Kabanata 17: Kumpare

6.6K 83 2
                                    


Hindi mawaglit sa isip ni Arman ang nangyari sa kanila ng gurong si Sir Emil. Iniisip niya kung tama nga ba ang ginawa niyang pagpatol sa bakla gayong may asawa siyang tao at pamilyado, at kung ito nga ba ay maituturing na pagtataksil sa kanyang asawa. Ngunit alam naman niya sa kanyang sarili na nadala lamang siya ng libog at tawag ng laman. Hindi naman siguro kasalanan kung pagbibigyan niya ang init ng kanyang katawan. Ibang klaseng init din kasi ang dulot sa kanya sa tuwing may humahanga at nagnanasa sa angkin niyang kakisigan. Sa katawan pa lamang niya ay naglalaway na sila, lalo pa kapag nasilayan na nila ang itinatago niyang gasawang 'alaga'.

Upang kahit papaano ay mabawasan ang nadaramang pagkabagabag, minabuti ni Arman na sumama sa kanyang mag-anak na magsimba nang Linggong iyon. Napakaganda nilang pagmasdan, isang larawan ng buo at masayang pamilya. Isa ito sa mga maipagmamalaki ni Arman, na bagama't payak lamang ang kanilang pamumuhay ay nananatili naman silang buo at masaya.

Nang pauwi na sila galing sa simbahan ay nasalubong nila si Dante, isa sa mga kaibigan at kababata ni Arman na lumuwas at nakipagsapalaran sa Maynila.

"Dante! Ikaw nga ba yan? Aba'y pormang porma ka ah. Big time ka na ata," bati ni Arman sa kaibigan na matagal-tagal din niyang hindi nakita.

May katotohanan naman ang tinuran ni Arman dahil talaga namang bumagay kay Dante ang suot niyang T-shirt at jacket, angat na angat ang angkin niyang tikas at kakisigan. Masasabing mahusay manamit at pumorma itong si Dante.

"Hehehe. Hindi naman, nakakaraos-raos lang din," ang sabi ni Dante. "Rosa, lalo kang gumaganda ah," ang bati naman niya sa misis ng kaibigan.

"Naku, hanggang ngayon bolero ka pa rin," ang nakangiting tugon ni Rosa.

"Eh kaya nga Rosa ang pangalan niyang asawa ko. Parang rosas, mas gumaganda at namumukadkad lalo na't palaging nadidiligan. Hehehe!" pagbibiro ni Arman.

"Arman! Ano ka ba!" pakli ni Rosa sabay tapik sa braso ng kanyang mister.

Natawa naman si Dante sa sinabing iyon ng kanyang kaibigan.

"Ito na ba ang inaanak kong si Arnel? Ang laki mo na ah, binatang-binata ka na," bati ni Dante nang mapansin ang binatilyo.

"Arnel, magmano ka pala sa ninong mo," ang sabi ni Arman sa anak.

Tumalima naman ang binatilyo at nagmano sa kanyang Ninong Dante.

"Kailan ka pa nauwi rito sa probinsya?" usisa ni Arman.

"Kahapon lang ako dumating. Saglit lang naman ako rito, dinalaw ko lang ang pinsan ko na may sakit," paglalahad ni Dante. "Sa isang araw ay babalik na rin ako sa Maynila dahil may trabaho rin ako roon," dugtong pa niya.

"Eh saan ka tumutuloy niyan?" tanong pa ni Arman.

"Naaalala mo si Tiyo Peping? Yung tiyuhin kong nabyudo at walang anak. Sa kanya ako nakikituloy ngayon at wala naman siyang kasama sa bahay," ang sagot ni Dante. "Oh mamaya, Arman, alam mo na ha. Punta ka doon at mag-inom tayo, hehe. Isasama ko rin si Gido," ang sabi pa niya sa kaibigan.

Bumaling ng tingin si Arman sa misis niyang si Rosa at ngumisi. "Oh, Rosa, mag-iinom daw kami mamaya, hehehe," pabiro niyang sambit.

Inirapan ni Rosa ang kanyang mister. "Hay naku, bahala ka nga. Basta huwag kang uuwi nang lasing na lasing ha," ang bilin niya sa asawa.

"O sya, mauna na kami. Mamaya na lang," ang sabi ni Arman sa kanyang kaibigan.

"Sige, basta asahan kita mamaya, hehe. Ingat kayo," sambit naman ni Dante.

***
Kinagabihan ay tumungo si Arman sa bahay ng tiyuhin ni Dante kung saan nakikituloy ang kaibigan. Pagdating doon ay sinalubong siya ng isang binata na nakasuot ng maluwag na kamiseta at maikling salawal. May kahabaan ang buhok nito na aabot hanggang leeg at balingkinitan ang pangangatawan. Sa unang tingin nga ay aakalaing isa siyang babae.

Arman: Ang Barakong AmaWhere stories live. Discover now