Kabanata 19

125 11 2
                                    

Lumalalim na ang gabi pero hindi pa rin tumitila ang pagbuhos ng ulan. Nakaupo kami ngayon ni Vicente sa isang maliit na kubo habang parehong nakatanaw sa labas.

Anong oras kaya titigil 'tong ulan? Makakauwi pa kaya kami ngayong gabi? Kamusta na kaya sina Cristina at ang kutsero nila Vicente? Sana nakahanap din sila ng masisilungan tulad namin. Paniguradong nag-aalala yon ngayong hindi kami magkakasama.

Napatingin naman ako kay Vicente. Walang emosyon ang kaniyang mukha habang pinagmamasdan ang pagbuhos ng ulan.

Ilang beses ko na siyang nahuhuling malalim ang iniisip. Kaya minsan talaga gusto kong malaman kung anong mga bumabagabag sa kaniya.

"May problema ba?" napalingon siya sa tanong ko at bahagyang napakibit-balikat.

"Wala, Binibini. Ako'y may naalala lamang," sagot niya at napangiti ng kaunti. Ngunit salungat ng ngiting yon ang sinasabi ng kaniyang mga mata.

"Madalas kaming maligo sa ulan ng aking mga kapatid noong mga bata pa lamang kami. Ang maligo sa ulan ang ginagawa naming katuwaan," nilabas niya ang kamay niya sa bintana at sinalubong ang pagpatak ng ulan.

"Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa akin ang mga alaalang yon."

Napangiti naman ako habang pinagmamasdan siya. Hindi ko akalaing magkukuwento siya tungkol sa kanilang magkakapatid.

"Madalas naming tinatakasan noon si ina upang maglaro lamang sa ulan. Hindi pa noon isinisilang si Joaquin kaya sa aming magkakapatid, si Samuel ang palagi niyang nahuhuli dahil sadyang mabagal itong tumakbo."

Mas lalo akong napapangiti sa tuwing pinipigilan niya ang sarili niyang tumawa.

"Si Raphael naman ang madalas na nauuna habang nakasunod kami ni Miguel," bigla siyang natigilan sa pagsasalita at sandaling pinagmasdan ang pagpatak ng ulan sa kaniyang palad.

Dahil sa binanggit niyang pangalan ay naalala ko ang kuwento nina Adela at Anita tungkol sa nakakatandang kapatid nina Vicente. Ito ang panganay na anak ni Don Arman sa una niyang asawa. At ang sabi nila ay maaga raw itong nawala dahil sa isang trahedya.

"Bilang panganay, si Miguel ang palaging humaharap sa aming mga magulang sa tuwing may nagagawa kaming kalokohan. Ilang beses rin kaming nakakatakas noon sa mga parusa ni ama dahil sa kaniya. Lalo na ako. Kabisadong-kabisado niya kasi ang sasabihin upang lumambot ang puso nito sa amin."

Mula sa masayang alaala, agad kong naramdaman ang lungkot sa boses ni Vicente habang nagkukuwento tungkol sa kaniyang kapatid.

Base sa kuwento niya, mukhang si Miguel talaga ang paborito noon ni Don Arman.

"Ngunit kung batid ko lamang ang mga nangyayari noon, paulit-ulit kong haharapin ang mga palo at parusa sa akin ni ama sa tuwing may gagawin akong kalokohan. Natuto sana ako ng maaga at hindi nangyari iyon sa aking kapatid."

Unti-unti kong pinagtatagpi ang kuwento nina Anita at ang mga naririnig ko ngayon kay Vicente.

"Kung nabubuhay lamang sana siya ngayon, nakakasiguro akong napakadali para sa kaniya ang kumbinsihin ang aming ama tungkol sa lupain ng mga magsasaka," napatingin siya sa malayo.

"Kaya ba ganon na lang yong pakikitungo sa'yo ng isa mo pang kapatid?" hindi ko maiwasang magtanong tungkol sa kanila ni Raphael.

"Kung ang iyong itinutukoy ay si Raphael. Sadyang may karapatan siyang magalit sa akin. Ako ang dahilan kung bakit siya nawalan ng kapatid."

Nagulat ako sa nalaman ko mula kay Vicente. Ngunit nanatili lang akong nakatitig sa kaniya at pinagmasdan ko lang siya ng mabuti. Ramdam ko ang bigat ng bawat salitang binibitawan niya.

"At aking siyang nauunawaan. Tanggap ko na kahit anong aking gawin ay hindi ko kailanman maitatama ang kasalanang nagawa ko. Sa katunayan, maging ang aking sarili ay hindi ko rin magawang patawarin hanggang ngayon."

Tanging ang pagbuhos ng ulan lang ang nangibabaw sa pagitan naming dalawa.

Dahil sa mga sinabi ni Vicente ay bigla ko ring naalala ang sarili ko noong nalaman ko ang dahilan nang pagkawala ni mommy.

Mas pinili niya raw buhayin ang walang kamuwang-muwang niyang anak kesa iligtas ang sarili niya. Kahit sinabi na nina lolo't lola na ginawa ni mommy yon dahil sa pagmamahal niya sa'kin, hindi ko pa rin maiwasang sisihin ang sarili ko sa pagkawala niya hanggang ngayon.

Tulad ni Vicente, napatingin din ako sa labas at pinagmasdan ang pagbuhos ng ulan. Hindi ko akalain na pareho ang nararamdaman naming dalawa tungkol sa pagkawala ng isa sa mga mahal namin sa buhay.

"May nakapagsabi sa'kin na may mga pangyayari raw sa buhay natin na hindi natin hawak. Kahit sino siguro ang tanungin natin, walang sinuman ang gustong mawalan ng minamahal," pilit kong tinatago ang mga luha ko habang nakatanaw sa labas ng maliit na kubo.

"Alam kong mahirap pero sana wag mo nang sisihin ang sarili mo sa mga nangyari noon. Hindi ko man nakilala ang kapatid mo nang lubusan pero nakakasiguro ako na hindi niya gustong nakikita kang nasasaktan sa tuwing naiisip mo siya ngayon."

Nilabas ko ang kamay ko sa bintana at sinalubong ang pagpatak ng ulan. Dahil dito ay naalala ko ang mga sinabi sa'kin nina lolo't lola sa tuwing nalulungkot ako kapag iniisip ko si mommy.

"May mga malulungkot tayong alaala na kailanman ay hindi na natin makakalimutan. Isa yon sa mga bagay na hindi na natin mababago. Pero hindi ibig sabihin non ay hindi na tayo pwedeng gumawa ng masasayang alaala," unti-unti akong tumayo sa bukana ng maliit na kubo at nilingon si Vicente.

"Ako'y nakakasiguro na mas pipiliin ni Miguel na magkaroon ka ng mas maraming masasayang alaala kesa sa mga malulungkot."

Nagtapat ang mga mata naming dalawa.

"Papayag ka bang samahan kitang dagdagan ang mga masasayang alaala mo sa tuwing umuulan?" paglahad ko ng kamay sa kaniya at ngumiti.

Ilang sandali siyang nagdalawang isip hanggang sa unti-unti rin siyang tumayo at tinanggap ang kamay ko. "Kakaiba ka nga talaga sa lahat ng aking mga nakilala," sambit niya at sabay naming sinalubong ang ulan na parehong may ngiti sa labi.

Unang Sayaw
by Nobita







itutuloy?

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon