Kabanata 3: Hagod ng Kamay

10.3K 104 2
                                    


Makalipas ang isang buwan ay nagsilang si Rosa ng isang sanggol na lalaki na pinangalanan nilang Miguel, sunod sa pangalan ng yumaong ama ni Rosa. Pansamantalang tumira sa kanila ang ina ni Rosa upang makatulong sa pag-aalaga sa bagong silang na sanggol.

Tuwang-tuwa naman si Arman sa pagdating ng bagong miyembro ng kanilang pamilya. Mas nagsipag pa siya sa pagtatrabaho para maitaguyod ang kanyang mag-iina. Bukod sa trabaho sa construction ay tumanggap din siya ng iba pang mga pagkakakitaan gaya ng pagkakargador sa palengke at pagkukumpuni ng mga sira sa bahay ng kanilang mga kapitbahay.

***
Isang araw ay dumalaw ang tiyahin ni Rosa na si Carmen kasama ang asawa nitong si Paeng.

"Tiya Carmen, Tiyo Paeng, tuloy ho kayo," sambit ni Rosa sabay mano sa kanilang mga panauhin.

"Arnel, Robert, magmano kayo kila Tiya at Tiyo," ang utos ni Rosa sa mga anak.

Agad namang tumalima ang magkapatid at nagmano sa mga nakatatandang panauhin bilang paggalang.

"Naku, aba'y malalaki na pala ang mga anak mo," bati ni Carmen.

Sinalubong din ng ina ni Rosa ang kanyang ate at ang asawa nito. Bitbit niya ang apong si Miguel na mahimbing na natutulog.

"Ate, ano't napadalaw kayo?" bungad nito.

"Gusto kong dalawin ang pamangkin kong si Rosa at nang makita ko rin ang anak niya," sagot ni Carmen. "Ayan na ba ang bago kong apo kay Rosa? Aba'y kagwapong bata," bati nito nang makita ang sanggol.

"Pwera usog ho," ang nakangiting sambit ni Rosa.

"Nasaan nga pala ang mister mong si Arman?" usisa ni Carmen.

"Nasa trabaho po. Mamaya pa ho ang uwi non," tugon ni Rosa.

"Oh kumain na ba kayo? Maghahain na kami ng pananghalian at nang makakain na kayo," ang sabi ng ina ni Rosa.

"Tiya, hindi kayo nagpasabi na dadalaw pala kayo. Mabuti na lang naparami ang sinaing ko at nakapagluto ng masarap na ulam," sabi ni Rosa.

Masayang nagsalo ang mag-anak sa isang masarap na pananghalian. Nagkwentuhan at nagkamustahan sila matapos makakain. Matagal-tagal din mula nang huling mabisita si Carmen kaya't napahaba ang kanilang kwentuhan.

"Naku, mauna na kami at baka abutin na kami nang dilim," ang sabi ni Carmen nang mapagtantong malapit na palang lumubog ang araw.

"Dito na kaya kayo magpalipas ng gabi. Bukas na kayo nang umaga umuwi," suhestyon ng ina ni Rosa sa kanyang nakatatandang kapatid.

"Tama si Inay. Isa pa madalang na po ang byahe patungo sa kabilang bayan nang ganitong oras. Baka mahirapan lang po kayong bumyahe niyan," sang-ayon naman ni Rosa.

"Ano sa palagay mo, Paeng? Dito na tayo matulog?" tanong ni Carmen sa asawa.

"Ay mabuti nga siguro," ang sagot ni Paeng.

Maya-maya pa ay dumating na si Arman.

"Tiya Carmen, Tiyo Paeng, nandito ho pala kayo," ang bungad niya nang makita ang dalawang matanda. Agad siyang nagmano bilang pagbibigay galang.

"Arman, hindi ka pa rin nagbabago. Ang laki pa rin ng katawan mo ah. Mukhang batak na batak ka," ang sabi ni Paeng nang mapansin ang maskuladong pangangatawan ni Arman.

"Batak ho sa pagtatrabaho. Tatlo na ang mga anak ko kaya dapat magsipag. Kailangan dumoble kayod," ang sagot ni Arman.

"Dyan naman ako hanga sa'yo, Arman. Masipag at uliran kang ama. Aba'y ang swerte ng pamangkin ko sa'yo," komento ni Carmen.

"Arman, dito nga pala matutulog sila Tiya at Tiyo. Aabutan na kasi sila ng gabi sa daan," ang sabi ni Rosa sa asawa.

"Ah ganun ba. Walang problema," tugon ni Arman.

Arman: Ang Barakong AmaWhere stories live. Discover now