CHAPTER SEVEN

12 2 2
                                    


CHAPTER SEVEN

"NASAAN po siya? Nasaan po si Jonas?" Umiiyak na tanong ko kay Tita. Halos maglupasay na ako sa tapat ng pinto ng operating room. Nakasarado iyon. Hindi raw ako puwedeng pumasok.

Niyayakap ako ni Tita sa likod ko, pinipigilan akong itulak ang pinto ng operating room. Panaka-naka na ang pag-iyak niya.

"Gusto ko po siyang makita! Gusto ko po siyang makita!" Nanghihina na ang mga tuhod ko. Napaluhod na lang ako nang bumigay ang mga iyon. "Gusto ko siyang makita! Jonas! Jonas! Jonas!" Halos mamaos na ako sa kasisigaw. Wala akong pakialam sa kung sino mang makakarinig sa akin, basta makita ko si Jonas. Ang katawan niya... ang walang buhay na katawan niya.

Sa isang bahagi ng isip ko ay may nagsasabing hindi pa siya patay. Na anumang oras ay lalabas siya ng operating room at tatawagin ako para yakapin niya ako... nang mahigpit... sobrang higpit at sobrang init. At gusto kong marinig kung paano niya sasabihin ang salitang 'mahal kita.'

Noon bumukas ang pinto. Iniluwa niyon ang isang doktor. Nakasandal na ako sa pader ng operating room. Tumutulo ang mga luha, at parang lantang gulay na naghihintay ng isang imposibleng himala.

May itinanong si Tita pero hindi ko na iyon naintindihan. Kumakabog ang dibdib ko at iyon na lang halos ang naririnig ko. Saka umiling ang doktor. Nang paulit-ulit. May sinabi pa siya ngunit wala na akong halos marinig kundi ang sarili kong pag-iyak, ang mga salitang kanina pa umuukilkil sa utak ko. Na okay si Jonas sa loob. Na walang Jonas doon, sa halip ay nasa bahay lang siya at natutulog. At sana joke lang ang lahat.

Nilapitan ako ni Tita. Inabot niya ang kamay niya sa akin. Pinagmasdan ko lang ang kamay niyang nakalungayngay. Saka ko siya tiningala at tumitig sa mga mata, habang lumuluha pa rin. Kailan ba ako mauubusan ng tubig sa katawan? "Okay na po ba siya?" tanong ko, halos walang buhay.

Umiling si Tita. Sukat sa sinabi niya ay naramdaman ko na lamang ang panghihina ng katawan ko. Nawalan na ako ng malay.

"Let? Let?"

Dumilat ako! Napakalakas ng tambol ng dibdib ko. Si Mama. "Si Jonas, 'Ma?!" Pawisan din ako. Panaginip lang pala ang lahat.

"Nasa bahay na nila. Ano k aba?"

Inilibot ko ang paningin ko sa buong kuwarto. Kumunot-noo ako. Nasa sarili akong kuwarto. "Si Tita?"

Tumayo na si Mama, umalis sa paanan ko. "Si Xian ang naghatid kay Jonas sa bahay nila. Madaling araw na. Hindi naman pumunta rito ang mama niya. Bakit ba?"

Bumangon ako. "Pupunta ako sa kanila, 'Ma. Gusto kong makita si Jonas. Gusto ko siyang makita." Naiiyak na naman ako.

"Umagang-umaga, Letlet. Pagod pa sigurado 'yon si Jonas. Kakagaling lang ng tao rito. Baka magsawa na sa 'yo 'yon.

Tumunog ang cell phone ko. Si Mama ang nasa malapit kaya siya ang kumuha ng cell phone ko, pero bago niya iabot sa akin iyon ay tiningnan muna niya ang nakasulat sa screen. "Jonas..." basa niya.

Mabilis kong hinablot ang cell phone kay Mama at sinagot agad ang tawag.

"Letlet..." Si Tita Nelly. Nasa boses niya ang lungkot. Biglang tumahip ang dibdib ko sa kaba.

"Magandang umaga po. Kumusta kayo?"

Nahuli ko ang paghinga niya ng malalim. "Si Jonas..." simula niya.

"A-ano po ang nangyari?"

"W-wala na siya. H-hindi na siya nagising kanina..."

Hindi ako nakasagot. Parang naipon lahat ng sasabihin ko sa lalamunan ko at anumang oras ay mawawalan ako ng hininga dahil sa mga pagbara niyon. Tumulo na ang mga luha ko.

WAIT FOR THE BOY by Rill MendozaDonde viven las historias. Descúbrelo ahora