Kabanata 15

171 14 6
                                    

"Kailangan pa nating pag-usapan ang nararapat na petsa para sa gaganaping kasalan. Ngunit kung ako ang tatanungin, nais kong mangyari ito sa susunod na mga buwan. Sa tingin ko naman ay sapat na itong panahon upang paghandaan ng ating mga pamilya ang lahat. Hindi naman problema sa atin ang salapi," tawa ni Don Arman habang napangiti lang si ama at ininom ang kaniyang inumin.

Halos abala sila sa pag-uusap tungkol sa pagpaplano ng kasal. Sinusubukan kong makinig sa kanila pero tinatangay talaga ng hangin ang isipan ko sa mga oras na yon. Halos atakihin ako sa puso kanina nang malamang ipinagkasundo na akong ikasal kay Vicente.

"Nais rin naming dito sa simbahan ng El Sueño ikasal ang dalawa. Maliban sa rito na lumaki ang ating mga anak, siguradong malaking pagdiriwang ang magaganap kaya makabubuti kung kasama sa pagdiriwang natin ang mga mamamayan ng ating bayan. Kayo ba'y sumasang-ayon, compadre?"

"Kung makabubuti ito sa lahat, wala kaming nakikitang dahilan upang tumutol," ngiti ni ama kay Don Arman at hinawakan ang kamay ni ina.

Alam kong uso pa sa panahong to ang konsepto ng arranged marriage pero hindi ko naman inasahang sakin pa pala mismo to mangyayari. Para akong bida sa isang teleserye na hindi ko rin mahulaan kung ano ang magiging wakas.

Palihim akong napatingin kay Vicente, tahimik lang siyang kumakain at kitang-kita sa mukha niya na parang wala siyang pakialam sa nangyayari.

Bakit parang hindi yata siya apektado? Bakit hindi manlang siya nagreklamo tungkol sa kasunduan ng mga pamilya namin? Bakit siya tahimik lang at hindi manlang nagsalita laban sa kasal? Ibig sabihin ba nito, gusto niya rin akong pakasalan?

Hindi! Imposible yon!

"Karina, hija," nagulat ako nang bigla akong tawagin ni Doña Victoria. Nakangiti lang siyang nakatingin sakin habang nakaupo sa tabi ni Vicente na busy lang sa pagkain. Bigla tuloy akong nailang kasi mukhang napansin ni Doña Victoria na kanina ko pa tinitignan ang anak niya.

"Ayon sa iyong ina ay ikaw daw ang naghanda at nagluto ng lahat ng ito," hindi ko alam kung tatango lang ba ako o magsasalita.

"Hindi ko akalaing napakagaling mo pa lang magluto, hija. Saktong-sakto lang ang timpla ng bawat putahe. Lalo na nitong adobong manok na paborito ni Vicente. Tila iyo talagang pinaghandaan ang gabing ito."

Alanganin naman akong napangiti kay Doña Victoria at napansing napatingin din sakin ang katabi niyang kanina pa tahimik. Hindi ko alam na pareho pala kami ng paborito. Pero teka, iniisip rin ba niyang pinaghandaan ko talaga ang lahat ng to?!

"Sadyang magaling talagang magluto ang aking unica hija. Nakatitiyak akong napakaswerte ng binatang kaniyang mapapangasawa," sabat naman ni ina at napangiti kay Vicente.

Halos gusto ko ng magtago sa ilalim ng mesa dahil sa hiya. Ano ba tong nangyayari ngayon? Seryoso ba talaga silang lahat sa kasunduan? Hindi ba sila nagbibiro na ipakasal ako sa lalaking to?

Napatingin naman ako ulit kay Vicente. Kausap na siya ngayon ni ina. Pilit kong binabasa ang tumatakbo sa isipan niya. Ano ba ang dahilan at hindi manlang siya apektado sa nangyayari? Bakit siya pumayag sa lahat ng to?

Akala ko ba ayaw niyang maikasal ng basta-basta lang? Napilitan lang ba siya dahil merong kapalit? At kung meron ngang kapalit, ano kaya yon at hindi niya nagawang tumutol?

"Tunay ngang mapalad si Vicente sa iyong unica hija, amiga. Ako'y lubos na natutuwa na pumayag kayong ipagkaloob din siya sa aming pamilya. Nakakasiguro naman akong magiging isang mabuting asawa ang aking anak."

Sobrang awkward na pinag-uusapan nila kami na para bang hindi namin sila naririnig. Saan na ba si Madam Amanda? Para masundo niya na ako dito.

"Nawa'y makahanap din ng dalagang katulad ni Karina ang isa ko pang anak na si Samuel," bigla naman akong nabilaukan nang marinig ang mga sinabi ni Doña Victoria.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon