Espesyal na Kabanata

3.6K 66 5
                                    


Isang araw ay nagtungo si Rosa sa palengke. Nang madaanan niya ang isang tindahan ng itlog ay naisipan na rin niyang bumili. Habang namimili ng itlog ay napangiti siya nang maalala niya ang isang kakatwang pangyayari...

***
May dalawang taon na rin ang nakalipas, bisperas ng bagong taon. Buhay pa noon ang ama ni Rosa ngunit masasakitin na at may iniinda na ring mga karamdaman. Kinailangang magtungo ng kanyang ina sa kabilang bayan dahil bagong panganak ang kanyang kapatid.

Dahil walang maiiwan upang magbantay sa kanyang ama, ay minabuti ni Rosa na umuwi sa kanila upang siya ang magbantay rito. Minabuti rin ni Arman na sumama at dalhin ang kanilang mga anak na sila Arnel, na noo'y nasa sampung taong gulang pa lamang, at Robert na limang taong gulang naman noon. Minabuti nilang doon na magdiwang at salubungin ang taong 1988.

Nakakatayo at nakakalakad pa rin naman ang ama ni Rosa, iyon nga lang ay hirap na itong kumilos kaya't madalas ay nasa kwarto na lamang. Laking tuwa naman ng ama ni Rosa nang kanyang makita at makapiling ang mga apo sa darating na bagong taon. Kahit papano ay tila nanumbalik ang lakas ng matanda.

Bagama't mahina na ang katawan ay nais pa rin sanang sundin ng ama ni Rosa ang ilang mga tradisyong nakagawian nito. Noong malakas pa ang ama ni Rosa ay madalas siyang maghanda ng mangkok na pang-akit daw ng kasaganaan para sa darating na taon. Isang malaking mangkok ang pupunuin ng bigas at lalagyan ng labindalawang itlog na siyang sumisimbolo sa labindalawang buwan ng taon.

Walang palya itong ginagawa ng ama ni Rosa tuwing bagong taon. Kaya ngayong darating na bagong taon ay nais pa rin sana itong magawa ni Rosa. Inihanda ni Rosa ang isang malaking mangkok at pinuno ito ng bigas. Napansin naman ni Arman ang ginagawa ng kanyang maybahay.

"Rosa, ano yang ginagawa mo?" usisa ni Arman.

"Pampaswerte daw kasi ito. Ginagawa ito ni Tatay tuwing bagong taon. Kaya nga lang ay mahina na siya at hindi na niya ito personal na maihahanda. Kaya nga ako na ang gumagawa nito para sa kanya,  para matuwa rin naman siya," tugon ni Rosa.

Nang inilalagay na ni Rosa ang mga itlog ay doon niya napag-alamang sampung piraso na lang pala ang mayroon sila. Sinubukan niyang maghanap at bumili, ngunit sarado na ang mga kalapit na tindahan. Sinubukan niyang magtanong sa mga kapitbahay ngunit nagamit na rin nila ang mga itlog sa kanilang handa.

"Gabing-gabi na Rosa, hayaan mo na at wala na tayong mahihingian ng itlog sa ganitong oras," ang sabi ni Arman sa asawa.

Malungkot man ay wala nang nagawa si Rosa. Gayunpaman ay dinala pa rin niya ang inihandang pampabwenas sa kwarto ng kanyang ama.

"Tay, ginawa ko yung pampabwenas mo," nakangiting sambit ni Rosa habang bitbit ang mangkok na puno ng bigas at may mga itlog. Inilapag niya iyon sa mesa kalapit ng papag na higaan ng kanyang ama.

Napangiti naman ang ama ni Rosa nang makita ito. Umupo siya sa gilid ng papag upang tignan ang inihanda ng kanyang anak. Napansin niya ang mga itlog. "Bakit sampu lang ito? Dapat ay isang dosena para sa labindalawang buwan," ang sabi niya.

"Eh, Tay, kulang na kasi yung itlog natin. Wala na rin akong nabili dahil sarado na ang mga tindahan. Wala na rin akong mahingan sa mga kapitbahay," tugon ni Rosa.

"Sige, hayaan mo na. Masaya na rin ako at kahit papaano ay nagawa pa rin natin ang tradisyon na ito kahit na ako'y mahina na," ang sabi ng ama ni Rosa. Gayunpaman ay bakas pa rin ang lungkot at pagkadismaya sa mukha nito.

Dahil sa nangyari ay hindi rin maiwasan ni Rosa na malungkot. Napansin naman iyon ni Arman.

"Oh, bakit naman parang ang lungkot mo. Magpapalit ang taon, dapat masaya tayong nagdiriwang," ang sabi ni Arman sa asawa.

Arman: Ang Barakong AmaWhere stories live. Discover now