Scapegoat

4.5K 451 46
                                    

Chapter Fourteen 

"SIGURADO ka ba sa sinasabi mo?" tanong ni Rocky kay Abner. "Mabigat na akusasyon 'yan, bata."

"Hindi po ako nagsisinungaling. At alam ko pong alam niya na nakita ko ang ginagawa niya kay Angelina. Minabuti ko na lang po na umalis nang maaga kanina para maghanap ng trabaho. Naisip ko po kasi na hindi tamang manatili pa ako sa kanila dahil sa nasaksihan kong ginagawa ni Kuya Mulong. Ayaw ko naman pong magsalita at baka ako pa ang mapasama."

Gumagaralgal ang boses ni Abner habang nagkukuwento. Tahimik namang binabasa ni Meredith ang kilos nito. Kumbinsido na siya na wala nga itong kasalanan sa ibinibintang rito. Tulad ni Angelina ay biktima rin ito ni Mulong. Dahil may palagay siyang balak itong gamiting scapegoat ni Mulong upang mapagtakpan ang kahalayang ginagawa sa sariling anak.

Nilapitan ito ni YM at itinaas ang laylayan ng suot na kamiseta. Tinutukan ng binata ng penlight ang sugat ni Abner sa bandang tagiliran.

"Kailangang magamot ang sugat mo. Mukhang malalim 'yan," anito.

"Kukuha ako ng alcohol at bulak," pagkukusa ni Meredith at hindi na hinintay na sumagot ang sino man sa mga ito at agad ng tumalikod.

Nasa sala ang alcohol at bulak. Kasama ng mga pamahid ni Lola Miling sa mga nananakit nitong kasu-kasuan. Mabuti at naisipan niyang bumili ng Betadine noong nakaraang labas niya ng bahay. Naawa kasi siya sa butihing yaya at may sugat ito sa binti ngunit tila mabagal ang paggaling kaya naisipan niyang ibili ito ng gamot.

"Here," inilapag niya ang bote ng alcohol, bulak, gauze, at Betadine sa upuan.

"Bato, linisin mo ang sugat niya."

Mabilis namang tumalima si Rocky.

"Ilang taon ka na?" tanong ni YM kay Abner.

"Nineteen po."

"Nag-aaral ka pa?"

Umiling si Abner. "Tumigil na po ako. Balak ko po kasing maghanap na lang ng trabaho para makabukod na sa nanay ko."

"Ano ba ang alam mong trabaho?"

"Ahm, w-wala pa po akong experience sa pamamasukan. Pero willing naman po akong mag-training kung kailangan."

"Nakapag-college ka?"

"Nakatatlong sem lang po ako sa BSEE. Patigil-tigil kasi walang pantustos ang nanay ko."

Nagtataka si Meredith sa ginagawang tila pag-interview ni YM. Balak ba nitong bigyan ng trabaho si Abner?

"Gumagamit ka ba?"

"Hoo...?"

"Usap-usapan dito sa Purok 6 na pusher si Mulong. Ngayon isang tanong, isang sagot. Gumagamit ka ba?"

"H-hindi ho."

Nag-squat si YM sa harapan nito at itinutok ang penlight sa mukha ni Abner.

"Kapag hindi ka nagsabi ng totoo sa akin hahayaan ko si Mulong na katayin ka kasama ang sampung barangay tanod na kaalyado niya."

Bumakas ang takot sa mukha ni Abner. Nakita ni Meredith ang pagbabago sa kilos ng lalaki. Nang tanungin niya ito kanina kung totoo ang akusasyon dito walang hesitation ang sagot nito. Ngunit ngayong tinatanong ito ni YM kung drug user ito ay nakita niya ang tila pagdadalawang-isip nitong sumagot ng hindi.

"P-paminsan-minsan lang po," nauutal na sagot ni Abner.

"Gaano kadalas 'yong minsan?" tanong ni Rocky. "Once a day, once a week, o makalwahan?"

"M-minsan lang po kapag kaya ng b-budget."

"Tsk," malutong na palatak ni YM. Tila dismayado ito sa narinig.

The Untouchables Series Book 2 Vengeance LiuTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon