FINE TEMPORE UNUM

57.5K 2.4K 2.5K
                                    

"KAILANGAN MO NANG UMALIS."


Tigagal ako kay Joachim dahil hindi iyon ang inaasahan kong marinig. Pagkatapos ay bumalik sa mga labi ko ang ngiti. "Sige."


Tumalikod na ako at bumalik sa aking kuwarto. Naghubad ako para magbihis. Lubog na lubog ang aking tiyan dahil nga hindi ako nagkakakain. Sa bandang pusod ko pa ay may mga sugat na gawa ng kuko. Kinakamot ko kasi iyon tuwing hindi ako makatulog sa gabi.


Pantalon at t-shirt ang aking isinuot. Ang buhok ko ay aking ipinuyod sa likod. Habang nakaharap sa salamin ay napakunot noo ako. Nakikita ko kasi ang aking repleksyon sa salamin. Parang tumangkad yata ako?


O hindi?


Parang hindi ko pag-aari ang sobrang buhok sa tuktok ko. Parang anino. Parang may ibang tao. Parang hindi lang ako.


May tao bang iba bukod sa akin dito?


Biglang bumukas ang pinto ng cabinet na isinara ko naman na kanina. Lumingon ako roon. Ah, oo nga pala. Mag-iimpake na ako.


Nagsuot ako ng sneakers sa paa. Pagkatapos ay nagsimula na akong iimpake ang lahat ng gamit ko. Kaya lang ay nawawala iyong bag ko. Nasaan ang bag ko?!


Nawawala ang bag ko. Wala kahit saan sa kuwarto ko. Di bale, mabaho naman iyon at malansa. Ang kaso, ano ngayon ang paglalagyan ko? Wala pa naman akong maleta.


Nag-isip ako at naalala na may mga nalikom akong plastic bag na lalagyanan dapat ng basura. Tama, iyon na lang ang paglalagyan ko. Kakaunti lang naman ang mga gamit ko. Nagsimula na akong mag-impake. Habang nag-iimpake ay panay ang kuskos ko ng aking kaliwang tainga.


AALIS KA NA? SAAN KA PUPUNTA?


"Kahit saan," sagot ko naman sa kung sino man iyon na nagsalita.


May tumawa. Hindi ko masabi kung tawang masaya o nanunuya. Mahina lang iyon pero nakakairita. Naihulog ko tuloy sa sahig iyong damit na aking itinitiklop.


Yumuko ako upang kunin ang damit sa sahig ng aking kuwarto. Hindi maabot ng aking kamay dahil pumasok pala sa ilalim ng kama ko.


Kinapa-kapa ko. Nasa bandang loob nga.


Kinapa ko pa. Maalikabok. Maalikabok sa ilalim ng kama ko.


Kailan pa ba ako huling nagwalis at naglinis? Matagal na. Bago pa kami nagpunta ng Bataan. Bago pa ibinurol si Mama. Hindi pa rin ako naglilinis dito sa kuwarto. Iyong sahig na napuno ng dugo ko noong nakaraan ay basta ko lang pinunasan ng aking mga damit na labahan. Malagkit pa nga ang sahig kapag nagyapak ka.


Iyong pagsuka ko naman sa sahig ng mga insekto at mabahong tubig ay hndi naman totoo, dahil noong magising ako ay wala naman akong nakita na kahit ano.


Pero mabaho rito. Mabaho mula pa noong dumating ako. Parang may nabubulok na kung ano. Kaya araw-araw kong binubuhusan ng pabango ang buong kuwarto. Maya't maya ko ring tinataktakan ng pulbo ang sahig.

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon