XXV

694 17 0
                                    

Gugustuhin ko mang hindi bumangon, wala rin naman akong magagawa dahil kailangan ko nang sumama sa training namin lalo na't isang linggo akong lumiban.

Sobrang bigat pa rin ng loob ko dahil sa nangyari kagabi at hindi pa rin ako makapaniwala sa inamin sa akin ng aming kapitan.

Pinilit ko na lamang bumangon kahit ayaw talaga ng katawan ko tumayo. Dumiretso ako sa kusina at nagtimpla ng kape dahil wala akong ganang kumain ng almusal ngayon.

Pagkatapos kong magkape ay napagdesisyunan kong maligo. Nagising lalo ang diwa ko nang makita ko ang kabuuan ni Capt. Vhal sa labas at mukhang may inaantay. Anong ginagawa niya rito?

Dire-diretso lang ako sa paglalakad at hindi ko pinansin ang presensiya niya nang bigla niya akong harapin.

"Good morning, kumain ka na ba?" tanong niya sa akin.

Hindi ko na lamang siya pinansin nang maalala kong wala pa pala akong kahila-hilamos at baka kanina niya pa nakita ang muta mula sa aking mga mata. Hiyang-hiya naman ako sa aking itsura dahil literal na wala pa akong ayos.

Mahina siyang napatawa dahil sa reaksyon ko. Tinakpan ko ng aking dalawang kamay ang aking mukha pero tinanggal niya naman 'to.

"Kahit naman wala ka pang ayos, maganda ka pa rin sa paningin ko." nakangiti niyang sabi.

Hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na ang taong gusto ko ay nasa harapan ko at sinabihan akong maganda sa paningin niya. Totoo ba 'to? Baka naman nananginip lang ako?

Umiling na lamang ako at aalis na sana para makapaligo nang biglang nagsalita uli siya.

"Yung kasunduan natin, 'wag mong kakalimutan 'yun, maligo at magbihis ka na rin para sabay na tayong pumunta ng kampo." sabi niya.

"Paano kapag ayoko?" mataray kong sagot sa kaniya. Wala akong ganang makipagtalo sa kaniya.

"Kahit ayaw mo, sasama ka sa akin kasi kung hindi, bubuhatin kita papuntang kampo. Syempre mas ayaw mo namang mangyari 'yon hindi ba?" nakangisi niyang sabi.

Kahit na naiinis ako sa kaniya ngayon, hindi ko naman maitatanggi na mas lalo siyang gumagwapo lalo na kapag nakangisi.

Tinalikuran ko na lamang siya dahil baka kapag nagtagal pa ako roon ay mabatukan ko pa ang aming kapitan. Mas ayoko namang mangyari 'yon.

Pagkaligo ko ay kinuha ko na rin ang black t-shirt naming uniporme para sa araw na ito. Tinali ko rin ang aking buhok lalo na tag-init na rin at nakakairita kapag nakalugay ang buhok habang nag-ta-training. Sinuot ko na rin ang aking combat shoes at dinala ang aking baril para makaalis na.

Nagkatinginan pa kami ni Capt. nang makita niya akong nakaayos na.

"Pagkatapos ng training may pupuntahan tayo, tumupad ka sa usapan natin ha." paalala niya.

Oo nga pala, aalis raw kaming dalawa kapag nakarating na ako sa kampo. Pero wala naman akong kaide-ideya kung saan kami pupunta mamaya.

Fight For You (Military Series #1)Tempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang