CHAPTER 4

1 0 0
                                    

"WALA na talaga, kuya. Siguro mga, 1/8 na lang 'tong pwede pang ibenta. Hindi pa 'yan sigurado lahat, may iba dyan parang di na tatanggapin ng turista." Ibinaba ni Parshang ang isang maliit na balde sa harapan ni Jegs. Naglalaman ito ng mga nalikom niyang maaari pang maibenta.

"Mas malaki pa rin ang nasira ni Rf," dagdag ng dalaga.

Hindi makaimik si Jegs. Nilamukos na lang nito ang mukha niya dahil sa inis na nararamdaman.

"Paano na 'yan? Kaya mo pa bang gumawa ulit? Malapit na magbukas ang isla." Sa pananahimik ni Mang Hernan, nagawa na rin niyang magsalita.

Nakakapanlumo ang mga nangyari ngayong gabi, pero mukhang walang pakialam si Iza. Nang masira niya ang mga gamit ni Jegs, parang wala lang sa kaniya ito at kahit sorry ay walang natanggap ang binata.

"Kaunti na lang, itutupi ko talaga sa tatlo 'yan si Iza," gigil pa rin si Jegs na nilalamukos ang mukha niya.

"Alam mo kuya, dapat binibigyan ng leksyon 'yan si Rf. Kung papalampasin natin 'to, baka akalain niya sa lahat ng bagay makakalusot siya."

"Aber, ano na naman 'yan, Parshang? Huwag kayong magpaplano nang masama sa anak ni Mam Sandra, malaki ang utang na loob natin sa kaniya. Hindi pa nga natin nababayaran ang utang natin noon na nagamit sa pagpapagamot sa nanay niyo."

"Hindi naman namin siya gagawan nang masama. Bibigyan lang po namin ng leksyon. Tingnan niyo nga po ang ginawa niya, sinira niya lahat. Dapat siya ang mamulot ng mga shells at maglinis ng mga tayum."

"Ah, basta 'wag kayong gagawa nang kahit anong makakasama kay Iza. Tandaan niyo ang sinabi ko. Sige na, babalik lang ako sa labas para ayusin 'yong mga ilaw."

Hindi nagsalita ang dalawa hanggang sa nakaalis ang kanilang ama. Simula noong nagkaroon ng malubhang sakit ang ina nila, nabaon sila sa utang kaya ang sumagot nito ay ang ina ni Iza, kaya malaki pa rin ang utang na loob nila kay Sandra. Pero hindi nila maaaring basta lang palampasin ang perwisyo na ginawa ni Iza.

"Ano sa palagay mo kuya?"

Mabigat na paghinga ang binitawan ni Jegs, at marahan na inangat ang tingin sa kapatid. "Tama ka. Hindi ko dapat palampasin 'to. Dpat alam niya kung gaano kahirap ang gumawa n'yan." Matalim ang mga tingin ng binata.

KINABUKASAN mataas na ang sikat ng araw nang magising si Iza. Hindi rin siya lumabas ng kuwarto, dahil pakiramdam niya ay mababagot lang din siya.

"Gusto ko na umuwi." Hinila nito ang unan at itinaklob sa mukha niya.

"Ayoko rito, ang boring. Uuwi na ako. Gusto nang umuwi." Paulit-ulit niyang sinasabi ito, natigil lang sa isang katok sa pinto.

"Madam Rf, umangon ka na d'yan. Kakain ka pa ng almutang." Boses ito ng babae, si Parshang lang naman ang babae na nasa labas kaya alam niyang galing ito sa dalaga.

Ibinaba muna ni Iza ang unan, bago ito umupo. "Pwede ba, lalabas ako kapag gusto ko."

"Kumain ka na po. Hindi namin sinabing magpakamatay ka sa gutom."

"Lalabas nga ako kapag gusto ko!" Nagdabog pa ito kaya natnggal ng unang sapin ng kama.

Sandaling katahimikan. Mukhang nakumbinsi nga si Parshang na wala pa siyang gana kumain.

"Nagugutom na ako pero ayaw ko kayong kasabay. Lalo na 'yang tarsier na puyat na 'yan." Hinimas ng dalaga ang tiyan niyang kumukulo. Pabagsak rin siyang humiga habang binabanggit na naman ang salitang kanina niya pa sinasabi.

Habang patuloy niyang inuulit na gusto na niyang makauwi, sunod-sunod na katok ang tumama sa pinto niya. Malakas. Hindi manlang humihinto na para bang may pagmamadali. Nakakairita ito para sa dalaga. Kaya kahit labag sa loob na tumayo, ginawa niya ito para lang puntahan ang sino mang lapastangan na gumagawa nito.

No, But Yesजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें