Lights, Camera, Action!

3.5K 46 10
                                        

Lights, Camera, Action!

"Ang buhay natin ay parang sine." Iyan ang mga linya at katagang ating naririnig sa tuwing tayo ay nanunuod sa Cinema One. Ang buhay ay isang napakahaba at napalaking pelikula. May iba't-ibang parte ngunit nananatiling iisa ang daloy. Ang Diyos ang direktor, ang mga tao sa iyong paligid ang kapwa mo aktor at ikaw ang nagsisilbing bida sa sarili mong kwento.

Nagsisimula ang makabuluhang pelikula ng bawat tao sa oras na unang marinig ng mundo ang kanilang pag-iyak, sa oras na datnan sila ng liwanag. Isang napakagandang introduksyon—kung saan una n'yang makikilala ang kan'yang mga magulang, matutunan n'ya ang unang paggapang at paglakad pati na rin ang una n'yang pag-nguya ng pagkain. Isang paslit na unti-unting nagkakamuwang at unti-unting natutunan ang mga bagay na kan'yang dapat matutunan katulad na lamang ng pagbabasa, pagbibilang at pagsusulat.

Sa isang pelikula, hindi nawawala ang conflict o problema. Sa buhay natin, hindi ito maiiwasan. Ang mga pagsubok na ito ay hindi natatapos hangga't tayo ay humihinga sa mundong ibabaw. Ang ilan dito ay ang problema ng isang nagbibinata at nagdadalaga, problema sa pera, paghahanap ng trabaho, pantustos sa gastusin ng pamilya at pang matrikula ng mga anak na pinapaaral. Habang tayo ay lumalaki, mas lumalawak an gating mundong ginagalawan kaya naman mas dumarami rin ang balakid na humaharang sa ating dinaraan. Gayunpaman, ang mga ito ay nagsisilbing malalaking hakbang upang tayo ay matutong makipagsabayan sa agos ng buhay dahil ang mga karanasan nating ito ay ang ating magiging lubid upang makaahon sa kumunoy ng kamangmangan.

Ano nga ba ang climax? Ayon sa mga dokyumentaryo at librong aking nasasaliksik, ito ay ang pinaka-interesanteng parte ng isang pelikula at sa ating buhay, hindi lamang isang climax ang ating pinagdaraanan. Katulad na lamang nang mga senaryong, 'Papasa kaya ako sa examination?', 'Anong makukuha kong honor?', 'Pasado ba ako sa aking job interview' o 'di naman kaya ay 'Na-promote ba ako sa aking trabaho?' Sa mga puntong ito ng ating buhay, napapakagat na lamang tayo sa ating sariling kuko sa kakaisip kung ano nga ba ang kalalabasan. Ngunit hindi sa lahat ng oras, ang climax ay umaayon sa gusto ng isang indibidwal. Kaya nga ang ating buhay ay inihalintulad sa isang gulong dahil patuloy tayong umiikot kaya minsan tayo ay nasa itaas at minsan naman ay nasa ibaba. Ngunit kahit ganoon, aralin natin na magsumikap pa lalo upang sa pagtatapos ng ating mga sariling pelikula, mas marami ang tagumpay at masasayang alaala.

Hindi lahat ng pagtatapos ay nauugnay sa kamatayan. Minsan, ang pagtatapos ng isang pelikula ay ang simula pa lamang ng bagong kabanata sa buhay ng isang bida. Parang tao lamang—mapagtatagumpayan ang isang kabanata ng kanilang buhay at walang anu-ano'y sisimulan na naman ng bagong introduksyon at muling magpapatuloy ang interesanteng kwento nito sa bagong mga pagsubok at dagok na kailangang lampasan. Ang sabi nga, "You don't just live once. You're starting a new story of your life every day you wake up."

At sa isang pelikula, hindi mawawala ang moral lesson o ang gintong aral. Sa lahat ng pelikula, telenovela, nobela o maiikling kwento, ito ang hindi dapat mawala at makaligtaan sapagkat dito makikita kung ano ang nagawa nitong pagbabago sa isang indibidwal.

Tunay nga na ang buhay natin ay parang sine. Hindi man blockbuster tulad ng ilan ngunit ating masasabi na lahat ay makabuluhan. Sa tuwing may conflict na paparating, harapin natin ito ng taas noo at matapang. Dahil ang problema, hindi 'yan nawawala sa isang tao. Katulad nga ng sinasabi nila, "The story is boring without a problem." Hindi magiging interesante ang ating kwento kung patuloy nating tatakbuhan ang ating mga pagsubok na iyon dahil doon makikita ng manonood kung gaano ka katatag sa anumang balakid at barikada upang maabot mo ang tugatog ng tagumpay. Patuloy ka lamang umarte bilang isang aktor at magpadala sa agos ng Lights, Camera, Action! 


Feature ArticlesTempat cerita menjadi hidup. Temukan sekarang