Prologue

14 1 0
                                    

Maliwanag ang bilugang buwan ng gabing iyon nang umalingawngaw ang pag-iyak ng isang bagong silang na sanggol sa buong kagubatan. Nilalabanan ng pagtangis nito ang malinaw at klarong tunog ng malinis na batis na walang kamalay-malay na ilang minuto lamang mula ngayon ay madudungisan na naman ang pagka-puro nito.

Kung hindi siya lalagyan ng isang duguang bangkay, siya naman ay tagapaghatid ng inosenteng sanggol sa dako paroon. At hindi nga ito nagkakamali dahil 'di nagtagal ay naging isa ang kaniyang tunog, pagtangis ng sanggol at boses ng isang lalaking tila hindi makapaniwala sa ginagawa niya.

"Patawad, bata... ngunit kailangan kong buhayin ang pamilya ko," sambit nito sa gitna ng kaniyang paghikbi. Isinilid niya na ito sa isang basket bago binalot ng cellophane at hinayaang anurin ng batis, saanman ito mapupulot ng mga may mabubuting loob.

Kinabukasan lamang ay may isang ginang na nagsisigaw sa kalagitnaan ng kakahuyan.

"Lando! Ano na naman bang kapalpakan 'tong nagawa mo?" Galit na naglakad ito papasok sa kanilang maliit na kubo. Pinagsisigawan niya ang asawang lulong pa sa alak at kalasingan.

"Manahimik ka nga, 'yang bunganga mo 'di na natigil sa kakakuda." Madiin na binalingan niya ang asawa na ngayon ay natahimik dahil sa pagkagulat. Inaasahan niya na masigawan pabalik dahil lasing ito, pero tila parang kalmado pa rin ito sa kabila ng lahat.

"Tignan mo 'yang nasa basket kung buhay pa ba, umiiyak pa 'yan kanina e." Pagturo ng lalaking tinawag niyang Lando kanina sa mesa kung nasaan ang basang-basa pang cellophane na may basket sa loob. Napakunot ang noo ng ginang dahil sa nakita, nagtataka sa tinuran ng kaniyang asawa.

"A-Ano ito—"
"Buksan mo na lang!"

Dali-dali namang sumunod ang ginang at laking gulat niya nang makita ang isang sanggol sa loob. Hindi na ito gumagalaw at umiiyak na tila ba'y wala nang buhay kaya agad niya itong hinawakan sa dibdib.

"Jusmeyo. Saan mo napulot ito?" Gulat niyang sambit. Nararamdaman pa niyang humihinga ang bata ngunit mahina na ang pagtibok ng puso nito. "Kailangan natin siyang dalhin sa hospital! Mahina na ang tibok ng puso nitong bata..." Mangiyak-ngiyak na nagpabalik-balik sa paglalakad ang ginang dahil sa awa. Alam niya sa sarili na ilang beses niya nang nailagay sa panganib ang buhay ng iilang mga bata ngunit hindi pa siya nakakakita ng naghihingalong sanggol.

"Lando, ano ba!" Nangangalit na naman ulit ang ginang sa asawa nito ngunit tahimik lamang ang huli na nakamasid sa kaniya at sa bata.

"Kaya nga, dalhin mo siya kay boss," sambit ni Lando na ikinawaglit ng diwa ng ginang.

"Ano?"

"Makinig ka, Mirasol. Dalhin mo siya kay boss at manghingi ka ng tulong kung gusto mo pang mabuhay," seryosong sambit nito bago saglit na napatingin sa bata, "ang batang iyan." Binitbit nito ang mga gamit at naglakad papunta sa kanilang kwarto, ngunit nasa kalagitnaan pa lamang siya nang magsalita ulit si Mirasol.

"Sigurado ka bang tutulungan niya talaga tayo?"

Napabuntong hininga si Lando. "Wala siyang magagawa, pahirapan ang paghahanap ng mga bata ngayon. Magiging kapaki-pakinabang sa kaniya ang batang iyan lalo na't kalalakhan niya ang mga gawain natin."

Hindi na alam ni Mirasol ang gagawin, ngunit may punto ang asawa niya. Nanganganib ang buhay nila ngayon dahil sa kapalpakan ng mga batang ipinadala nila sa kanilang pinuno.

LUMIPAS ang apat na taon at lumaki na nga ang bata, datapwa't payat at madungis tignan ay makikita pa rin ang ganda nito sa wangis at kaniyang bilugang mga mata. Kung hindi lamang siya namamalimos, madumi at sinusuotan ng gusot-gusot na mga damit ay aakalain mong anak siya ng mga mayayaman.

Lana Series #4: Summertime SadnessHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin