Chapter 9

547 9 0
                                    

CHAPTER NINE

INIHIMPIL ni Dillion ang sasakyan niya sa tapat ng isang hindi kalakihang bahay. Ilang segundo niyang inobserbahan iyon bago muling sumulyap sa papel na inilapag niya sa passenger's seat. Nang masiguro niyang iyon nga ang address na naroon ay muli siyang tumingin sa bahay. Humigpit ang pagkakahawak niya sa manibela nang may lumabas na may-edad na babae mula sa bahay. Kahit iyon ang unang beses na nakita niya ito nang personal ay hindi siya maaaring magkamali. Ito nga si Pacita Alano, ang dating head accountant ng Smith Pharmaceuticals na natanggal sa trabaho dahil sa pagdidispalko ng pera. Ang nag-iisang taong naiisip niyang may motibo upang pagtangkaan ang buhay ni Jemelyn. Last night, he made a vow that he would end this predicament as soon as possible. Gusto na niyang masigurong ligtas na sa kung anumang panganib ang buhay ni Jemelyn. Gusto niyang maging normal na ang lahat dito. Nais niyang sa susunod na lalapit siya rito ay malaman nito na hindi iyon dahil nasa panganib ang buhay nito o naroon siya dahil lamang kailangan niya itong protektahan. He wanted her to know that he was beside her because he wanted to. Dahil nang nagdaang gabi ay may inamin siya sa sarili niya. Isang importanteng pag-amin na nais niyang malaman nito kapag maayos na ang lahat. Napaderetso siya ng upo nang lumabas ng gate ang may-edad na babae. Sa totoo lang ay ikinabigla niya na mas matanda ito kaysa sa nakita niyang mga larawan nito. Tama rin si Wendy na iba na ang address na gamit nito. Mabuti na lamang at kahit paano ay may kakilala siyang nahingan niya ng tulong upang matunton ito. Ayon din sa report na nakuha niya ay hindi na ito nagtatrabaho sa kahit na anong kompanya dahil naka-black list nga ito sa kompanya nila. Sa ngayon ay nagtatrabaho ito bilang cashier sa isang hindi kilalang supermarket. Wala sa hitsura nito ang magtatangkang pumatay ng tao. But he had learned long ago that looks could be deceiving. Minsan pa nga, kung sino pa ang mas mukhang harmless ay iyon pa ang kayang gumawa ng matitinding krimen. Ngunit dahil wala siyang mahanap na ebidensiya laban dito at nagmamadali na siyang matapos ang gusot na iyon ay napagdesisyunan na niyang harapin na ito at direkta itong kuwestiyunin. Alam niyang itatanggi nito na may kinalaman ito sa mga nangyayari kay Jem. But he was used to questioning people. Marunong din siyang tumingin kung nagsisinungaling ang isang tao o hindi. Magaling siyang mang-intimidate kaya sigurado siyang makukuha niya rito ang katotohanan. Mabilis siyang bumaba ng sasakyan niya at walang ingay na naglakad palapit dito. "Pacita Alano," usal niya sa pangalan nito nang ilang pulgada na lamang ang layo niya rito. Napaigtad ito at marahas na napalingon sa kanya. Nababakas ang takot sa mukha nito. Jumpy? Suspicious. "May mga tanong ako na kailangan mong sagutin," aniya rito. Naging mailap ang mga mata nito at tila humahanap ng matatakbuhan. Humakbang siya palapit dito at napaatras ito. "Relax. Kung sasagutin mo lang nang tapat ang mga itatanong ko sa iyo at kung wala ka namang ginawang hindi maganda ay wala akong gagawing masama sa'yo. This has something to do with Smith Pharmaceuticals," sabi pa niya rito. Namutla ito. "P-pulis ka ba? Ipinadala ka ba nila? H-hindi iyon puwede dahil may pinirmahan kaming kontrata. Nangako silang hindi nila ako ipapakulong basta lumayo lang ako at huwag nang magpapakita sa kanila. B-binabayaran ko rin naman ang dapat kong bayaran. Pinagsisisihan ko na rin ang mga ginawa ko kaya hayaan n'yo na ako. Ayoko nang magulo pa ang buhay ko," natatarantang sabi nito. Hindi man niya ipinahalata ay nagtaka siya sa mga sinasabi nito. Halatang tunay ang takot nito ngunit mukhang hindi iyon dahil sa rasong nasa isip niya. Takot itong balikan ng kompanyang ginawan nito ng hindi maganda. Was someone as weak as this woman capable of killing someone for revenge? He had to know. "Gusto kong sagutin mo agad nang deretso ang lahat ng itatanong ko kung gusto mong lubayan na agad kita. Don't even try to lie to me because believe me, I will know if you are. Naiintindihan mo ba ako?" Sunod-sunod itong tumango. "Do you know Jemelyn Ambrosio?" Namilog ang mga mata nito at lalong namutla. Tumango ito. "Hindi personally. Siya ang business analyst ng kompanya at madalas ay tumatayo ring boss sa marketing department. Siya rin ang nakadiskubre ng.... ginawa ko kaya ako natanggal sa trabaho," mahinang sagot nito. Hindi niya nilubayan ng tingin ang mukha nito. "Alam mo ba na siya na ang bagong head ng marketing and finance? It was her reward dahil sa pagkakadiskubre niya sa kasalanan mo," maingat na sabi niya. Ngumiwi ito at yumuko. "H-hindi ko alam. Mula nang pumirma ako ng agreement na hindi na lalapit pa sa kompanya ay wala na akong balita pa. Idinadaan ko lang din sa bangko ang perang ibinabayad ko sa lahat ng perang nakuha ko." "Do you still have contact with anyone from the company?" Umiling ito. "Mula noon, wala na akong balita pa kahit sa mga katrabaho ko dahil nagpalit na rin ako ng cell phone number. B-bakit mo ba ito tinatanong?" tanong nito. Nagtagis ang mga bagang niya at nakuyom niya ang mga kamay. Nakikita niya sa mukha nito at maging sa kilos nito na nagsasabi ito ng totoo. Kung ganoon, sino ang gustong manakit kay Jemelyn? "Someone is trying to kill her. Kung sinuman ang nagtatangka sa buhay niya ay siguradong may kinalaman sa bagong posisyon niya sa kompanya. Who has a motive to kill her other than you? Maaaring ang motibo mo ay paghigantihan siya dahil siya ang nakakuha ng ebidensiya laban sa iyo," prangkang pahayag niya. Umawang ang bibig nito at namilog ang mga mata. Dumeretso ito ng tayo. "Excuse me, Mister. Alam ko na mali ang ginawa kong pagdispalko ng pera. Ginawa ko lang iyon para sa pamilya ko. Pinagsisisihan ko ang ginawa ko at nagpapasalamat ako na hindi nila ako kinasuhan. Pero kahit kailan ay hindi ko magagawang pumatay ng tao para lang maghiganti. Besides, umalis man siya o hindi sa posisyon niya ay wala na rin naman akong mapapala roon, hindi ba? Hindi pa rin naman ako makakabalik sa kompanya. Hindi tamang pagbintangan ninyo ako sa isang bagay na hindi ko ginawa," galit ng bulalas nito. Hindi agad siya nakahuma dahil sa totoo lang ay may punto ito. Subalit kung hindi ito ang maysala ay sino pa ba ang maaaring magkaroon ng motibo para saktan si Jemelyn? It must be someone who will gain something if she resigns from her current position. May pumitik na ideya sa isip niya. "Do you know someone from your department who might be interested in being the head?" tanong niya rito. Saglit na nag-isip ito bago tumango. "Well, mayroong isa na ilang taon nang nagpapahayag ng labis na interes niya sa posisyong iyon. Last year pa kasi binabalak ang pag-iisa ng department ng marketing at accounting department at ang alam ko, ako at siya ang napipisil na mamuno roon," alanganing sabi nito. "Who?" impatient na tanong niya. Nang banggitin nito ang pangalan ng taong iyon ay marahas siyang napamura. Sinasabi na nga ba niya na hindi mapapagkatiwalaan ang taong iyon. Dapat noon pa lang ay pinaimbestigahan na niya ito. Bigla ay sumagi sa isip niya si Jemelyn na matigas ang ulo at nagpumilit pumasok sa trabaho nang araw na iyon. She was all alone there, far from his protection, when all along the real suspect who'd been trying to harm her was so close to her. Napahugot siya ng malalim na hininga at mabilis na bumalik sa sasakyan niya. Agad na tinawagan niya ito ngunit hindi nito sinasagot ang cell phone nito. Muli siyang napamura at pinaharurot ang sasakyan niya. KUMUNOT ang noo ni Jemelyn nang tingnan niya ang cell phone niya at makita niyang maraming missed calls si Dillion sa kanya. Maghapon siyang naging abala sa meetings at sa pagmamadali niya kanina ay nakalimutan niya sa mesa niya ang cell phone niya. Ngayon lang tuloy niya nakita ang missed calls nito kung kailan mag-aalas-sais na ng gabi. "Ano kaya'ng problema niya? Kaninang alas-tres lang siya nagpaalam sa akin na may pupuntahan siya, ah," nagtatakang tanong niya sa sarili habang pinipindot ang numero nito upang tawagan ito. Kalalagay pa lamang niya ng cell phone niya sa tainga niya nang mapaigtad siya sa lagabog sa outer office niya. Kumabog ang dibdib niya sa kakaibang kaba. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa pamilyar na paraan. Ganoon ang naramdaman niya noong gabing nasira ang brake ng kotse niya at noong natagpuan niya ang death threat sa mesa ni Tina. Kanina pa umuwi ang sekretarya niya kaya sino ang papasok sa opisina niya? Iisa lamang ang naiisip niyang sagot. Huminga siya nang malalim at pilit pinakalma ang sarili. Nahiling niyang sana ay bilisan ni Dillion ang pagsagot sa cell phone nito. Kasabay niyon ay iginagala niya ang paningin sa paligid upang humanap ng maaari niyang ipamprotekta sa sarili o kahit lugar na maaari niyang pagtaguan. Pilit pa rin niyang pinapagana ang isip niya nang makarinig uli siya ng kalabog, mas malakas kaysa kanina. Kung sinuman ang naroon ay mukhang wala nang intensiyon pang huwag magparamdam na gaya noong mga unang beses. Halos tumalon ang puso niya palabas ng dibdib niya nang biglang bumukas ang pinto ng private office niya. Napabuga siya ng hangin at nailayo ang cell phone niya mula sa tainga niya nang makita niya kung sino ang dumating. Napalitan ng inis ang kaba niya. "Randy. You scared me," bulalas niya. Kahit kailan ay bigla na lang talaga itong sumusulpot sa opisina niya kahit na ilang beses niya itong sinasabihan na huwag basta-basta pumasok doon. Nanatili lamang nakatayo si Randy. Napakunot-noo siya nang mapansin niyang nakaitim na jacket ito na noon lamang niya nakitang suot nito at ang mga kamay ay nakasuksok sa bulsa niyon. "What is it? Tapos na ang office hours, ah." "Did I really scare you?" tanong nito sa halip na sagutin ang tanong niya. Hindi niya alam kung bakit ngunit nakaramdam siya ng kakaibang paninindig ng balahibo sa tono ng boses nito. Noon lamang niya iyon narinig mula rito. Ngayong napatitig din siya sa mukha nito ay napansin niyang may kakaiba rin sa ekspresyon nito. He looked dangerous. "Mukhang hindi naman. Dahil kung natakot ka, dapat matagal ka nang nag-resign. I gave you a chance but you were too hardheaded and arrogant. Nakuha mo ang posisyon mo nang walang kahirap-hirap. Nadaan mo sa malakas na kapit at kaunting pagpapapapel. You destroyed all of my hard work. That's why I really, really hate you," usal nito. Namilog ang mga mata niya at napaatras. Halos pangapusan siya ng hininga sa bilis ng tibok ng puso niya. Nanlamig siya nang may ideyang pumasok sa isip niya. "A-ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya sa pilit pinatatatag na tinig. Umangat ang sulok ng bibig nito na lalong nagpatindig sa balahibo niya. "Come on, Miss Ambrosio, I thought you were intelligent. Hindi mo pa ba naiintindihan ang lahat?" At sa pagkahilakbot niya ay iniangat nito ang isang kamay nito at napagtanto niyang may hawak itong baril. Napahigpit ang hawak niya sa cell phone niya at akmang ilalagay iyon sa tainga niya upang alamin kung sinagot na ni Dillion ang tawag niya nang bigla nitong itutok sa kanya ang baril. "Hep. Ihagis mo sa sahig ang cell phone mo. Ayokong matawagan mo ang knight in shining armor mo. I don't want him here. I also hate him. Istorbo siya at palaging nakakasira sa diskarte ko. Hindi ko gustong makita ka niya... At least habang buhay ka pa," sabi pa nito na nilangkapan ng sarkastikong tawa. "Ihagis mo 'yan dahil kung hindi ay baka makalabit ko ang gatilyo nito." Napaawang ang mga labi niya sa nakikita niyang kislap sa mga mata nito. He looked like someone who had gone crazy. Kahit tuloy alam niyang ang cell phone na lang niya ang lifeline niya sa mga oras na iyon ay ibinagsak niya iyon sa sahig. Nahiling niyang sana ay nasagot ni Dillion kanina ang cell phone nito at narinig nito ang nangyayari sa kanya. "I-ikaw ang gustong pumatay sa akin? Pero bakit? Wala naman akong ginagawang masama sa iyo," lakas-loob na tanong niya kahit sa loob niya ay halos mawalan na siya ng lakas sa labis na takot. Ngunit alam niya na ang tanging paraan upang hindi agad nito maisakatuparan ang balak nito sa kanya. Dillion, please, hurry. Kumislap ang galit sa mga mata nito. "Walang ginawang masama? Hah! You did something terrible. Dahil sa iyo kaya nabale-wala ang lahat ng paghihirap ko sa loob ng ilang taon. Ako dapat ang nasa posisyon mo ngayon. Pero sumipsip ka lang nang kaunti ay naibigay na 'yan sa iyo nang walang kahirap-hirap! Wala naman talaga akong balak patayin ka noong una. Gusto lang kitang takutin para umalis ka na rito. Pero matigas ang ulo mo at ilang beses mo pa akong ipinahiya dahil sa pagiging mapagmataas mo. Kaya hindi na kita hahayaan pang mabuhay. Kapag namatay ka na, ako na ang papalit sa posisyon mo. Magiging boss na ako. Hindi na ako maaaring hiyain ng kahit na sino," bulalas nito sa tono na tila ba nasisiraan na ito ng ulo. At sigurado talaga siya na nasisiraan na ito. "Gagawa ka ng krimen para lamang diyan? Sisirain mo ang buhay mo para lamang sa isang posisyon? Besides, hindi ko ito narating dahil sa kung ano pa man, kundi dahil pinagpaguran ko rin ito. You just have to try harder. Hindi mo kailangang manakit ng tao." Nanginig ang kamay nito at lalong itinutok sa kanya ang baril na hawak nito. Napangiwi siya. Er, I said too much. "Hindi mo ako maiintindihan! I've already tried so hard pero nasayang ang lahat ng iyon dahil sa iyo. I hate people who get everything they want so easily. People like you. You should just die!" sigaw pa nito. Namilog ang mga mata niya nang makita niyang gumalaw ang mga daliri nito. Napapikit siya nang mariin.

When The Love Falls - Maricar DizonWhere stories live. Discover now