Kabanata 5

308 22 8
                                    

Nakatanaw lamang si Karylle sa labas ng bintana ng tumatakbong kalesa habang pinagmamasdan ang magagandang tanawin na dinaraanan nila. Magtatakipsilim na ngunit kita pa rin ang ganda nito. Kasama niya sa loob ng kalesa sina Doña Esperanza at Karlito habang nasa kabilang kalesa naman sina Don Lorenzo, kasama si Isaac na kakarating lang kaninang umaga mula sa Maynila.

Magara ang pula at puting baro't sayang suot ni Karylle dahil may pupuntahan daw silang pagdiriwang. Tila nabigla naman siya kanina nang malaman na sa tahanan ng gobernadorcillo ng El Sueño sila pupunta. Kaya habang nakatuon ang atensiyon sa labas, hindi maiwasan ni Karylle na balikan ang pag-uusap nila ni Madam Amanda.

Mas lalong bumilis ang pintig ng puso ni Karylle dahil sa kaniyang narinig. Unti-unti ring nanghina ang kaniyang mga tuhod. Kasabay non ay ang pag-ihip ng marahang hangin mula sa labas ng bintana. "Batid kong busilak ang iyong puso, Karylle kaya tulungan mo ang mga mamamayan ng El Sueño. Pigilan mo ang itinakda. Baguhin mo ang itinadhana."

"Pero paano ko naman gagawin yon? Ni hindi ko nga alam kung saan ako magsisimula. I don't even have the slightest idea kung sino ang lalaki sa pesteng painting na'yon," napabagsak na lamang si Karylle sa kaniyang higaan. Ito ang isa sa mga pagkakataong mabilis na maubos ang kaniyang pasensiya sa isang bagay.

"Kagaya ng sinabi ko sa'yo, dumanak ang dugo rito sa El Sueño dahil sa mga gahaman at sakim na nasa kapangyarihan. Bakit hindi mo simulan sa kanila ang paghahanap ng mga kasagutan?" seryosong suhestiyon ni Madam Amanda dahilan para mas lalo tumindi ang kaba ni Karylle.

"Karina, anak, narito na tayo," marahang paghawak ni Doña Esperanza sa kamay ni Karylle dahilan para bumalik ito sa kaniyang ulirat. Hindi niya namalayang huminto na pala ang kalesa.

Sandali namang napasilip si Karylle sa labas at nanlaki ang kaniyang mga mata nang matanaw ang magarang tahanan ng gobernadorcillo ng El Sueño. Kapansin-pansin na mas malaki ang tahanan nito kesa sa tahanan ng pamilya Alferos.

"Tila mas marami po yata ang mga panauhin ngayon ng mga Villavicencio kompara noong nakaraang kapiyestahan. Hindi po ba, ina?" magiliw na pagbaba ni Karlito sa kalesa at inalalayan sina Doña Esperanza at Karylle. Nakahelera naman ang iba pang mga kalesa at karwahe sa labas ng malawak na hacienda.

Napangiti lang naman ng kaunti si Doña Esperanza bilang sagot at napalingon sa kalesang lulan ang kaniyang asawa at panganay na anak.

Nang bahagyang makalayo ang Doña ay pasimple namang lumapit ang matandang kutsero kay Karlito."Hindi po iyon nakapagtataka, Señorito. May mga balitang kumakalat sa bayan na bibitiw na raw sa pagka-gobernadorcillo si Don Arman sa susunod na taon at balak niyang ipamana ang kaniyang posisyon sa isa niyang anak. Maaaring nagpapabango sila ngayon sa kanilang mga kakilala at kasamahan sa pamahalaan na malapit sa gobernardor-heneral."

Sandali namang natigilan si Karylle nang marinig iyon mula sa kanilang kutsero. Magkatabi lang sila ngayon ni Karlito kaya rinig na rinig niya ang bahagyang pagbulong nito.

"Karina, Karlito. Ano pa ang hinihintay ninyo riyan? Nasa loob na sina ama at ina," pagtawag ni Isaac sa dalawa dahilan para agad na lumapit sa kaniya ang bunsong kapatid.

Napalunok naman si Karylle dahil maaaring ito na ang simula ng kaniyang misyon, "You can do this. Kaya mo 'to, K! Kayang-kaya mo 'to," pagkausap niya sa kaniyang sarili dahilan para sandaling mapakamot sa batok ang kutsero na nakarinig sa kaniya at hindi siya maintindihan.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon