Sa Gitna ng Kadiliman

3.4K 19 0
                                        


Sa Gitna ng Kadiliman

Madilim, walang nakakalusot sa aking mga matang kahit mulat ay hindi man lamang datnan ng masaganang sikat ng araw o ang liwanag ng bilog na buwan. Aking naririnig kung gaano kalakas ang pagharurot ng mga sasakyan pero hindi ko alam ang eksaktong itsura nito. May pang-amoy at panlasa para malaman kung ano ang pagkain ngunit wala akong kakayahang makita ito. Walang kulay ang aking mundo. Habang buhay na may piring ang aking mga mata. Sino ako? Ako ay isang bulag.

Para sa karamihan, ako ay kakaiba at hindi katulad nilang mga normal na may kakayahang makakita. Silang mga taong nakikita ang paglipad ng ibon, ang mga tinatapakang lupa, hitsura ng mga pamilya at taong nasa paligid nila. Silang mapapalad na nakikita ang napakaganda at iba't-ibang kulay, ang bawat pagsayaw ng mga dahon, puno at iba pang halaman kasabay ng pag-ihip nang malamig na hangin, ang pag-alon ng dagat o ang paggalaw ng mga ulap kasabay nang paglipad ng mga ibong malayang nakalilipad.

Maihahanlitulad ko ang aking sarili sa isang pipit na unang nagkamalay sa paraisong nakamamangha, may kakayahang lumipad ngunit hindi magawa dahil sa isang pagkukulang. Dahil sa dalawang matang sinasaklob nang walang hanggang kadiliman na tila ba isang mundong ako'y nag-iisa at walang kasiguraduhan. Kaya naman minsan na akong naging tapunan nang lait at panghuhusga ng mga taong may utak na maihahalintulad sa isang talangkang handang sipitin at saktan ang sinumang kanilang makita o makasalubong. Kaya naman wala akong ibang magawa kundi ang magkulong sa aking madilim na kwarto, umupo sa isang sulok at mag-isang iniisip ang problemang habangbuhay ko nang kahaharapin.

Napakahirap at isang kalbaryo ang maging isang bulag. Kinakailangan ko ng baston upang makalakad o ang tulong ng aking pamilya upang ako ay makatayo at gumawa ng bagay na nagagawa ng mga taong may kumpletong kakayahan. Nakakapagod ang ganito. Ano ba talaga ang tunay na puwang ko sa mundong may mga nilalang na hindi ako maintindihan? Ano ba talaga ako dito? Isa lamang ba akong display at isang pirasong bagay sa lupa na walang halaga at ang tanging abilidad lamang ay ang makihati sa hanging nilalanghap ng mga tao sa paligid ko? Sino ba ang dapat sisihin sa aking kapansanan? Ako ba? Ang mga magulang ko? Ang Diyos?

Wala. Walang dapat sisihin. Minsan ko ng naisip ang mga bagay na 'yan ngunit 'di-nagtagal ay tumatak sa aking isipan na ang aking kakulangan ay pwede kong maging lakas at inspirasyon upang tahakin ang matarik na bundok upang sa gayon ay marating ang tunay na liwanag na kahit hindi ko maaninag ay awtomatikong aking mararamdaman. Hindi ko man makita ang magagandang bagay sa mundong ito, nandiriyan ang aking ama na damang-dama ko ang proteksyon na ibinibigay sa akin at ng aking dakilang ina na tagos sa kaloob-looban nang aking puso ang pag-iintindi at pag-aaruga na ibinibigay sa akin. Kaya aking taas-noo na ipinagmamalaki na ako ay isang bulag dahil ganito man ang aking kalagayan, hindi ako kakaiba kundi isang natatanging indibidwal. 

Feature ArticlesTempat di mana cerita hidup. Terokai sekarang