CAPITULO 7
"JOACHIM, GUSTO MO BANG MATULOG NGAYONG GABI... SA KUWARTO KO?"
Napatanga siya sa tanong ko. Hindi ko naman na siya hinintay na makasagot pa. Hawak ang kanyang pulso na hinatak ko na siya patungo sa aking kuwarto. Para naman siyang biglang nawalan ng lakas na nagpatangay lang sa paghila ko.
Pagpasok sa loob ay isinara ko agad ang pinto at ikinandado. Paglingon ko sa kanya ay nanlalaki ang mga mata niya sa akin habang pinamumulahan siya ng mukha.
"Natatakot kasi ako na matulog mag-isa," dahilan ko. Malikot ang mga mata dahil baka hindi lang siya ang nahila ko. Pero mabuti at siya lang talaga.
Napahawak si Joachim sa kanyang bibig saka nag-iba ng paningin. Lalo yata siyang namula dahil pati ang leeg niya ay pinamumulahan na rin. Napakunot naman ang aking noo. Hindi ko kasi akalain na may ganitong side pala ang lalaking ito.
Si Joachim kasi mula nang una kong makilala ay hindi na maintindihan ang ugali. Noong una ay galit siya sa akin at maging kay Mama. Hindi niya kasi matanggap na nag-asawa ulit si Tito Randy.
Ayaw na ayaw ni Joachim sa amin ni Mama. Asar siya lalo sa akin. Madalas niya akong tingnan nang matalim. Sinasagot-sagot niya rin si Mama sa harapan ng papa niya. Madalas siyang masuntok ni Tito Randy noon, pero nang mag-college na ay bumait-bait na siya... o akala lang namin iyon?
Nang silipin ko ang mukha ni Joachim ay kinabahan ako. Nawala na kasi ang pamumula niya. Mukhang naka-recover na siya sa pagkabigla. Ngayon ay may naglalaro nang ngisi sa mga labi niya. Hindi ko masabi ang nasa isip niya pero mukhang kung ano man iyon, hindi ko gusto.
Bago pa siya makabuo ng kung ano-ano sa isip niya, nagsalita na ako, "Sa kama ka, sa sahig ako." Kinuha ko ang unan at akmang hihiga na ako sa sahig nang pigilan niya ako.
"Bakit ka sa sahig?"
"Bakit? Gusto mo, ikaw ang sa sahig?"
Nalukot ang matangos niyang ilong. "Syempre, hindi. Akala ko, tabi tayo?"
Naisip niya talaga iyon? Hindi ba siya nagtaka muna kung bakit ko siya kinaladkad dito? Alam niya na todo iwas ako sa kanya, di ba? At ang dahilan kung bakit ay kaming dalawa lang ang nakakaalam.
"Mali ka ng akala." Pinagpag ko na ang aking kamay na hawak-hawak niya.
Nagsalubong ang mga kilay niya. "Akala ko ba natatakot ka na mag-isa? Paano kung habang nasa sahig ka, bigla na lang may manggapang sa 'yo, ha?"
"Sino ang manggagapang sa akin?"
Bumukol ang kanyang dila sa loob ng pisngi niya. "Malay mo."
"Basta sa sahig ako."
"E di doon na lang ako sa kuwarto ko. Parehas din iyon. Hindi mo rin ako makakatabi, so useless lang na nandito ako."
BINABASA MO ANG
Beware of the Class President
HorrorFLAMES: F- Forever, L-Love, A-Angry, M-Married, E-Enemy, S... Sinister ... Isang taon na nahinto ang sikat na estudyante sa Sto. Cristo, naaksidente na sanhi ng pagka-coma nito. Nang gumaling at magbalik-eskwela ay tila ba ibang tao na. Pero para ka...