Kabanata 9

216 22 11
                                    

Lubos ng malalim ang gabi at tila mga insekto at kuwago na lamang ang natitirang gising maliban sa dalawang taong nakatayo at tila nagbubulungan sa ilalim ng malaking puno ng mangga.

"Anong ginagawa mo dito?" tila naguguluhang bulong ni Karylle nang makaharap niya na si Samuel. Mabuti na lang at alam niya kung saan ang susi ng bahay kaya mabilis siyang nakalabas.

Hindi naman agad nakapagsalita si Samuel at tinignan lamang ng maigi ang kaniyang kaharap.

"Hindi ka ba mapapagalitan sa inyo?" pabulong na tanong ulit ni Karylle habang panaka-nakang tinitignan ang buong paligid. Ayaw niyang may makakita sa kaniya na may kasama na namang isang binata dahil paniguradong gulo lamang ang dulot nito at malalagot siya ulit.

Nagulat naman si Karylle nang biglang hawakan ni Samuel ang kaniyang dalawang kamay. "Karina, pakiusap. Sabihin mo sa akin ang totoo."

Wala sa sarili namang napatango si Karylle habang gulat niyang tinititigan si Samuel. Ang pagkabigkas nito ng pangalan ni Karina ay tila nagpapahiwatig na matagal na nga silang magkakilala.

"Nais ko lamang malaman ang katotohanan kaya pakiusap, tapatin mo ako ngayon pa lamang," giit ni Samuel at nag-alinlangan kung itutuloy niya ba ang kaniyang tanong. "M-May namamagitan ba sa inyo ng aking Kuya Vicente?"

Halos lumuwa naman ang mga mata ni Karylle sa sobrang pagkagulat. Hindi niya inaasahang sa dinami-rami ng maaaring itanong, iyon pa talaga ang itatanong sa kaniya ng kaniyang kaharap.

"Karina, pakiusap kailangan ko ng sagot," muling pagmamakaawa ni Samuel dahilan para biglang matauhan si Karylle.

"Wala! Walang namamagitan sa amin. Bakit mo naman iisipin yon?" tila naiinis na giit ni Karylle dahil naalala niya ulit ang hindi maunawaang pakikitungo sa kaniya ni Vicente kanina.

Para namang nabunutan ng tinik si Samuel nang marinig iyon mula sa dalaga. "Ibig sabihin, walang kahit anong kahulugan ang pagtatagpo ninyo sa aming hardin noong isang gabi?"

"Malamang wala! Hindi ba 'yon sinabi sa'yo ng kuya mo? O baka naman kung ano-anong kuwento na yong pinagsasasabi niya ha?" bakas pa rin ang pagkainis sa boses ni Karylle.

"Hindi ganyan ang aking nakakatandang kapatid. Hindi rin siya magaling gumawa ng kuwento. Ngunit masaya akong marinig mula mismo sa iyo na wala kayong kahit anong relasyon," tila kalmado ng giit ni Samuel at tinignan ng mabuti si Karylle.

"Nagpunta ka lang ba dito para itanong yan?" dahan-dahang pagkuha ni Karylle ng kaniyang mga kamay mula sa pagkahawak ni Samuel.

Malungkot namang napangiti si Samuel dahil sa pakikitungo sa kaniya ngayon ni Karylle. "Narito ako ng dahil sa iyo, Karina. Ilang gabi na akong hindi makatulog dahil palagi kang nasa aking isipan. Sa tuwing ipinipikit ko ang aking mga mata, ang iyong maaliwalas na ngiti lamang ang aking nakikita."

Si Karylle naman ang natameme dahil sa mga sinabi sa kaniya ni Samuel. Noong unang gabi silang nagkita ni Karylle sa tahanan ng mga Villavicencio ay may hinala na siya sa maaaring relasyon ni Samuel kay Karina ngunit tila hindi siya nakasiguro kung tama nga iyon. Ngunit ngayon, tila batid na niyang may lihim ngang namamagitan sa dalawa.

"Ako ay labis na nakaramdam ng lungkot nang hindi mo ako pinagbigyan na makausap ka noong isang gabi. Ako'y naghintay sa iyo sa ating tagpuan, Karina ngunit hindi ka dumating," bakas ang pagkadismaya sa boses ni Samuel. "Ngunit wala akong kahit anumang sama ng loob sa iyo. Pagkatapos ng mga nangyari noon sa atin, nauunawaan ko kung hindi ka pa handang magkausap tayo."

Mas lalong kinabahan at naguluhan si Karylle dahil wala siyang alam sa pinagsasasabi sa kaniya ni Samuel. Kaya upang hindi na humaba pa ang kanilang usapan, nag-isip siya ng palusot, "Tama ka. Hindi  pa nga ako handang magkausap tayo."

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon