Kabanata 16

170 16 6
                                    

Narinig ko galing kay Cristina ang mabilis na pagkalat ng balitang may kasalang magaganap sa pagitan ng dalawa sa pinakama-impluwensiyang pamilya dito sa El Sueño. Ang pamilya namin at ang pamilya Villavicencio.

Hindi naman ako nagulat dahil mabilis ding kumalat noon ang nangyari sa hacienda Villavicencio nang nahuli kami ni Vicente na magkasama sa hardin nila. Ayon kay Cristina, baka isa daw yon sa mga dahilan kung bakit kami ang ipinagkasundong ikasal.

"Talaga bang sinabi ni Adela na darating sila ni Anita ngayong umaga?" tanong ko kay Cristina habang tinitirintas niya ang buhok ko sa tapat ng salamin. Nilagyan niya pa ito ng mga maliliit na bulaklak para bumagay daw sa suot kong kulay puti at pulang baro't saya.

"Opo, Señorita. Si Señorita Adela po mismo ang nagsabi sa akin nang mapadaan ako sa kanilang tahanan kanina. Mukhang narinig na rin po nila ang tungkol sa nalalapit ninyong pagpapakasal kay Señor Vciente," sagot ni Cristina. Siya, si Adela at Anita lang ang nakakaalam sa lihim na relasyon ni Karina at Samuel.

Siguradong kakausapin ako ng dalawang yon tungkol sa amin ni Samuel. Pero ano naman ang sasabihin ko sa kanila? Sasabihin ko ba ang tungkol sa sarili naming kasunduan ni Vicente? Ipagtatapat ko ba sa kanila na gagawa kami ng paraan para hindi matuloy ang kasal?

Matatalik na kaibigan ni Karina sina Adela at Anita. At nagawa nilang itago ang relasyon nila ni Samuel nang walang nakakaalam. Ibig sabihin, talagang pinagkakatiwalaan sila ni Karina. Kaya sino ba naman ako para hindi sila pagkatiwalaan?

Naalala ko bigla sina Thea at Kathy. Katulad ng mga kaibigan ni Karina, silang dalawa lang ang pinaka-pinagkakatiwalaan ko sa mundo. At kahit minsan, hindi nila ipinaramdam sakin na nag-iisa ako sa kahit anong problema.

"Señorita, mukhang parating na po sina Señorita Adela at Señorita Anita," pagdungaw ni Cristina sa bintana. Tanaw mula sa kwarto ko ang malaking gate ng hacienda Alferos kaya kita mula doon kung sinu-sino ang paparating.

Nauna namang bumaba si Cristina ng hagdan habang nakasunod ako sa kaniya. Napadaan pa kami sa kusina kung saan naulinigan kong nag-uusap ang iba naming mga tagasilbi.

"Maging ang mga nakasalubong ko kanina sa bayan ay hindi makapaniwala. Bakit kaya si Señor Vicente ang pinili ni Don Lorenzo para sa ating Señorita? Gayong batid naman ng lahat ang nakaraan nito?" rinig kong pagsasalita ng isa sa kanila.

"Hindi ko rin lubos na maunawaan ang naging desisyon ng mga Alferos. Hindi ba't si Señor Vicente ang dahilan ng pagkamatay ng panganay na anak ni Don Arman sa una niyang asawa?"

"Akin ring narinig ang pangyayaring iyan. Ayon sa kumalat na kuwento, sinadya raw ni Señor Vicente ang pagkamatay ng kaniyang kapatid. Iniwan niya lamang daw ito sa loob ng gumuhong kweba dahil mas pinapaboran daw ito ni Don Arman kaysa sa kaniya na lehitimo nitong anak."

"Hindi ko akalaing magagawa niya iyon sa murang edad. Paano siya nakakatulog ng mahimbing sa gabi, gayong batid niyang siya ang dahilan kung bakit namatay ang sarili niyang kapatid?"

"Kaya minsan hindi na rin ako nagtataka kung bakit iba ang pakikitungo sa kaniya ng sarili niyang ama. Sadyang walang kapatawaran ang kaniyang nagawa. At tunay ngang masakit ang mawalan ng anak na talagang minahal mo ng buong-buo."

Para akong napako sa sahig nang marinig ang usapan nila. Totoo bang sinadya ni Vicente ang nangyari noon sa kaniyang kapatid? Kaya ba sukdulan na lang ang galit ni Don Arman at Raphael sa kaniya hanggang ngayon?

Naalala ko ulit ang gabing nahuli kaming magkasama sa hardin ng bahay nila. Kung paano siya sinaktan at ipinahiya ni Don Arman sa harap naming lahat na parang hindi niya ito anak.

Pero sa konting panahong nakasama ko siya, hindi ko naman naramdaman na kaya niyang gawin yon sa sarili niyang kapatid. Nakita ko kung paano niya tratuhin si Joaquin, at maging si Samuel.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon