Kabanata 5: Matinding Init

9.2K 79 0
                                    


Gayon na lamang ang pagsusumikap ni Arman upang maitaguyod ang kanyang pamilya. Bukod sa pagko-construction ay suma-sideline din siya at tumatanggap ng mga part-time at extrang trabaho. Madali naman siyang nakakakuha ng mga dagdag na pagkakakitaan mula sa mga kakilala na nagrerekomenda sa kanya. Kamakailan lang ay nairekomenda siya ng kaibigan sa isang part-time na trabaho sa warehouse ng negosyanteng si Mr. Cruz.

Agad na tinagpo ni Arman ang katiwala ni Mr. Cruz na si Ben. Halos magsing-edad lamang sila ngunit mapapansin na higit na may kaliitan itong si Ben.

"Ikaw ba si Ben, yung katiwala ni Mr. Cruz?" tanong ni Arman sa maliit na lalaki. Halos hanggang dibdib lamang niya ito.

"Oo, ako nga." tugon naman nito.

"Ako nga pala si Arman, ako yung inirekomenda sa inyo ni Rodel," pagpapakilala ni Arman sa sarili.

"Ah ikaw na ba yun? Mukhang kayang-kaya mo nga ang trabaho," ang sabi ni Ben habang pinagmamasdan si Arman mula ulo hanggang paa, tila kinikilatis ang matipuno nitong pangangatawan.

"Ah, ano bang gagawain ko?" ang tanong naman ni Arman.

"Ganito kasi, may mga idedeliver na muebles para kay Mr. Cruz, duon sa warehouse niya dadalhin. Kaya nga lang eh yung pahinanteng sana ay kasama nung driver na magdedeliver ay naaksidente. Wala namang nakuhang kapalit. Nakiusap yung driver na kung pwede pagdating ng delivery ay may magbubuhat at magdidiskarga ng mga iyon sa warehouse. Medyo may edad na rin kasi yung driver kaya hindi na raw niya kaya kung siya pa ang magbababa ng mga iyon. Hindi rin naman pwedeng ako ang magbaba ng mga delivery dahil sa pandak at payat ko ba namang ito ay hindi ko kakayanin 'yon," ang paliwanag ni Ben.

"Ah sige, kailan ba ako magsisimula?" tanong ni Arman sa katiwala.

"Bale mamayang hapon pa kasi ang dating ng delivery. Pumunta ka na lang dun sa warehouse nang bandang alas singko," ang sabi ni Ben.

"Sige, pupunta na lang ako doon mamaya," sabi naman ni Arman.

"Aasahan kita ha," sambit ng katiwala.

***
Alas kwatro y media pa lamang ng hapon ay nagtungo na si Arman sa warehouse ni Mr. Cruz. Alam na niya kung saan ang pupuntahang warehouse dahil nag-iisa lang naman ito sa kanilang bayan. Pagdating duon ay naghihintay sa kanya si Ben sa may opisina ng warehouse. Pinatuloy muna siya ni Ben sa opisina habang hinihintay ang dating ng delivery.

Maya-maya pa ay dumating na ang truck lulan ang mga muebles na inorder ni Mr. Cruz. Pagkaparada ng truck sa harapan ng warehouse ay agad binuksan ni Ben ang mga pinto nito. Agad na sumingaw ang matinding init na nagmumula sa loob ng warehouse. Wala kasing insulasyon ang mga yerong bubong nito kaya't pumapasok sa loob ang init mula sa bubong. Wala rin gaanong bintana at makakapal ang sementong pader kaya't nakukulob ang init sa loob ng warehouse.

"Sige Arman ikaw na ang bahalang magdiskarga ng mga yan. Pakiayos na lang din ang pagkakasalansan ng mga yan sa loob ng warehouse. Duon mo sa sulok na iyon ilagay, ayusin mo ang pagkakasalansan para di gaanong kumain ng malaking espasyo. Ingatan mo na lang din na hwag magasgasan at lagot ako niyan kay Mr. Cruz," utos at bilin ni Ben kay Arman. "Aalis lang ako saglit dahil may pinapaasikaso sa akin si Mr. Cruz. Babalik ako mamaya para ibigay rin sayo ang bayad mo. Pakihintay na lang ako. Iiwan ko namang bukas ang opisina, duon mo na lang ako hintayin pagkatapos mo dyan," dagdag pa nito.

Matapos maibigay ang lahat ng utos at bilin ay lumisan na ang katiwalang si Ben. Naiwan naman si Arman sa warehouse upang gawin ang kanyang trabaho.

Nagsimula si Arman sa kanyang gawain. Isa-isa niyang ibinaba ang mga muebles mula sa truck at ipinasok ang mga iyon sa bukana ng warehouse. Sa angking lakas ng kanyang matipunong pangangatawan ay kayang kaya niyang buhatin ang mga muebles na yari sa solidong kahoy. Maingat niyang ibinaba ang mga iyon at inilagak muna sa bukana ng warehouse.

Arman: Ang Barakong AmaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon