Kabanata 18

167 12 1
                                    

Malayo pa lang ay kitang-kita ko na agad ang nag-aalala at hindi makapaniwalang mukha nina Don Arman at ama habang papalapit kami ng mansyon. Halatang hindi nila inaasahang makita akong nakasampa sa likod ni Vicente.

"Anak, anong nangyari? Napano ang iyong paa?" agad na paglapit sa amin ni ama at inalalayan ako sa pagtayo. Sasagutin ko na sana siya nang bigla ring lumapit si Don Arman sa katabi ko.

"Ano na naman ang ginawa mo?" bakas sa boses nito na para bang sasalubungin niya ng suntok anumang oras ang sarili niyang anak. Nanatili namang tahimik si Vicente sa tabi at hindi makatingin ng diretso sa kaniyang ama.

"Wala pong kasalanan si Vicente, Don Arman," mabilis kong pagpapaliwanag nang akma niya itong sasaktan ulit at ipapahiya sa harapan namin ni ama. "Naisipan ko po kasing mamasyal malapit sa ilog kaya ako po'y nadulas at nasugatan. Sa katunayan, ang inyo pong anak ang nakakita at tumulong sa akin na makabalik dito."

Nangibabaw naman ang katahimikan sa pagitan naming apat. Bakit kaya ganon na lang ang pagtrato ni Don Arman kay Vicente? Bakit parang hindi siya nagdadalawang isip sa tuwing sasaktan at ipapahiya niya ito sa harap ng ibang tao?

Agad namang binasag ni ama ang katahimikan, "Kung sa ganon, ako'y nagpapasalamat," pagtingin niya kay Vicente at hinawakan ito sa kabilang balikat. "Mabuti na lamang at nariyan ka sa oras na kinailangan ka ng aking anak. Makakaasa kayong mag-iingat na siya sa susunod. Hindi ba, Karina?"

Ako naman ang bahagyang napalunok sa kaba dahil mukhang ako ang mapagsasabihan mamaya pag-uwi namin sa bahay. Bakit ba kasi naisipan ko pang hanapin tong si Vicente?

At dahil ayoko namang magmukhang hindi magalang ay napayuko ako sa harap nila ni Don Arman, "Tama po ang aking ama. Hindi na po ito mauulit. Mag-iingat na po talaga ako sa susunod."

"Mabuti na lamang at hindi malubha ang natamo mong sugat sa paa," kalmado ng pagsasalita ngayon ni Don Arman at ako naman ang hinarap.

"Sa susunod na nais mong maglibot muli rito sa hacienda, huwag kang mahihiya na magpasama sa aming mga tagasilbi. Iyong tatandaan na ang dalagang katulad mo ay hindi dapat namamasyal mag-isa sa kung saan-saan. ¿Entiendes, hija?"

Napatango naman ako agad at muling napayuko. Sa tuwing magkaharap talaga kami ni Don Arman ay para bang nauubusan ako ng salita. Hindi ko maipaliwanag pero tila nagbago na talaga ang tingin ko sa kaniya sa tuwing magkaharap kami.

Pagkatapos ng sandaling pag-uusap nila Don Arman at ama ay agad din kaming umuwi. Hindi ko tuloy napasalamatan ulit si Vicente dahil pinatawag daw ito ng kapwa niya abogado sa hukuman. Hindi rin tuloy ako nakahingi ng tawad dahil muntik pa siyang mapagalitan ni Don Arman dahil sa'kin.

Sa susunod hindi na talaga ako pupunta sa tabing-ilog na yon kung maaabutan ko lang naman siyang naliligo. Gusto ko tuloy sampalin ang sarili ko ng paulit-ulit dahil hindi na ngayon maalis sa isip ko ang nakita ko kanina. Pambihira, Karylle! Anong bang nangyayari sayo?














Malalim na ang gabi pero hindi pa rin ako makatulog. Hindi ko alam kung ayaw lang akong dalawin ng antok o kung ayaw lang talaga akong patulugin ng mga bumabagabag sa isip ko.

Napatingin ako sa labas ng bintana. Gusto ko sanang tignan ang buwan pero sa halip na yon ang makita ko, isang puting panyong nakasabit sa bintana ang tumambad sakin.

Hindi ko maintindihan pero bigla na lang akong napangiti nang makita ang panyong ginamit ni Vicente kanina para sa sugat ko sa paa.

Agad kasi itong pinalabhan ni ina at pinatuyo sa bintana ng kwarto ko. Ako naman raw kasi ang magsasauli nito at baka raw makalimutan ko pa.

El SueñoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon