CAPITULO 4
NAGTATAWAG KA.
Ano iyong gulo na sinasabi ni El? Lapitin ako dahil nagtatawag ako? Wala naman akong ginagawa. Nanahimik ako. Nagsimula lang naman magsunod-sunod ang ganoong pangyayari nang maging katabi ko siya sa upuan—
Natigilan ako at napatingala kay El. Namimilog ang mga mata ko sa kanya. Tinaasan naman niya ako ng kilay.
Saka ko rin naalala na hawak niya pa pala ang aking kamay. Mabilis ko iyong binawi sa kanya. Ayoko na may makakita na magka-holding hands kami dahil baka ano pa ang maisip sa amin.
Nauna na akong maglakad. Iniwan ko na siya dahil nalilito ako. Ginugulo niya ang isip ko sa mga bagay na walang kabuluhan. Hindi naman ako dapat nag-iisip ng kung anu-ano.
Bago pumasok sa gate ng school ay natanaw ko si Julian na kabababa lang ng tricycle. Parang hindi kami magkakilala ni Julian. Hindi kami nagpapansinan. Si Bhing nga lang ang may alam dito sa school na step-brother ko ang lalaki.
Pagpasok sa room ay maingay ang mga kaklase ko. Pagkaupo ay nilapitan agad ako ni Bhing. Mukhang may kuwento siyang dala base sa excitement na nakapaskil sa kanyang mukha.
"Kena, may multo raw sa CR ng girls malapit sa canteen!"
Natigilan ako bagaman hindi nagpakita ng kahit ano'ng interes. Ang tinutukoy na CR ni Bhing ay iyong CR na pinagbanyuhan ko noong nakaraan.
"Kena, katakot kamo. Ang sabi pa ng matandang guard, may namatay raw pala dati roon. Isang babaeng estudyante na inatake ng asthma sa banyo. Siguro iyon iyong nagmumulto doon!"
Lihim kong nakusot ng palad ang aking suot na palda. "Bhing, nananakot lang iyong guard.'Wag kayong maniwala sa sabi-sabi."
Napasimangot si Bhing. "KJ mo talaga! Ah, basta, di na ako roon magwiwiwi sa susunod!"
Pagdating ng teacher namin ay pumasok na rin ang aming ibang kaklase sa room, including El. Hindi ko pinansin ang lalaki at hindi rin naman siya sa akin nakatingin. Pag-upo ay yumuko na siya agad sa armchair ng kanyang upuan. As usual, matutulog na naman.
Last subject nang mag-vibrate sa bulsa ko ang pinaglumaan ni Mama na Motorola T191. Iyon ang gamit kong cellphone dahil nakabili na si Mama ng Nokia.
Mama:
ISASAMA KO NG TITO RANDY M SA FOUNDATION PARTY NG KOMPANYA NLA. BKA MADALING ARAW N KMI MAKAUWI. PGUWI MO, WG K N LALABAS NG KWARTO. WG N WG KNG MAGBUBUKAS, KHT MAY KUMATOK P S PINTO.
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Wala sila Mama mamayang gabi. Naalala ko ang bigay na three hundred pesos ni Joachim. May madadaanan pa kaya akong bukas na hardware mamayang uwian? O meron kayang bentang padlocks sa groceries o maliliit na tindahan?
Pasalampak ako na sumubsob sa aking armchair. Pagtagilid ng aking mukha ay muntik akong mapatili sa gulat dahil nakatingin pala sa akin si El. Hindi na pala siya nakayukyok sa armchair. Nakapangalumbaba na siya habang nakatingin sa akin ang inaantok niyang mga mata.
YOU ARE READING
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...