Chapter 5

532 13 0
                                    

CHAPTER FIVE

"TAPOS ka na ng kumain. Puwe de ka na sigurong bumalik sa trabaho mo." Hindi ugaling maging prangka ni Jemelyn sa mga katrabaho niya ngunit pagdating talaga kay Dillion ay hindi niya maiwasang umakto nang ganoon. Lalo na at bago pa man dumating ang pagkaing in-order niya ay hindi na siya mapakali dahil sa walang pakundangang pagmamasid nito sa kanya. Hindi rin tuloy siya umusad sa trabaho dahil wala siyang naintindihan sa mga binasa niya. Nang dumating ang pagkain nila ay hindi pa rin ito tumigil sa hayagang pagmamasid nito sa kanya kahit na kumakain na sila. Pakiramdam tuloy niya ay hindi siya matutunawan sa ginagawa nito. Lalo pa at habang magkasama sila ay hindi niya magawang alisin sa isip niya ang ekspresyon sa mukha nito nang tanungin niya ito kung bakit ganoon ang pakikitungo nito sa kanya. For some reason, she was scared at the way his eyes were glinting at that moment. Kaya hindi na niya ipinilit pa ang usapang iyon. Napakurap siya nang bahagya itong tumawa. "That was very blunt. But as much as I want to stay with you, I have to admit you're right. I have to go back to work now," anitong tumayo na. Kahit na intensiyon talaga niyang paalisin ito ay nagulat pa rin siya sa mabilis na pagpayag nito. Tumingin ito sa wristwatch nito. "At ayoko na ring istorbuhin ka pa para makauwi ka rin nang maaga. I assume you have a car?" "Yes," disoriented pa ring sagot niya. Tumingin ito sa kanya at ngumiti. "Great. Delikadong mag-commute sa gabi. Don't stay here too late." Inilang-hakbang siya nito at tila normal na nitong ginagawang inilapat nito ang kamay nito sa pisngi niya, more in an affectionate manner than anything else. "Thanks for dinner. Tatawag ako ng utility para linisin ang pinagkainan natin. Bumalik ka na sa trabaho mo." Pagkasabi niyon ay at lumabas na ito ng opisina niya. Natulala na lang siya sa nakapinid na pinto na nilabasan nito. "What is his problem?" nausal niya. Marahas siyang napailing. Wala siyang panahong analisahin ito. Sa mga oras na iyon ay ang trabaho niya ang priyoridad niya at hindi ito. Sunod-sunod siyang huminga nang marahas bago muling bumalik sa trabaho. PINIGILAN ni Jemelyn ang sariling mapahikab habang naglalakad na siya patungo sa kotse niya sa lower ground parking lot ng kompanya nila. Napabuga siya ng hangin dahil inabot siya ng alas-diyes sa opisina. Kahit kasi sinabi niya sa sarili niyang mag-focus siya sa tinatrabaho niya ay hindi pa rin niya nagawa dahil kahit ayaw niya ay sumusulpot pa rin sa isip niya si Dillion. And no matter how hard she tried to ignore it, her pulse continued to beat abnormally fast just by remembering him. Ilang dipa na lamang siya sa kotse niya nang mapahinto siya dahil tumindig ang mga balahibo niya sa batok. Marahas siyang napalingon. Walang katao-tao roon. Maliban sa mga company car at itim na Range Rover ay kotse na lamang niya ang naroon. Yet, she felt as if she wasn't alone in there. Na para bang may nakamasid sa kanya. Iwinaksi niya ang munting pag-ahon ng takot sa dibdib niya at inilang-hakbang ang kotse niya. Mabilis na binuksan niya iyon at lumulan siya sa driver's seat. Inilapag niya ang bag niya sa passenger's seat bago binuhay ang makina ng sasakyan niya at pinaandar iyon. Paliko pa lamang siya patungo sa exit ng parking lot na ang kalalabasan ay ang main road nang maalala niyang naiwan niya sa opisina niya ang papeles na plano niyang iuwi. Tinapakan niya ang brake ngunit nanlaki ang mga mata niya nang hindi iyon kumakagat at hindi humihinto sa pag-usad ang sasakyan niya. Nanlamig ang buong katawan niya at natatarantang paulit-ulit na tinapakan ang brake subalit maluwag talaga iyon. Kapag nagpatuloy iyon ay dederetso siya sa main road kung saan maraming mga sasakyang umaandar. Hindi lang siya maaaksidente, may madadamay pa siya. "My God. Relax, Jem. Relax!" pagkausap niya sa sarili sa nanginginig na tinig habang pilit pinapagana ang isip sa maaari niyang gawin upang pahintuin ang sasakyan niya. Nahagip ng mga mata niya ang guard rail sa gilid ng entrada. She gathered all the courage she could muster and took a deep breath. Iniliko niya ang kotse niya patungo roon. Nang sa tingin niya ay ilang pulgada na lamang ang layo ng bumper niya roon ay mariin siyang pumikit. Halos umalog ang buong sistema niya nang maramdaman niya ang impact ng pagbangga niya roon. Kung hindi dahil sa seat belt niya at sa airbag na biglang bumukas sa harap niya ay malamang nauntog na siya. Mabuti na lamang din at hindi pa ganoon kabilis ang takbo ng sasakyan niya. Damang-dama niya ang bilis ng tibok ng puso niya at panginginig ng buong katawan niya. Para siyang tinakasan ng lakas at pakiramdam niya ay mapapabunghalit na siya ng iyak anumang oras. Muntik na siyang bumiyahe nang sira ang brake kung hindi lamang niya naalalang may nakalimutan siya. She was about to get into a major accident and if worse comes to worst, die! Isipin pa lamang iyon ay hindi na niya magawang kumilos. Para siyang masusuka. Hindi niya alam kung gaano siya katagal sa ganoong posisyon. Kinukumbinsi niya ang sarili niya na kumilos na at humingi ng tulong ngunit ayaw gumalaw ng katawan niya. Mariin pa rin siyang nakapikit nang marinig niya ang sunod-sunod na katok sa bintana ng driver's side. Hindi siya kumilos at pinabayaan iyon. "Jem, wake up. Open the door," anang tinig mula sa labas. Doon siya dumilat. Pamilyar sa kanya ang natatarantang tinig na iyon. Nagpatuloy ang pagtawag nito sa kanya at sa nanlalambot pa ring pakiramdam ay dumeretso siya ng upo at lumingon. Nakita niya si Dillion na halos basagin na ang bintana ng sasakyan niya sa pagpukpok nito. Ilang segundo siyang napatitig lang dito nang makita niya ang bakas ng takot sa mukha nito bago siya nakakilos at nanghihina pa ring binuksan ang pinto. Mabilis na hinila nito iyon upang lakihan ang pagkakabukas. "How do you feel? May masakit ba sa iyo? Are you injured?" sunod-sunod na tanong nito. Nakaangat ang mga kamay nito sa kanya na para bang nais siya nitong hawakan ngunit hindi nito ginagawa. Marahil ay natatakot itong magalaw siya nito nang hindi tama. Habang nakikita niya ang concern sa mukha nito—na noon lang niya nakita rito mula nang makilala niya ito—ay unti-unting nakalma ang pakiramdam niya. "Jem?" untag nito sa kanya nang ikulong nito ang mga pisngi niya sa mga palad nito. Napakurap siya sa pagkalat ng init sa mukha niya na galing sa mga palad nito at sa haplos ng kakaibang pakiramdam sa dibdib niya nang mapagtanto niyang kanina pa nito binabanggit ang palayaw niya. Lalo pa at nadama niya ang bahagyang panginginig ng mga kamay nito sa mukha niya. "Dadalhin kita sa ospital." Tuluyan na siyang natauhan. "I-I'm fine. Hindi ko kailangang magpunta sa ospital. I was just... shocked. But I don't feel any pain," mabilis na sagot niya. Napangiwi siya dahil nanginig ang tinig niya. Pinakatitigan siya nito na para bang binabasa sa mukha niya kung nagsasabi siya ng totoo. At nang tila makumbinsi ay marahas na nagbuga ito ng hangin. "Mabuti naman. Papunta na ako sa sasakyan ko dahil may bibilhin lang ako sandali when I saw this car moving in a weird way. I got the feeling it was you. Kaya nataranta ako nang makita kong mababangga ka. I was shouting at you but you didn't hear me." Kung hindi lang niya ito kilalang calm and collected, she would think he was blabbering. Nabitin siya sa akmang pagsagot nang dumausdos ang ulo nito sa balikat niya at kinabig siya palapit dito. Kumabog ang dibdib niya nang maramdaman niya ang init ng hininga nito at ang bilis ng pagtibok ng pulso nito. "Dammit, this is the first time after so many years that I really felt scared," bulong nito kasabay ng paghigpit ng hawak nito sa kanya dahilan para lalong magkadikit ang mga katawan nila. May bumara sa lalamunan niya at uminit ang sulok ng mga mata niya. Ngayong hawak siya nito ay saka lang siya napahikbi hanggang sa tuluyan na siyang napaiyak. Lahat ng tensiyon ay tila sabay-sabay na nag-unahan. "Natakot din ako. Akala ko, mamamatay na ako. Kung hindi ko pa naalalang may nakalimutan ako sa office, hindi ako hihinto at hindi ko malalamang sira ang brake. Natakot ako nang maisip ko na paano kung nangyari iyon sa kalsada sa mas mabilis na takbo ng sasakyan baka hindi ako nakaligtas," bulalas niya sa pagitan ng pag-iyak. Iniangat nito ang mukha at muling bumalik ang mga kamay nito sa magkabilang pisngi niya. "Sshh, it's okay. Everything is okay now," pag-aalo nito. Pinahid nito ang mga luha niya. "You're safe now, Jem," bulong pa nito. Nag-angat siya ng tingin dito. Kapagkuwan ay namilog ang mga mata niya nang ilapit nito ang mukha sa kanya at walang salitang inilapat nito ang mga labi sa mga labi niya. It was a soft, soothing kiss but it brought heat throughout her body. Bigla niyang nakalimutan ang dahilan kung bakit siya umiiyak. Nawala ang takot at pagkataranta niya. Napalitan iyon ng nakakakilabot na sensasyong halos ikapugto ng hininga niya. Saglit lamang iyon at pinakawalan din nito ang mga labi niya. Nagtama ang mga mata nila at nakita niya ang kasiguruhan sa mga mata nito. "I'll bring you back inside. Pagkatapos ay sabihin mo sa akin nang maayos kung ano ang nangyari," sabi nito. Pagkatapos ay tuluyan na itong lumayo sa kanya at inalalayan siyang makalabas ng kotse niya. Muntik pa siyang mabuwal kung hindi siya nakakapit sa mga braso nito dahil sa panlalambot ng mga tuhod niya. "Ma'am, Sir, ayos lang ho kayo?" hinihingal na untag ng isa sa mga security guard nila na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanila. "She said she's fine. Huwag ninyong gagalawin ang sasakyan niya, maliwanag ba? I'll call someone to get it. Bumalik ka na lang sa puwesto mo. Ako na ang bahala sa kanya," utos ni Dillion dito. Kahit bakas ang pag-aalala sa mukha ng security guard ay tumango pa rin ito at umalis. Binalingan uli siya ni Dillion. "Let's go. Kaya mo bang maglakad pabalik?" tanong nito. Tumango siya ngunit nang tangkain niyang maglakad ay nanlambot pa rin ang mga tuhod niya. "Sorry," aniya rito. Hindi ito nagsalita. At bago pa niya mahulaan ang gagawin nito ay napasinghap na siya nang biglang umangat ang mga paa niya sa sahig. Walang kahirap-hirap na binuhat siya nito. Napakapit siya sa batok nito. "This will be faster. It's getting late." Iyon lang at mabilis na itong naglakad patungo sa direksiyong tinungo rin ng guwardiya kanina. Tila hinalukay ang sikmura niya. He was so big and so strong she was thankful he was there. Nakagat niya ang ibabang labi niya at isinubsob na lamang ang mukha sa dibdib nito. Thank you, Dillion, aniya sa isip niya. Napadilat siya nang bigla itong huminto sa paglalakad. Nasabi ba niya iyon nang malakas? Titingala sana siya upang kumpirmahin iyon pero sumikdo ang puso niya nang maramdaman niyang ginawaran nito ng halik ang tuktok ng ulo niya. Iyon lang at nagpatuloy na ito sa paglalakad. "HERE, drink this." Mula sa pagkakaupo sa isa sa mga couch na nasa waiting area ng lobby ay tumingala si Jemelyn kay Dillion nang abutan siya nito ng Styrofoam cup ng kape. Tinanggap niya iyon. "Thank you," mahinang usal niya. Hinipan niya iyon at sumimsim doon. Napabuntong-hininga siya nang maramdaman niya ang init na dumaloy sa sikmura niya. Umupo ito sa tabi niya. "Are you sure you're okay?" tanong nito. Tiningala niya ito. "Oo. I apologize for breaking down like that in front of you. Hindi ko intensiyong umiyak nang ganoon," aniya rito. Umangat ang sulok ng bibig nito. Kapagkuwan ay pinaraan nito ang likod ng palad nito sa pisngi niya. "Ano'ng sinasabi mo diyan? Crying is the initial reaction of anyone who has been in that situation. Ang mahalaga ay maayos ang kalagayan mo at hindi ka naman nasaktan." Napatitig siya rito. "You... are being strangely kind," naiusal niya bago pa niya napigilan ang sarili. Mukhang natigilan ito. Kapagkuwan ay nag-iwas ito ng tingin at tumikhim. "Kung ano-ano'ng iniisip mo. So, puwede mo bang sabihin sa akin ang lahat ng nangyari mula sa bago ka makasakay sa sasakyan mo hanggang sa naabutan ko? Kung may napansin kang kakaiba, sabihin mo sa akin," anito sa normal nang tono. Inalala niya ang nangyari kanina. Napahigpit ang hawak niya sa Styrofoam cup nang may bigla siyang naalala. "Well, I went to the parking lot after stepping out of the elevator. Walang tao at kaunti na lang ang sasakyang naka-park. Naglalakad ako papunta sa kotse ko nang bigla na lang akong kinilabutan na para bang may nakamasid sa akin. Pero nang tingnan ko ang paligid, wala akong nakitang tao kaya sumakay na ako sa kotse ko–" Napahinto siya sa pagsasalita nang makita niyang dumilim ang mukha nito. Nanlaki ang mga mata niya at kumabog ang dibdib niya. "D-do you think may kinalaman iyon sa sira ng brake ng kotse ko?" Hindi ito nagsalita ngunit nakita niya sa mukha nito na iniisip din nito iyon. Nakaramdam siya ng takot. "Does that mean... someone is trying to hurt me? Pero wala naman akong alam na kaaway," sabi niya. Noon lumambot ang ekspresyon sa mukha nito at hinawakan ang batok niya. "I'll take care of this. Huwag ka nang mag-alala. After all, as the head of security of the company, it is also my responsibility to ensure the safety of the employees, lalo na ang gaya mo na may mataas na posisyon. Hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa iyo," malumanay ngunit determinadong sabi nito. Hindi siya nakasagot dahil nag-aalala pa rin siya. Napaigtad lang siya nang bahagya nitong pisilin ang batok niya. Nasalubong niya ang mga mata nito. Naalala niya na ganoong-ganoon ang ekspresyon sa mga mata nito pagkatapos siya nitong halikan kanina. Nag-init ang mga pisngi niya at nahigit niya ang hininga nang maalala iyon. "What are you thinking?" tanong nito. Hindi nakaligtas sa kanya ang bahid ng amusement sa tinig nito. Lalong uminit ang mga pisngi niya at tinangkang mag-iwas ng tingin ngunit sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay hindi niya nagawa. "Iyong nangyari sa akin, ano pa," sikmat niya rito upang itago ang tunay na naisip niya. Bahagyang umangat ang sulok ng bibig nito at naramdaman niya ang marahang pagmasahe nito sa batok niya. "Liar. I know what you're thinking," usal nito. At bago pa siya makasagot ay bigla na lamang siyang ginawaran ng halik sa mga labi. Namilog ang mga mata niya dahil ang halik na iyon ay mas mariin at mainit kaysa sa iginawad nito sa kanya kanina. Napapikit siya. Tila naramdaman nito iyon dahil bahagyang humigpit ang pagkakahawak nito sa batok niya at hinapit siya palapit pa rito. Ang bilis ng tibok ng puso niya at pakiramdam niya kumalat sa buong katawan niya ang init na nasa mukha lang niya kanina. His kiss thrilled and relaxed her at the same time. Nang pakawalan nito ang mga labi niya ay hindi pa rin nito tuluyang inilayo ang mukha sa kanya. Marahan siyang napadilat. "Trust me, Jem," sabi nito sa seryosong tinig nang magtama ang mga mata nila. Ilang segundo silang nagkatitigan bago siya tumango. When he smiled, she realized that she really did trust him.

When The Love Falls - Maricar DizonWhere stories live. Discover now