Eleven

19.6K 497 103
                                    

Nakakatawa talaga si Chan-Chan. Kung minsan, gusto ko siyang suntukin.

Meron kasing isang araw nung Grade Six kami, tinanong niya ako kung anong bulaklak ang mabango. Sampaguita ‘yung sinabi ko dahil mas nababanguhan ako dun kesa sa rose. Wala namang amoy yon e.

Malay ko bang ibibigay pala niya kay Krystal.

At ako pa ang inutusang mag-abot habang nasa likod ko siya. Tss.

Syempre nagulat si Krystal. Bakit ko siya aabutan ng sampaguita? Ano siya, santo?

“Ano… ahh… pinapabigay ni Chan-Chan para daw ilagay mo sa altar niyo. Lagi ka raw kasing matamlay nitong mga nakaraang araw. Nag-aalala lang siya. Para daw pagalingin ni Papa Jesus ‘yung kung ano mang nararamdaman mo.”

Buti nalang napangiti ng matamis itong isa at kulang na lang isuot sa leeg niya yung mga kwintas ng sampaguita na naka-plastic pa talaga. “Yieee.. ang sweet-sweet mo talaga,” natutuwang sabi niya at yayakap sana siya sa’kin.

Pero hinila ko si Chan-Chan na nagtatago sa likod ko at ginawa ko siyang pansalag. Siya tuloy ang nayakap. Halos himatayin nga sa tuwa eh. Hahaha. Ang galing ko talaga.

“Eeehhh, Charlie naman eh,” angal ni Krystal.

Bakit ba ako ang gusto niyang yakapin eh galing nga kay Chan-Chan yon? “Hindi ako pwedeng makiyakap. May ubo’t sipon ako. Oho-oho,” pagkukunwari ko pa talaga at suminghot pa ako para lang makaiwas. Baka mamaya may magsumbong na naman kay Mama. Ayoko nang ma-guidance ulit. “Tsaka, pinasa ko kay Chan-Chan ang yakap powers ko. Tignan mo ha.” Nag-ala-martial arts ako kunwari, sabay tulak kay bespren kaya napayakap ulit siya kay Krystal. “O diba? Parang ako lang ang yumakap sa’yo?”

Dahil doon, isang linggo akong may libreng pagkain galing kay Chan-Chan, hehehe.

“Araw-araw ko kaya siyang bigyan ng sampaguita, ‘no? Ano sa tingin mo?” tanong niya sa’kin nung pauwi na kami.

Tumango na lang ako. Wala akong ganang laitin siya dahil napagod ang utak ko pagkatapos ng long quiz namin sa Math. Nag-review pa ako kunwari, bagsak din naman. Tapos, pinahirapan pa kami ni coach sa softball practice. Ano bang problema niya’t dinamay pa kami?

Hindi pa ako nakakapasok ng bahay, narinig ko na ang kantahan. Napatakbo ako sa loob at hinablot ‘yung songbook sa kung sinumang may hawak. Pinihit ko na ang numero sa magic sing. “Akin ang ‘Total Eclipse of the Heart’! Saved na ‘yon ah! Walang aagaw!”

Saka ko lang napansin ‘yung mga bisita na nakatingin lang sa’kin.

Mga kaibigan pala ni Kuya. Napatingin ako kay Mason na nagpipigil ng tawa. “’Wag mong pigilan, baka mamaya sa ibang butas lumabas ya—Aray!”

“Hindi ka na nahiya!” Si Mama, habang pinipingot ang tenga ko. “Birthday na birthday ng kuya mo, nagkakalat ka. Magbihis ka nga muna! Ang dungis mo! Sa’n ka ba nagsususuot?! O, Chan-Chan, pasok ka lang. Kumain ka ng spaghetti ha, ‘wag mahihiya.”

Mabilis lang akong naligo dahil baka may kumanta ng song ko. Halos higupin ko na rin ‘yung spaghetti tsaka cake para lang makasali sa katuwaan sa sala.

Kasalukuyang si Chan-Chan ang kumakanta… ahh.. bumubulong pala. Napaka-mahiyain talaga. Kung ako lang ‘yon, bibirit talaga ako, sayang. Pampataas din ng score ‘yon.

Tapos, inabutan ako ng mic kahit malayo-layo pa yung ‘Total Eclipse’.

“Ikaw ‘yung kumanta nung part ng babae ha,” narinig kong sabi ng katabi ko.

“Sige, kahit ‘yung ad lib pa ang kantahin ko, ayos lang!” pagmamayabang ko at humalakhak silang lahat at nag-flash na ang pamagat ng kantang ‘Bakit Ngayon Ka Lang’ ng Freestyle at ni Pops.

“—dumatiiinnggg~~” Nakapikit akong humarap sa kung sinumang ka-duet ko nung patapos na ang kanta. Pagmulat ko, nakangiti siya sa’kin. “Astig.” Nag-offer ako ng bro-fist at binalik naman niya ‘yon.

“Mas maganda pala ang boses mo sa personal,” sabi naman niya.

“Alam ko,” balik ko habang nakangiti at naghiyawan sila Mason. Bakit ba? Sabi sa school, ‘pag alam mo namang totoo, kailangang proud ka. ‘Wag ‘yung pa-humble effect… false humility yon! “Teka, sino ka pala?” tanong ko dahil sa lahat ng mga kaibigan ni Mason na nandun, siya lang ang hindi ko kilala.

“Hahaha, ako si Nile.”

Tinitigan ko talaga siya. “Talaga? Bakit ang ganda mo?” Nagtawanan ulit sila Mason. Sabi kasi nila kuya dati, ‘pag maganda ang boses sa telepono, pangit daw ang itsura sa personal. Nagulat ako kasi hindi naman pangit 'tong si Nile.

“Hahahaha, ang ‘maganda’ para sa babae ‘yon. ‘Gwapo’ para sa mga lalaki. Ako, gwapo, ikaw, maganda. Kuha mo?” sabi niya tapos ginulo-gulo niya ‘yung buhok ko.

Bukod kila Mama at Papa, si Nile ang unang taong nagsabing maganda ako at hindi ‘cute’ o kaya ‘gwapo’.

Pinasa ko sa kanya yung mic at tumakbo ako sa banyo dahil naiihi ulit ako. 

HATBABE?! Season1Where stories live. Discover now