Chapter 1

1.9K 14 0
                                    

CHAPTER ONE

"CHEERS!" natatawang pakikisabay ni Jemelyn sa kanyang mga kaibigan habang nakataas ang kanya-kanyang kopita ng red wine. Nasa dulong bahagi sila ng Single Ladies' Buffet, ang restaurant na pag-aari nilang magkakaibigan. Marami silang dapat na ipagdiwang sa gabing iyon. Isa na roon ang pagkaka-promote niya. Iyon ang gantimpalang ibinigay sa kanya ng presidente ng kompanya nila pagkatapos niyang masolusyunan ang dahilan ng unbalanced financial reports ng budget ng marketing department. Kahit ang head accountant nila ay hindi mabigyan ng linaw kung paano iyon nangyayari. Nag-imbestiga siya at ni-review niya ang lahat ng account. Natuklasan niyang ang mismong head accountant nila ang nagdidispalko ng ilang porsiyento sa budget ng marketing department. Inalis ito sa trabaho at na-black list sa lahat ng sister company nila. Hindi na ito ipinakulong pa ng boss niya dahil ayaw nito ng bad publicity. Pero pinapirma ng kasunduan ang accountant na babayaran nito ang lahat ng perang nakuha nito sa loob ng isang taon o gagawa na ng mas matinding hakbang ang kompanya laban dito. "Jem, ikaw na talaga. You are the embodiment of a successful career woman. Head of Marketing and Finance, wow!" masayang bati ni Myra sa kanya. Nginitian niya ito. "It's nothing compared to owning a school, like you," aniya rito. Head mistress ito ng isang Montessori school na minana nito sa ina nito. "'Oy, hindi iyon nothing, ha? Multimillion corporation kaya ang Smith Pharmaceuticals. Lahat ng ospital sa buong Pilipinas ay kliyente ng kompanya ninyo. Idagdag pa ang napakaraming pharmacy ninyo na nagkalat sa buong bansa. And to think you've been promoted to head the marketing and finance department, it's incredible," sabi ni Hannah. Alam nito ang tungkol doon dahil isa sa mga kliyente nila ang ospital kung saan resident doctor ang kakambal nitong si Harry at ang asawa nitong si Chad. "Oo nga. You're great, Jem. A successful, perfect career woman. Minsan tuloy, hindi ako makapaniwalang kaibigan kita," bulalas ni Rica. As always, her writer friend made her words more dramatic than it should be. Natawa siya. "Rica, compared to my promotion, I think mas dapat ikatuwa ang iba pang dahilan ng celebration natin ngayon," sabi niya at iminuwestra si Alaine na malaki na ang tiyan. Kabuwanan na nito. Nabaling na rito ang tingin ng mga kaibigan niya at muling binati ito tungkol sa nalalapit na panganganak sa panganay nito at ng asawa nitong si Arnel. Bukod doon ay marami pa silang dapat ipagdiwang sa araw na iyon. Kasama na roon ang pag-amin ni Hannah na anim na linggo na itong buntis at ang pagbabalik ni Kendra mula sa honeymoon nito at ng asawa nitong si Darren. "Grabe, sa loob ng wala pang isang taon, nagsipag-asawa na kayong apat. Magpapalit na ba talaga tayo ng pangalan ng restaurant? Hindi na tayo single ladies lahat," pabirong sabi ni Elay. Kahit kasi si Myra ay may asawa na. Ang single na lamang sa kanila ay siya, si Elay, at si Rica. "At malamang, susunod ka na, Elay. Hindi ba, iyon ang dahilan kung bakit ka pinilit umuwi ng pamilya mo sa inyo noong Holy Week?" pambubuska ni Rica rito. Agad na umasim ang mukha nito. Hindi niya napigilang mapangiti. Noong kababalik pa lang nito pagkatapos ng Holy Week visit sa pamilya nito ay ganoon din kabusangot ang mukha nito. Ayon kasi rito ay walang inatupag ang pamilya nito kundi ang sulsulan itong mag-asawa na. Pinakitaan pa nga raw ito ng sangkaterbang larawan ng mga lalaki at pinapipili ito kung sino ang gusto nito. "Hindi 'yan mangyayari. Alam n'yo naman, at lalong alam nila na anak lang ang gusto ko, hindi asawa. Ayokong may mamatay nang dahil sa akin," mariing sabi nito. "Elay, baka naman kasi fake lang iyong manghuhulang nanghula sa iyong mamamatay ang unang mapapangasawa mo? At saka high school ka pa no'n, hindi ba? Hindi mo kailangang dibdibin iyon," malumanay na sabi ni Hannah. "Hindi iyon fake. Nakalimutan n'yo na ba ang nangyari sa unang boyfriend ko noong college? Nasagasaan siya at ilang linggo ring naging kritikal ang kalagayan sa ospital bago gumaling," giit pa nito. Nagkatinginan sila nina Myra at hindi na nagkomento. Labis kasing dinibdib ni Elay ang pangyayaring iyon kaya ayaw na nilang igiit pa ang isyung iyon dito, kahit pa alam nilang lahat na nagkataon lamang ang nangyari. "Then maybe, si Jem na ang susunod na mag-aasawa," baling ni Rica sa kanya. Naitirik niya ang mga mata. "As if. Unlike most of you, I've never even had a formal relationship. Sure, I used to date a couple of guys before, but what we had didn't grow into a full blown romance. Paano ako mag-aasawa?" "Miss Perfectionist ka kasi kaya wala kang nagugustuhang lalaki," puna ni Alaine. "Hindi lang Miss Perfectionist, Miss Perfect pa 'kamo. Iyong mga lalaki, parang naiilang na lapitan ka kasi 'yong aura mo, parang out of their league ang dating. Hindi pa dumarating ang lalaking hindi mo maa-under at mado-dominate ka in every way," sabi ni Rica na kumislap pa ang mga mata. Muli ay naitirik niya ang mga mata dahil hindi nakaligtas sa kanya ang malisya sa huling sinabi nito. "Anyway, why are we even talking about this? We've never talked about marriage like this before. Nandito tayo para mag-celebrate, hindi ba?" pag-iiba niya sa usapan. Nagtagumpay siyang ilayo sa kanya ang atensiyon ng mga ito at muling bumaling kay Alaine at sa malaking tiyan nito. Nakapag-relax na siya dahil doon ngunit sa likod ng isip niya ay hindi niya tuluyang maalis ang agiw na idinulot ng usapang pag-aasawa, lalo na kung siya ang sentro ng usaping iyon. Hindi siya katulad ni Elay na ayaw talagang mag-asawa. Nagkataon lang na umabot siya sa edad niyang treinta y uno na hindi pa nakakatagpo ng lalaking sa tingin niya ay nais niyang makasama habang-buhay. Aminado siya na mapili siya sa lalaki. She wanted someone who deserved her and vice versa. Ayaw niyang basta sumuong sa panghabang-buhay na relasyon sa isang lalaking puwede na. Gusto niya ng lalaking magpapasaya sa kanya habang-buhay. Siguro nga ay tama si Rica na ang hinahanap niya ay lalaking kayang lampasan ang pagiging bossy niya. Pero higit doon ay nais niya ng taong magpapagising sa lahat ng emosyon niya, mamahalin niya, at mamahalin siya. GOD, I'M going to be late, frustrated na sabi ni Jemelyn sa isip habang mabibilis ang hakbang sa ground floor lobby ng headquarters ng Smith Pharmaceuticals Corporation. Sa tagal niya sa kompanya ay hindi pa siya na-late kahit isang beses at ayaw niyang kung kailan siya na-promote ay saka siya magkakaroon ng record. Nang matanaw niya ang elevator ay tumingin siya sa wristwatch niya. Limang minuto na lang. Halos takbuhin niya ang elevator at naipagpasalamat niyang agad na bumukas iyon. Mabilis na pumasok siya roon at pinindot ang buton upang sumara agad ang pinto niyon. Malapit na iyong sumara nang mapaatras siya sa isang kamay na biglang pumigil sa pagsasara niyon. Nanlaki ang mga mata niya. Kung sa ibang pagkakataon ay malamang na naipit na iyon. Ngunit mukhang malakas ang puwersa ng pangahas dahil tila walang kahirap-hirap na naitulak nitong pabukas ang pinto. Ang unang tumambad sa kanya ay ang malapad na katawan ng isang lalaki na nakaputing T-shirt at halos masakop na ang bukana ng elevator. Bago pa niya magawang tingalain ito ay pumasok na ito sa elevator at awtomatiko siyang napatabi sa sulok. The man was too big and he was crowding her. Agad na nanuot sa ilong niya ang amoy nito. Hindi iyon amoy ng pabango. Amoy-bagong paligo ito na humahalo sa amoy na alam niyang natural nito. He smelled good in an inexpensive way. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya at halos nais umiling nang marahas. Ano at nag-iisip siya ng ganoon? Hindi siya ganoon dati. Nang sumara ang pinto at magsimula silang umangat ay noon lamang siya nagkalakas ng loob na sulyapan ito mula sa repleksiyon nila sa pinto. Ang una niyang napansin ay ang katotohanang hanggang balikat lang siya nito. Kahit na naka-three-inched high heeled sandals siya. Nang sulyapan niya ang mukha nito ay tuluyan nang naagaw ang atensiyon niya. The guy was dangerously handsome. Isang tingin pa lang niya sa hugis ng mukha nito, sa deep-set na mga mata nito at makakapal na kilay, sa matangos na ilong, at sa makurbang mga labi nito ay alam na niyang hindi ito purong Pilipino. Humahakab sa katawan nito ang T-shirt na suot nito. Maging ang maong na pantalon nito ay parang nakadikit sa ibabang bahagi ng katawan nito na para bang balat nito iyon. His attire was lousy and ragged in contrast to her professional corporate clothes. Napaisip tuloy siya kung ano ang kailangan ng isang lalaking ganoon ang ayos sa top floor ng kompanya nila. She was still contemplating about that matter when she looked up at his face again through the door. Pakiramdam niya ay tumalon ang puso niya nang magtama ang kanilang paningin. Hindi nakaligtas sa kanya ang kakaibang ekspresyon sa mga mata nito at awtomatikong nag-init ang mukha niya. At that moment, she knew he was aware that she was looking at him. Mabilis na nag-iwas siya ng tingin dito. "Are you done assessing me already?" amused na pagbasag nito sa katahimikan. His voice was husky and manly. Hindi niya alam kung bakit ngunit nanindig ang mga balahibo niya sa batok. Hinamig niya ang sarili at sa unang pagkakataon ay tiningala ito. Saglit na nablangko ang isip niya nang masalubong niya ang mga mata nito. She was awed to realize he had grayish black eyes. Kung ibang tao ang nakitaan niya ng ganoon ay iisipin niyang naka-contact lenses lang ito. Pero may pakiramdam siya na tunay ang kulay ng mga mata nito. Bahagyang umangat ang sulok ng bibig nito. "Not yet, I see." Doon siya natauhan. The man obviously knew his appeal. Bahagyang naningkit ang mga mata niya. "I'm sorry for ruining your delusions, Mister, but I'm not assessing you," mahina ngunit mariing sagot niya. Umangat ang mga kilay nito na para bang sinasabi sa kanya na hindi ito naniniwala sa sinabi niya. "Really? Then what have you been doing since the door closed, pray tell?" tanong pa nito. Mabilis na hinalukay niya ang isip sa maaaring isagot dito. Nang may maisip ay bahagya pa niyang iniangat ang noo. "I was just looking at you because you don't look like someone who works here." Lalong umangat ang mga kilay nito at humarap sa kanya. Pinigilan niya ang sarili na mapaatras kahit na nao-overwhelm siya sa laki nito. "And that's not assessing?" tanong nito. "No. I was just looking at you. Magkaiba iyon. It will just become an assessment if I had any interest in you, which isn't the case. As I said I was just wondering why you're here, that's all," aniya sa pinakapabale-walang tono na kaya niya. Hindi ito nagsalita at tinitigan lamang siya. Pagkatapos ay walang pakundangang hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Pagkatapos ay bigla itong ngumisi na parang nang-iinis. Kumunot na ang noo niya. "What?" naiinis na bulalas niya. Lumapad lalo ang pagkakangisi nito. "What, I was just looking at you. Don't worry. I'm not assessing you 'cause I don't have any interest in little girls like you. I'm not a pedophile, you know," sagot nitong may twang ng American accent na hindi niya masyadong napansin kanina. Ngunit hindi iyon ang mas tumimo sa isip niya kundi ang laman ng mga salita nito. Nanlaki ang mga mata niya. Little girl? Pedophile? Ang akala nito ay bata siya? Oo at aminado siyang mukhang mas bata siya nang maraming beses kaysa sa tunay na edad niya ngunit wala nang nagkakamaling magsabing mukha siyang bata ngayon. Mukha pa ba siyang bata pagkatapos niyang maglagay ng makeup, mag-ayos ng buhok, at manamit upang magmukhang matured career woman? Worst, tinawag pa siya nitong little girl! Huminga siya nang malalim upang kalmahin ang tumitinding inis na nararamdaman niya. "I'm not a little girl. You're just extremely huge." Binigyang-diin niya ang bawat salita habang matalim ang tingin dito. Bago pa ito makasagot ay bumukas na ang pinto ng elevator. Pinukol uli niya ito ng matalim na tingin bago mabilis na umibis doon. Halos patakbong tinahak niya ang daan patungo sa bago niyang opisina.

When The Love Falls - Maricar DizonWhere stories live. Discover now