Three

25K 583 52
                                    

Simula nung umuwi si Mama galing Singapore, hindi na ako madalas umiyak. Hindi dahil kinakampihan niya ako kapag pinagkakaisahan ako ng mga kuya ko.


Kapag umiiyak ako, may instruction si Mama sa kanilang lahat na huwag akong amuin. Magiging spoiled brat daw ako. Hindi daw dahil sa nag-iisa akong babae, may special treatment. Kailangan daw patas lahat.


Kaya nung minsang nag-tantrums ako dahil hindi ako binilhan ng roller blades, pinabayaan nila akong umiyak sa gitna ng Department Store. Hindi talaga sila nahiya kahit nagbubulung-bulungan na yung mga taong namimili. Sa huli, napagod din ako. Walang-kamatayang panunukso tuloy ang inabot ko sa mga kapatid ko.


Hindi na rin ako nagsusumbong kapag tinutukso ako ng mga kuya ko kasi mas lalong nagagalit si Mama. Kahit ako yung kinakawawa, kasama pa rin ako sa mga nakakatanggap ng palo sa pwet. Kaya mas lalong nagagalit ang mga kuya ko dahil damay-damay kaming lahat ‘pag ako ang nagsumbong.


Sa mga pagkakataon namang may kasama nang dugo ang usapan, matatag pa rin ang mga kuya ko.


Kapag nakikita ko kasi silang umuuwing may benda o kaya may malaking band-aid sa kung saan-saang parte ng katawan, hindi ko sila nakikitang umiiyak. Kahit nanginginig na yung mga labi nila at nangingilid na yung mga luha sa hapdi kapag nilalagyan ni Mama ng Betadine yung sugat, hindi talaga sila bumibigay.


Ang umiyak… weak at mas lalong pagtitripan.


“Ayos lang ‘to. Malayo pa ‘to sa bituka. Mabubuhay pa ako,” narinig kong minsang sambit ni Kuya Mason kahit nanginginig na yung boses niya nung umuwi siyang may kagat ng aso sa hita.


Ganon ang natanim sa utak ko sa murang edad na pito.


Naalala ko noong bakasyon bago ako mag-Grade Four, naghahabulan kami ng mga kuya ko sa may kalsada. Ako ang taya at kelangan kong mahuli yung may hawak nung bola.


Si Kuya Mark yung hinahabol ko no’n. Wala talaga siyang awa pagdating sa’kin dahil kahit Track-and-field runner siya, hindi talaga niya binagalan nang kahit konti yung pagtakbo niya.


Tawa siya nang tawa no’n at naghihiyawan na yung iba kong mga kuya. Nanunuya na naman. Sabi ko sa sarili ko, kapag nahabol ko si Kuya Mark, patay siya sa’kin. Babalian ko siya ng buto sa hita para hindi na siya makatakbo nang mabilis.


Malapit ko na siyang mahabol dahil tumigil siya. Ilang hakbang na lang. Kaso, pati siya napasigaw na rin.


Huli na nung nakita ko yung tricycle na paparating. Ayon, nadumbo ako. Tumilapon talaga ako sa lakas ng impact. Buti na nga lang may isang bundok ng buhangin na sumalo sa pagbagsak ko.


Naghiyawan lahat ng taong nakakita ng aksidente tapos yung mga kapatid ko, pinalibutan ako. Si Kuya Mark, putlang-putla. Kahit sabay-sabay silang nagsasalita, wala akong naintindihan. Para kasing may dialtone lang sa tenga ko. Gumegewang na rin yung paningin ko.


Tapos, nakita ko si Mama. Kahit hindi ko siya naririnig, alam kong sumisigaw siya dahil nakayuko lahat ng mga kuya ko at lumalabas yung litid ni Mama sa leeg sa bawat salitang binibitawan niya.


“O-okay lang po ako. M-malayo po sa b-bituka ‘to,” pagmamayabang ko pa. Sinubukan kong gumalaw para hindi na kami sigawan ni Mama pero napahiyaw lang ako sa sakit sa bandang tagiliran ko. Gusto kong maiyak sa sakit pero andun lahat ng mga kuya ko pati mga kapitbahay namin. Ayokong isipin nila na weak ako.


HINDI AKO WEAK.


Dinala nila ako sa ospital nun. Sabi nung doktor, nagka-fracture daw yung isang buto sa ribs ko. Mas lalong naiyak si Mama tapos sinigawan niya ulit kaming lahat. Inilabas muna siya tuloy ni Papa para mapakalma.


“Sa’n ang masakit sa’yo, Prinsesa?” tanong ni Kuya Chino at umupo sa kama.


Umiling lang ako kahit sa bawat galaw ko, parang may tumutusok sa tagiliran ko. Mahirap na. Baka kapag sinabi ko yung totoo, tutuksuin na naman nila ako.


Sumimangot siya. “Yung totoo,” pilit niya at umiling lang ulit ako.


“Okay lang ako, Kuya,” halos bulong ko dahil kahit sa pagsasalita, sumasakit yung kung alin man yung na-fracture na parte. “Malayo naman sa bituka eh.” Ngumiti pa talaga ako para convincing.


“Anong malayo sa bituka?” sabat naman ni Kuya Marcus at nagtaas siya ng T-shirt. Tinuro niya kung saan daw ako nadali. “Ito yun oh. Sa ibabaw lang ng bituka ‘yung butong nabali!”


Nung namutla na silang lahat, doon na ako napaluha. Gusto ko pa sanang ngumawa pero mas sasakit yung tagiliran ko kung ginawa ko ‘yon.


Dun lang nila ako inamo. Kaya naisip ko noon, ang hirap namang makakuha ng simpatya sa kanila, kailangan muntik muna akong mamatay bago sila maging mabait sa’kin.


Hindi ko rin naisipang umabuso sa pagiging mabait nila, dahil nung gumaling na ako, bumalik ulit kami sa dating harutan. Mariin nga lang kaming pinagbawalang maglaro sa may kalsada.

HATBABE?! Season1Where stories live. Discover now