Pusong Martir

1K 9 0
                                        


Pusong Martir

Bakit may mga taong nagpapakatanga sa taong wala namang pakialam sa kanila? Bakit may mga taong patuloy na binibigay lahat pero kahit gatiting, walang bumabalik sa kanila? Bakit may mga taong nagbabakasali, kahit na malinaw naman sa kanila na hindi sila mahalaga sa taong minamahal nila? Bakit may mga taong nag-ta-take risk sa taong hindi naman worth it? Ang daming tanong, ang daming bakit. Pero bakit nga ba sa dinami-rami ng taong nagmamahal, ako pa 'yong nasaktan? Ako pa ang nagdudusa?

Naranasan mo na bang magbigay pero walang bumabalik sa 'yo? Iyong tipo na parang nagbayad ka ng sobra pero hindi ka sinuklian? Pero kahit na ganoon, wala kang pakialam kasi ang gusto mo lamang ay ang makitang ngumiti ang kan'yang mga labi. Sa pagpasok natin sa teenage life, hindi mawawala ang salitang love. At kapag pagmamahal na ang pinag-uusapan, kaakibat nito ang salitang heartbreak. Dahil sa pag-ibig, may dalawang senaryong pwedeng mangyari—ang mahalin ka ng mahal mo o ang maging one-sided ang sitwasyon mo. Sa bilyon-bilyong bilang ng tao na nahulog, kakaunti lamang ang sinasakap ng taong natitipuhan nila. Ang masaklap pa, ang iba, hindi natututo at muling magpapakahulog kahit malinaw naman na may ibang sinasakap ang taong gusto niyang sumakap sa kan'ya.

Mahirap 'yong tipong iniisip mo s'ya sa gabi, ngunit iba ang nasa utak n'ya. Mahirap na nakatingin ka sa kan'ya pero may katitigan s'yang iba. Mahirap isipin na nakangiti s'ya pero hindi 'yon dahil sa' yo. Mahirap na kung gaano mo s'ya kamahal, ganoon din n'ya kamahal ang taong 'yon. Mahirap na bida s'ya sa buhay mo pero ekstra ka lang sa buhay n'ya. Mahirap paikutin ang mundo mo sa isang taong may pinag-iikutan na ng mundo n'ya. Ang hirap maging martir. Gagawin mo lahat. Sobra na pero kulang pa rin.

Ang gusto mo lamang naman ay ang maibalik n'ya ang pagmamahal mo sa kanya pero bakit hindi pa maibigay sa 'yo? Ganoon ka ba kahirap magustuhan? Ilang beses ng nagpayo sa 'yo ang mga kaibigan at ilang taong gusto kang tulungan. Ilang beses nilang sinabi na kalimutan mo na siya dahil wala ring mangyayari. Napakaraming pagkakataon na napapailing na lang sila sa pag-i-ilusyon mo na magugustuhan ka niya kahit ang katotohanan naman ay hindi iyon mangyayari kahit anong gawin mo dahil pagbali-baliktarin man ang mundo, kung hindi ka n'ya kaibigan ay wala ka lamang sa kanya. Pero ganoon pa man, hindi naman dapat araw-araw kang nalulungkot dahil lang hindi ka n'ya mahal. Ang isa sa mga susi upang malampasan mo ito ay ang acceptance o pagtanggap sa realidad na hindi lalampas sa pagiging kaibigan ang maiaalay n'ya sa 'yo.

"Breaking up with someone you love is not the curse of love. The curse is when the one you love cannot love you back." Iyan ang katagang pinakamakatotohanan sa lahat. Mahirap makulong sa isang sitwasyon na kung saan kahit anong gawin mo, hindi ka n'ya mamahalin. Ano nga ba ang gagawin mo kung basag na basag na ang puso mo? "Where do broken hearts go? It doesn't go. It only stays the same unless a person moves on." Move on ang kailangan. Hindi ka ipinanganak sa mundo para umiyak gabi-gabi at gumising araw-araw na may bitbit na bangungot. Nabuhay ka ng wala s'ya at mabubuhay ka ng wala s'ya.

Marami ang bagay na dapat pagtuunan ng pansin. Kung s'ya ang rason mo para umiyak at magmukmok, mas maraming rason para kalimutan mo s'ya at ngumiti. Hindi nakadepende ang buhay mo sa isang indibidwal na labis na nanakit sa 'yo. Bagkus, ituon mo ang atensyon mo sa mga taong nakikita at nalalaman ang halaga mo. 

Feature ArticlesWhere stories live. Discover now