CHAPTER FIVE

4 2 0
                                    


CHAPTER FIVE

"SAAN KA galing? Ba't basang-basa ka?" tanong ni Mama nang dumating ako ng bahay. Alas nuwebe na ng gabi.

"Sa labas. Pumunta kami ng mall ni Xian, 'di ba?"

"Letlet, kilala kita. Alam kong 'di ka marunong magsinungaling. Ano ang ginawa mo kina Jonas?"

Lumunok ako. Wala nga talaga siguro akong maitatago kay Mama. Humugot ako ng malalim na hininga. "Wala..." Biglang tumulo ang mga luha ko. "P-pinagtabuyan niya ako, 'Ma."

Nakita ko ang lungkot sa mga mata ni Mama. Para siyang may sasabihin na 'di niya masabi. Nakita ko rin ang paglunok niya. Lumapit ako sa kanya.

"Ayos ka lang ba?" tanong niya kapagkuwan matapos akong yakapin.

Ngayon, 'di ko talaga maintindihan si Mama. Kahapon, nag-sorry siya sa akin. Tapos, kanina, pinagalitan niya ako. Tapos ngayon, nagtatanong siya kung okay lang ba ako habang niyayakap niya? Ano ba talaga? Boto ba talaga itong si Mama amin ni Jonas o hindi?

"Mama, hindi kita maintindihan. Boto ka ba sa amin ni Jonas?" tanong ko.

Bumuka ang bibig niya pero wala ni isang salita ang lumabas doon.

"Kalimutan mo na siya, Letlet. Nandiyan naman si Xian."

Hindi ko na naman napigilan ang mga luha ko. "Bakit ba? Bakit ba ganyan kayo? Lahat na lang kayo, ipinagpipilitan ako kay Xian. Kaibigan ko si Xian. Hindi ko siya mahal. Si Jonas lang naman ang mahal ko. 'Wag naman ganito, 'Ma. Mahal mo ako, 'di ba?" Para na akong paslit kung magsalita. Para akong nagbalik sa three-year old kong sarili na nagdadabog kapag hindi napagbigyan na bilhin ang paboritong laruan.

Mas humigpit ang yakap niya sa akin. Suminghot si Mama. Alam kong umiiyak siya. Siguro, masakit din para kay Mama na pagalitan ako. 'Di niya kasi talaga ako pinapagalitan, dahil mabait naman ako. Ni hindi nga ako makagawa ng mali.

"Kalimutan mo na lang kasi siya... May mga taong aalis, at may mga taong darating... Hindi permanente ang mundo. Tandaan mo 'yan."

"Pero, Ma..."

Hinarap niya ako pinakatitigan. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat. Umiling si Mama. "Tulad ng Papa mo, 'di ba? Umalis siya sa atin. Iniwan niya tayo." Pasimple niyang pinahid ang mga luha niya.

"'Ma, iba si Papa. Namatay siya. Sundalo siya. Namatay siya kasi nakipaglaban siya sa mga terorista sa Mindanao. Nang mawala si Papa, alam n'yong mahal niya kayo. Pero si Jonas, iba. Pinagtatabuyan niya ako. Ayaw na niya sa akin. Hindi na niya ako mahal, pero ako, ang tanga-tanga ko. Akala ko matalino ako, 'Ma. Ba't ganito?"

Bata pa ako ay namatay na raw si Papa sabi ni Mama. At simula niyon ay hindi na nag-asawa pa si Mama. Sundalo raw si Papa, at namatay siya sa bakbakan sa Mindanao. Ang trabaho ngayon ni Mama ay nagpapa-order siya ng mga Avon products, Natasha, Fullerlife at kung ano-ano pa.

Umiwas si Mama ng tingin at pinunasan ng likod ng kanyang palad ang kanyang pisngi na basa ng luha. Tuloy-tuloy ang pagmalisbis ng mga iyon. Hindi maampat.

"Kalimutan mo na siya, Letlet. Napakabata mo pa. Marami ka pang makikilala kapag tumanda ka na. Kumain ka na. Siguradong gutom ka."

Tumango na lang ako. "Pero, mamaya na siguro. Napapagod pa ako." Dumiretso na ako sa kuwarto. Pagkatapos kong magbihis ay humiga ako sa kama ko. Napag-isip-isip kong, hindi dapat ako sumuko, por que may nagsabing kalimutan ko na si Jonas. Hanggang dito lang ba ako? Mahal na mahal ko si Jonas para hayaan ko lang siya sa gusto niya. Hindi ko man alam ang tunay na rason nang pagtataboy niya sa akin, wala akong pakialam. Pero kailangan ko ring malaman kung bakit.

WAIT FOR THE BOY by Rill MendozaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon