CAPITULO 29 - Seized

29.3K 1.9K 645
                                    

CAPITULO 29


BAKIT KA NANDITO?


Mama, paano ka nakapunta rito? Bakit mo alam na nandito ako? Nandito ka ba dahil sinusundo mo ako? Saka, ikaw pala iyan, Mama?


Ikaw pala iyan. Sabi ko na ikaw iyan.


Ang ngiti ko ay mas lumawak dahil malawak din na nakangiti sa akin si Mama. Ang suot niyang itim na abito ay nililipad ng hangin, kahit tirik ang araw at napakainit dito.


Kaya lang bakit parang iba ang taas ni Mama? Mas matangkad si Mama kaysa sa aking alaala. Ang maaliwalas na mukha niya ay hindi rin pala ganoon kaaliwalas. Parang ang tapang.


Ang bibig ni Mama. Nakangiti, nakanganga, pero parang walang laman. Walang ipin, walang gilagid, wala kahit ano. Purong itim lang ang nakikita ko.


Pilit ko pang sinisipat nang may tumakip sa aking paningin na malaki at mabangong palad. 


Sumunod kong naramdaman ay ang paghila sa aking pulso, hanggang sa nasa loob na ako ng mainit na mga braso. Si El, magaang niyakap niya pala ako...


Nang alisin niya ang kaliwang palad sa aking mga mata ay marahang tumingala ako sa kanya. Seryoso siyang nakatingin sa akin. "We're going home, but you're not going to take anything from here. 'You hear me?"


Hindi pa gaanong nagsi-sink sa isip ko ang kanyang sinabi ay hinila niya na ako paalis.


Pagbalik namin sa may nitso ni Ekoy ay hindi kami halos napansin ng mga naroon. Nagsisiksikan sila sa makipot na daan ng sementeryo. Abala ang lahat sa pamamaalam sa patay, sa pag-iwas sa init ng araw, at pagpupunas ng kanya-kanyang pawis.


Kung meron mang nakapansin sa amin ay si Kit lang yata. Nakatingin sa amin ni El palapit pa lang kami. Nagbawi rin naman agad ito ng paningin at nagpatuloy na walang kibo sa mga sumunod na sandali.


Pagbalik sa bahay ni Sister Gelai ay hindi na sumama ang mga nakilamay. Galing ako sa banyo upang maghilamos. Pagdaan sa kusina ay meron akong naalala. Nasaan nga pala ang asong si Puti? Hindi ko ito napagkikikita.


Nasa likod-bahay ba ang aso? Hindi naman lumalabas doon si Sister Gelai kaya sino ang nagpapakain dito?


Baka gutom na gutom na ito. Baka hinahanap ang amo. Baka hindi nito alam ang nangyari kay Ekoy. Kapag bumalik sa simbahan si Sister Gelai ay magiging mag-isa na lang palagi ito. Kawawa naman ito.


Kawawa. Mag-isa. Parang ako. Pareho kami. Kapareho ko ang aso. Paano kami? Kawawa kami. Paano kami? Kawawa. Kawawa—


"Kena, nakapag-ayos ka na ba ng mga gamit mo?" Biglang sumulpot si Bhing sa likod ko.


Matalim ang mga mata ko rito at paangil itong sinagot. "Hindi pa!" 


Nagulat naman si Bhing sa inakto ko subalit matipid pa rin na ngumiti. Alam na nito ang nangyari kay Mama. At ang nakikita ko sa mga mata ni Bhing ay pag-unawa at pag-aalala para sa akin. Pero bakit naiinis ako?

Beware of the Class PresidentTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon