Prologue

84.8K 2.4K 1.1K
                                    

Vesper Aurora Morano





Abala ang lahat para sa gaganaping pagtitipon sa mansion ng mga Escuel. Kinuha kami ni Nanay na katulong para dito.

"Nag sama ka ng bata?" masungit na tanong ni Ms. Nova kay Nanay.

Humigpit ang hawak ko sa kumpol ng mga bulaklak na dala dala ko.

"Kasama ko po siya...anak ko," sagot ni Nanay dito.

Nag-taas ito ng kilay sa amin at humalukipkip pa sa aming harapan.

"Sinagot mo ba yung tanong ko?" masungit na tanong niya kay Nanay.

"K-katulong din po ako..." sabat ko kahit alam kong mali. Gusto ko lang ipagtanggol si Nanay.

Bumaba ang tingin niya sa akin. Mas lalo siyang sumimangot, mas lalong mukhang nakakatakot.

"At sumasabat pa. Ikaw ba ang kinakausap ko?" tanong niya sa akin.

Hindi na ako nakasagot pa at kaagad na yumuko. Alam kong kawalang galang iyon, na sumabat sa usapan ng mga matatanda.

Naramdaman ko ang hawak ni Nanay sa akin. Pilit niya akong pinoprotektahan para itago sa kanyang likuran.

"Kasama ko si Vesper dito para magtrabaho...alam na ito ni Madam Alexandra," magalang na sagot ni Nanay sa kanya kahit hindi naman nagkakalayo ang kanilang edad.

Pagak na tumawa si Ms. Nova, "Dumiretso kayo kay Madam na hindi dumadaan sa akin?" madiing tanong niya sa amin.

Nakita kong tumalim ang tingin niya kay Nanay na para bang naghahamon siya ng away. Humigpit ang hawak ko sa mga bulaklak na dala ko, kung aawayin niya ang Nanay ko...aawayin ko din siya.

"Ms. Nova!" tawag ni Madam Alexandra sa kanya mula sa itaas.

"Sa oras na may magawang mali ang batang ito...itatapon ko kayong mag-ina palabas," banta niya sa amin.

Ang matalim na tingin niya kay Nanay ay lumipat pa muna sa akin bago niya kami tuluyang tinalikuran para puntahan ang tumawag sa kanya.

"Madam," magiliw na tawag niya dito na para bang hindi siya nagalit at parang mangangain na.

Lumuhod si Nanay sa harapan ko at hinawakan ang aking magkabilang pisngi.

"Kailangan nating mag-ingat sa mga galaw natin, wag masyadong malikot...gagawin mo lang ang iuutos ni Nanay," paalala niya sa akin na kaagad kong tinanguan.

"Opo, Nay."

Tinulungan ko si Nanay na I-arrange ang mga bulaklak na ilalagay sa gitna ng bawat lamesa. Engrande daw ang magiging ikasyon na ito lalo na't halos lahat ng mga kilalang pamilya dito sa Sta. Maria ay imbetado.

Kung saan saan namamasukan si Nanay bilang kasambahay. Kung minsan pa nga ay kahit may trabaho na ay naglalaba pa din siya sa iba para lang kumita ng doble.

"Nag lalasing nanaman ang magaling mong asawa," sabi kay Nanay ng isa sa aming mga kapitbahay.

Hindi naka-imik si Nanay pero ramdam kong sumulyap siya sa akin kaya naman nanatili ang tingin ko sa aking ginagawa.

Sinasaktan kami ni Tatay sa tuwing lasing siya. Mula sa inuman ay uuwi siya sa bahay para humingi ng pera kay Nanay, kung walang ibigay ay sasaktan niya ito, pipigil ako kaya naman sasaktan niya din ako.

"Vesper, tingnan mo kung dumating na yung mga bulaklak na isasabit," utos ni Nanay sa akin.

Marahan akong tumango sa kanya at ma-ingat na inilapag ang mga bulaklak na hawak ko sa lamesa.

Nights of August (Sequel # 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon