Chapter 6

29.6K 1.4K 776
                                    

Tutor








Natahimik ako matapos sabihin ni August 'yon. Gusto kong malaman niya na may crush ako sa kanya pero sa oras naman na kagaya nito ay parang napuputulan ako ng dila. Para bang yung gusto kong emosyon na makuha mula sa kanya ay hindi ko naman pala kaya. Para akong nalulunod.

Ganito pala ang pakiramdam na mapansin ka ng taong gusto mo. Wala pa man siyang sinasabing gusto niya din ako ay iba pa din talaga ang pakiramdam na malapit siya sa akin, nag-uusap kami, at inaangkas pa niya ako sa bisikleta niya.

"Nandito na po kami, Nay," bati ko kay Nanay pagka-uwi namin.

Mas nauna akong pumasok kay August dahil ipinwesto pa niya ang bike sa pinaglalagyan niya nito. Naabutan kong naglilinis si Nanay ng dahon ng mga saging para paglagyan ng mga kakanin na lulutuin niya.

"Noong isang araw pa po kayo inuubo, Nay," puna ko.

"Wala ito, Vesper. Baka natuyuan lang ako ng pawis, mawawala din ito," sabi niya sa akin pero hindi naalis ang tingin ko sa kanya.

Kahit simpleng ubo lang 'yon ay hindi ko pa din ma-iwasang mag-alala para kay Nanay. Nawala lang ang atensyon ko sa kanya nang maramdaman naming pareho ang pagpasok ni August.

"Magandang hapon po," bati niya kay Nanay at lumapit pa dito para mag-mano.

Matamis na ngumiti si Nanay kay August, nagulat na lang kami nang may inilabas itong maliit na paper bag na may tatak mula sa isang drugstore.

"Inuman niyo na po nang gamut 'yan...ilang araw na," sabi niya kay Nanay.

"Naku, nag-abala ka pa. Salamat dito, August..." sabi ni Nanay dito habang inilalabas niya ang mga gamot pang-ubo.

Mula kay Nanay ay tumingala ako para tingnan si August na nakatayo lang sa tabi ko. Saktong paglingon ko ay nakatingin na din siya sa akin, gusto ko din sanang magpasalamat sa kanya pero naputol nanaman ang dila ko ng pinagtaasan niya ako ng kilay, naglalaro din ang ngiti sa labi niya.

Nang makapagbihis na ay muli akong bumalik sa may kusina para tulungan si Nanay sa mga lulutuin niya. Maaga silang pupunta ni Tay Vinci sa palengke bukas para itinda ang mga kakanin na gagawin ni Nanay.

"Oh, tapos mo na ba ang mga assignments mo?" nagtatakang tanong niya sa akin ng makita niyang handa na akong tumulong sa kanya.

Marahan akong tumango at kaagad na tiningnan ang pwede kong unang gawin.

"Tapos na po, Nay," sagot ko sa kanya.

Ang totoo ay sa tuwing may bakante kaming oras habang nasa paaralan ay ginagawa ko na ang ibang assignments ko. Alam ko kasi na pag-uwi ko ay maraming kailangang gawin, kailangan kong tulungan si Nanay sa pag-gawa ng mga ibebenta niya.

"Bago 'yan. Bigyan mo muna ng mirienda si August," sabi niya sa akin kaya naman napanguso ako.

Nagtaas siya ng kilay sa akin kaya naman kaagad kong inalis ang pagtulis ng nguso ko.

"Alam kong gusto mo din..." pang-aasar ni Nanay sa akin kaya naman ramdam ko ang pag-init ng aking magkabilang pisngi.

"Nay naman..." suway ko sa kanya.

Hinawakan niya ang ulo ko at marahang hinaplos ang aking buhok.

"Ayos lang magka-crush, pero wag na wag papabayaan ang pag-aaral," pangaral niya sa akin kaya naman tumango ako.

Dala ang biko ay lumabas ako para lapitan si August na abala ngayon sa mga assignments niya. Nasa college na siya, dapat ng asana ay tapos na ngunit hindi naman kaagad nagkaroon ng ipon si Tay Vinci para pag-aralin siya kaya naman ngayon na may pinagkakakitaan ay tsaka niya kami napag-aral ni August.

Nights of August (Sequel # 5)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon