pala ito.

Mula sa kamay ay dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa mukha ni Lolo. Nakita ko na imbes sa deriksiyon nina Mommy at Lake ay nasa akin lang ang kanyang tingin. Maliban sa gulat na emosyon ay nanaig din dito ang awa at matinding pag-aalala. Hindi siya nagsalita at isang beses niya lang akong tinanguan. Hindi na niya kailangang magsalita dahil sa tingin at simpleng paghawak lamang niya sa kamay ko ay batid ko na ang buo niyang suporta. Hindi ako nag-iisa.

Hindi nagtagal at nagsimula na ang trial. Ni isang beses ay hindi na ako muling tumingin kina Lake at Mommy. Yumuko ako habang pinakikinggan ang mga testimonya ng iba pang witness, mga kasamahan namin sa mansiyon. Sumikip ang dibdib ko habang ikinukuwento nila sa lahat kung gaano kabuti si Papa. At bumibigat ang damdamin ko habang isinisiwalat nila ang kabaligtaran naman ng pag-uugali ni Mommy sa kanya.

Naglahad din ng mga ebidensiya. Hindi na ako nakinig sa takbo nito at pumikit na lamang. Lalong-lalo na nang si Lake na ang naglahad ng depensa nila. Hindi ko kayang marinig ang lamig ng boses niya gaano man siya kahusay o kadulas magsalita. Siguro kung sa ibang pagkakataon ito, lagpas hanggang pinakamataas na gusali ang paghanga ko sa galing niya sa korte, ngunit ngayon, ni boses niya ay ayaw kong marinig.

"Jean, it's now your turn," banayad na bulong sa akin ni Attorney Pelaez.

Sa huling pagkakataon ay hinayaan ko ang sarili na humugot ng malalim na hininga kasabay ng pagkapa sa natitirang lakas. Tumayo na ako at nagsimula ng maglakad patungo sa harapan kung nasaan ang witness stand. Deretso lang ang tingin na ginawa ko at hindi inalinta ang mga bulong-bulungang namayani sa loob ng korte.

Nang marating na ang witness stand ay doon ko pa lamang hinayaan ang sarili na tingnan ang buong silid at ang mga taong nasa loob nito. Doon ko hinayaan na tingnan ang lalaking pakiramdam ko ay binigo ako nang lubusan.

Muntik nang mabasag ang tapang na pahirapan kong pinulot at pilit na binubuo nang tingnan niya rin ako. Wala akong makitang emosyon sa kanyang hitsura at sa kanyang mga mata. Walang pagkabigla. Walang paghingi ng tawad. Walang awa.

May panimula pang sinabi ang criminal prosecutor. Nagsaad din ako ng oath. Pagkatapos nito ay nagsimula na siya sa mga tanong na matapat kong sinagot. Pinilit kong palakasin ang boses upang marinig ng lahat lalong-lalo na ng judge at jurors base na rin sa itinuro sa akin ni Attorney Pelaez. Matapos masagot ang lahat ng kanyang tanong ay pansamantala akong nakahinga nang maluwag. Bumalik din kaagad ang bigat nang si Attorney Lake Jacobe Mendez na ang tumayo sa gitna at lumapit sa akin.

Kagaya ng criminal prosecutor kanina ay may panimula pa siyang sinabi na hindi ko na nakuha pa. Ang tanging laman lang ng isipan ko ay ang mga tanong na ibabato niya at kung papaano ko ito haharapin.

Nagtama ang aming tingin. Walang namagitang pagmamahalan sa nakaraan. Maihahalintulad ko pa nga sa isang estranghero lang na kaswal na nadadaanan. At the back of my mind, I asked myself. Ano kaya ang tumatakbo sa isipan niya? Isa lang din ba ako sa mga balakid na kailangan niyang lampasan o sipain sa tabi para manalo na naman kagaya ng mga nagdaang kasong hinawakan niya?

The Accused MistressWhere stories live. Discover now