Kabanata 24: Toma

4.5K 111 20
                                    

Pinilit nila Arman at Emil na magpatuloy sa kanilang mga buhay, gayunpaman ay hindi pa rin maikakaila na malaki ang naging epekto sa kanila ng ginagawang panggigipit ni Temyo. Apektado maging ang kanilang mga trabaho at iba pang aspeto ng kanilang pamumuhay...

***

Isang araw ay ipinatawag si Emil sa opisina ng kanilang master teacher.

"Emil, napapansin ko nitong mga nakaraang araw na madalas kang distracted at out of focus. Kung hindi pa ipinaalala sa'yo ni Juancho na pasahan ng quarterly reports at lesson plan ay hindi ka pa magpapasa," saad ng master teacher.

"Pasensya na ho, Ma'am. Asahan niyo hong hindi na ito mauulit," tugon ni Emil.

"As it should," mariing sagot ng master teacher. "You have a responsibility to your students and this school. Whatever your personal issue is, it should not affect your role as an educator. Kilala kita, Emil. I know you're a great teacher and you have passion for teaching. That's why I'm not used to seeing you failing on your duties. You should do better, understand?" pangaral pa nito.

"Yes, Ma'am" maikling tugon ni Emil.

***

Maging si Arman ay apektado rin sa mga nangyari.

"Arman, bakit hindi maayos ang pagkakasukat nitong mga poste? Hindi tugma ang sukat mo sa plano. Pati yung mga sementong pinahalo ko sa'yo hindi maayos, sobra-sobra sa tubig," bulyaw ng foreman nilang si Larry.

"Boss Larry, pasensya na. Nagkamali lang ako ng sukat. Yung semento, gagawan ko na lang ng paraan," paghingi ng paumanhin ni Arman.

"Eh kaya ko nga sa'yo inutos 'to dahil alam kong bihasa ka na at matagal ka na rin sa pagko-construction, tapos ganito? Aba'y ayusin mo ang trabaho mo Arman at may hinahabol tayong deadline," ang sabi pa ng foreman.

"Sige boss, pasensya na ho talaga," paumanhin muli ni Arman.

Pagkaalis ni Larry ay siya namang paglapit ni Nato, isa sa mga kasamahan ni Arman sa construction.

"Pre, nakatikim ka kay Boss Larry ah," ang sabi ni Nato.

"Oo nga eh, olats," wika ni Arman.

"Kulang ka lang siguro sa inom," pagbibiro ni Nato. "Tatagay kami mamaya, gusto mo sumama?" paanyaya pa nito.

Tumanggi si Arman ngunit dahil sa patuloy na pag-aanyaya at pambubuyo ni Nato ay napapayag na rin siyang sumama sa kanilang inuman. Naisip niyang marahil ay paraan na rin ito upang siya ay makalimot sa mga suliranin na kanyang kinakaharap. Kaya't nang gabing iyon, matapos nilang makapagclock-out, ay sumama si Arman sa kanyang mga katrabaho upang uminom. Nagtungo sila sa bahay ng isa nilang kasamahan at doon ginanap ang kanilang sesyon.

Napuno ng tawanan at kwentuhan ang kanilang inuman. Tagay rito, tagay roon, halos bumaha ng serbesa. Panay rin ang pagpapak nila ng pulutang mani at adobong manok na natalo sa sabong. Nang mga sandaling iyon ay nalimutan ni Arman ang mga problema at alalahanin na bumabagabag sa kanyang isip, kaya naman hindi niya namalayan na lumalalim na ang gabi at napaparami na rin siya ng inom.

Halos tumba na lahat ng kanilang kainuman at ang iba ay nagsipag-uwian na. Nakaramdam na rin ng pagkahilo at pagkalango si Arman dahil sa dami ng kanyang nainom.

"Mga p're, mauuna na ako," paalam ni Arman sa kanyang mga kasamahan.

"Ito namang si Arman aalis na kaagad. Isang shot pa!" pambubuyo ni Nato.

"Hindi na, mga 'tol. Kailangan ko na talaga umuwi," pagtanggi ni Arman.

"Sige na nga at baka mapagalitan ka pa ng misis mo. Laki pa naman ng takot nitong si Arman sa misis niya. Kemacho-macho eh takot sa misis! Hahahaha!" pang-aasar pa ni Nato.

Arman: Ang Barakong AmaOnde histórias criam vida. Descubra agora