Kabanata 5

44K 2.4K 1.2K
                                    

Kabanata 5

"Kumusta naman ang grades mo, Revelia?" tanong ni Mama habang inilalagay ang bowl ng tinola sa hapag.

"Ayos naman, Ma," inayos ko ang kutsara't tinidor, "grades pa rin naman siya."

Tumalim ang tingin niya. Kumurap-kurap ako sabay ngisi.

"H'wag mo 'kong pilosopohin d'yan kung ayaw mong makatikim ka nitong pukpok ng sandok sa batok mo," pinakita pa niya ang sandok pero 'di naman ako natakot.

"Sus, si Mama naman," ngisi ko, "as if naman ilang beses mo nang pinanakot ang sandok mo wala namang nangyayari—" binato niya ang paa ko ng tsinelas.

"Ma!" angit ko, tumatalon-talon. "Aray! Wala ka man lang warning?!"

"Warning ka pa d'yan," inilahad niya ang plato ng kanin na inabot ko. "Reklamo kang walang nangyayari tapos..."

Napapakamot ang kilay na dinala ko ang kanin sa hapag at nag-refill ng tubig, inaantay si Mama na matapos sa paksiw niyang iniinit.

Nagdasal kami saglit bago nagsimulang kumain at nagkwentuhan tungkol sa araw namin. Nagreklamo siya tungkol sa customer na bungangera sa salon habang ako'y tumatango-tango at nakikisagot din para kampihan siya sa takot na baka sa 'kin na naman mapunta ang topic.

"Tama na sa akin, kumusta ang grado mo?" tinusok ko ang manok at kinagat sabay kuha ng bowl at higop ng sabaw para kunwari'y 'di ko siya naririnig. "Maria Revelia..."

"Revel na nga lang, Ma," umangil ako. "Pangit-pangit ng Maria parang birhen sa bait! Sa astig kong 'to Maria ang papangalan mo sa 'kin, Ma? 'Di ba p'wedeng Revel na lang sana?"

Ngumiwi siya at tinulak ang noo ko.

"Mukha ka kasing virgin Mary no'ng bata ka," sabat niya, "no'ng lumaki ka para ka nang supling ni satanas."

Nalaglag ang panga ko, "Mama!"

Tumawa siya nang malakas at muntik pang mabulunan ng sabaw.

"S-sorry..." humagalpak siyang muli at naubo. Dali-dali kong inabot ang baso ng tubig para mapainom siya.

Kung 'di ko lang nanay 'to baka nag-enjoy na 'kong nabubulunan siya.

Nakainom na siya lahat-lahat pero tawang-tawa pa rin sa sinabi niya, "medyo nagsisi nga 'ko na may Maria pero ayos na 'yon."

"Ayos? Anong ayos do'n kung pang virgin Mary ang pangalan ko tapos 'yong itsura ko parang mananapak sa kanto?" bagnot kong tanong pero aliw na aliw lang talaga si Mama.

'Di na 'ko magdadalawang-isip saan ako nagmana. Ito na ang proweba!

"Reklamo ka pa," tumawa siya, "swerte mo nga 'di ko pinangalan sa 'yo 'yong first choice ko."

"Oh? Ano ba?"

Ngumisi siya, "Princess Sarah."

Nagsitaasan ang balahibo ko. Napatakip ako ng tainga at mahinang sumigaw pero ang nanay ko'y hinila lang paalis ang palad ko sabay bulok.

"Hi, Princess," humagikhik siya.

"Ma!" naiiyak kong reklamo, mas nagsisitaasan ang balahibo. "Tama na! Nato-trauma na 'ko!"

Gano'n palagi ang bonding namin ng Mama ko sa t'wing hapunan. Minsan nga lang ay 'di kami sabay at overtime siya sa salon pero kung hindi naman ay ganito kami.

Wala na 'kong Papa. Hindi sila kasal ni Mama. Live in ata ang pagkakaalam ko noon. Sea man daw iyon dati at nangako pa kay Mama na babalikan siya pagkababa ng barko pero 'di na bumalik.

Nag-transform na ata siya sa pagiging shokoy.

Nalunod na siguro o kaya iba na ang sinisid. Galawang pang-gago.

Rebel HeartsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon