CAPITULO 16 - Incense

56.8K 3.5K 2.9K
                                    

CAPITULO 16 


ANG MATANDANG ITO AY SI FEL?!


Napaatras ako habang hawak pa rin ang picture frame kung saan naroon ang picture ng isang matandang babae. Parang habang tumatagal, mas kumukulubot at dumarami ang gatla sa mukha nito. 


At bakit nakikita ko? Madilim pero nakikita ko?!


Napaatras ako at hindi mabitiwan ang frame. Sa aking pag-atras ay may nabangga ako. Malaking bagay. Parang katawan, pero matigas. Malamig. Parang amoy ng isang aso na matagal na hindi napapaliguan ng amo. Ang taas ay lampas hanggang sa ulo ko. 


Ang buhok ko sa tuktok ay nagtatayuan. Para bang iniihipan. Hindi malamig ang tumatamang hangin, kundi mainit. 


Nanubig ang aking mga mata nang marinig ang malumanay at baritong boses na pamilyar. "Kena."


Doon lang bumalik ang lakas na sandaling tumakas kanina sa katawan ko. Pumihit ako palingon kung saan galing ang boses. May liwanag mula sa bukas na pinto at sa labas niyon ay nakatayo ang isang matangkad na lalaki na may maamong mukha.


Napasibi ako. "El..."


Bigla akong nagkaroon ng tapang dahil alam ko na hindi naman na ako nag-iisa. Nandito si El. Nang maalala ang nasa likod ko, sinamantala ko ang liwanag para alamin kung ano ba iyon. Nilingon ko ang likod ko. Ang kaso, bigo ako. Wala ako roong nakita. Wala roon kahit kahit ano!


Humakbang si El patungo sa kinatatayuan ko. "Kena, bakit ka nandito?" Hinawakan niya ako sa aking magkabilang balikat para magkaharap kami. Natigilan siya dahil naramdaman niya ang panginginig ko. "Kena, what's wrong with you?" 


Napatingala ako sa kanya habang nagluluha ang aking mga mata. "Si Fel... Si Feli..." Parang biglang umurong ang dila ko. Parang may pumipigil sa akin na masabi ang gustong sabihin. Hindi ako makapagsalita! 


"Huh?"


Itinaas ko ang picture frame na hawak-hawak dahil hindi ako makapagsalita. 


Nagtataka si El kaya kinuha niya na lang sa akin iyong frame at siya na mismo ang tumingin. Nang mabasa niya ang nakasulat sa baba ay napabuga siya ng hangin. "This is Felicidad? She's old."


Umiling ako. Hindi matanda si Felicidad! Hindi ko alam. Matanda nga ba siya? Pero hindi, eh. Ewan ko. Nalilito na ako. 


Nakita ko na ang babae dati. Ang nasa alaala ko ay isang babaeng bagaman wirdo ang paraan ng pag-aayos ay maganda ito. Makinis ang mukha, wala ni isang gatla. Sa pagkakaalam ko rin, kaedad lang ito ni Mama. Naging magkasama pa ang dalawa noong college days nila. Hindi talaga ito matanda!


"Woy, ano gawa niyo?" Boses mula sa sala.


Napapiksi ako sa gulat. Si El na lang talaga ang sumasalo sa akin. Sabay kaming napatingin sa binatilyong bata lang sa amin ng dalawa o tatlong taon. Mula sa liwanag mula sa nakabukas naming kuwarto, nakita namin si Ekoy. Pupungas-pungas na nakatayo ito sa bungad ng sala. 

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon