Kabanata 25

110 11 5
                                    

Dali-dali kong hinabol si Raphael nang hindi namamalayan nina Vicente at Estella. "Sandali lang. Magpapaliwanag ako," pilit ko siyang sinusundan pero hindi niya ako magawang harapan.

"Raphael, sandali. Please. Wag kang magsusumbong. Ako ang may pakana ng lahat ng 'to. Ako ang nagpilit sa kanilang dalawa na magkita," muntik pa akong masandal habang hinahabol siya.

Nakakainis. Bakit ba kasi ang haba ng pinasuot sa'king palda? Anong taon ba naimbento ang pantalon para sa mga babae sa panahong 'to?

"Bakit?" paghinto niya nang hindi lumilingon. "Bakit mo ito nagawa kung gayong alam mong pareho na silang itinakda sa iba? Hindi mo ba naisip na binibigyan mo sila ng pagkakataong talikuran nila ang kanilang mga tungkulin? Hindi ba pumasok sa iyong isipan na ang ginawa ninyong ito ay isang malaking insulto sa kasunduan ng ating mga pamilya?"

Hinarap niya ako at halata sa reaksiyon niya na dismayado siya sa mga pangyayari. "Akala ko isa ka sa mga taong aking mapagkakatiwalaan — ngunit paano mo sila nagagawang kunsintihín sa mga bagay na batid mong hindi nararapat?"

Ramdam ko ang sakit sa bawat salitang binitawan niya. Pero hindi siya makatingin sa'kin na para bang ayaw niyang nakikita kong nasasaktan siya. Ano ba 'tong nagawa ko? Nagdesisyon na naman ba akong hindi pinag-isipan ng mabuti ang mga mangyayari?

Nang hindi ako nakasagot ay nagsimula siyang maglakad ulit pero dali-dali ko naman siyang hinabol. "Sandali! Alam kong hindi mo ako maiintindihan pero ginagawa ko 'to para sa'yo."

Napatigil si Raphael at hinarap ulit ako. Halatang naguluhan siya sa mga sinabi ko kaya hindi agad siya nakagalaw. "Ano iyong ibig sabihin?"

"Marami ang tutol sa kasal ninyo ni Estella. Sa kasunduan ng pamilya ninyo at ng pamilya niya. Hindi ba nakakapagtaka? Nagsimula lang naman ang mga gulong nangyari sa pamilya niyo nang bumalik sila dito. Nang bumalik si Don Juancho. Dahil alam ng mga mamamayan na hindi ang pamilyang tulad ng mga De Guzman ang kailangan ng El Sueño. Hindi mo ba nakikita yon?"

Hindi nakapagsalita si Raphael at napa-iwas lamang ng tingin. Naghintay ako ng sagot mula sa kaniya nang unti-unti kong napagtanto ang dahilan kung bakit ganon na lang ang naging reaksiyon niya sa pagkikita nina Vicente at Estella.

"O mas pinipili mong magbubulag-bulagan na lang?" nagtapat ang mga mata naming dalawa at doon ko nakompirma na tama nga ako. Tulad ni Vicente, may nararamdaman din siya para kay Estella.

"Una ko siyang nakilala, unang naging kaibigan," giit ni Raphael. Ramdam ko ang pinaghalong galit at lungkot sa boses niya. "Hanggang ngayon, hindi ko matanggal sa aking isipan ang unang pagtatagpo naming dalawa. Kahit bata pa kami noon, alam ko nang siya ang mamahalin ko habang buhay."

Nakinig lang ako at unti-unting pinoproseso ang mga nalalaman ko. Naisip ko rin na maaaring hindi iisa ang dahilan kung bakit noon pa man, hindi na talaga magkasundo sina Vicente at Raphael.

"Ngunit tila sadyang mapagbiro ang pag-ibig sapagkat hindi ako ang unang lalaking kaniyang minahal. Sa labis kong paghihintay ng tamang panahon, hindi ko namalayan na unti-unti na pala siyang nahuhulog sa sarili kong kapatid. At tuluyan na nga akong hindi nabigyan nang pagkakataon na ipagtapat sa kaniya ang aking nararamdaman."

Parang nakiramay ang mahinang ihip ng hangin sa kanya. "Nagpasya akong magpaubaya. Pinili ko ang kasiyahan ng babaeng aking iniibig kaysa sa aking sarili. Bagamat mahirap, araw-araw kong pilit na tinatanggap na hindi ako ang laman ng kaniyang puso. Sa halip, sa loob ng ilang taon, iniukit ko na lamang ang aking oras sa pagsasanay para maging magaling na heneral, gaya ng aking ama — sa pag-asang makakalimutan ko na lamang ang aking nararamdaman. Ako'y nagpaubaya, Binibini. Pilit kong tinanggap na kay Vicente ang kaligayahan ng aking minamahal."

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon