Dr. Pepe
Consummatum Est! ang mga katagang Latin na tanging nasambit matapos umalingawngaw sa himpapawid ang mga putok ng baril na ang mga nagbabagang punglong pamatay ay tumagos at pumunit sa kalamnan ng isang dakilang nilalang. Isang taong sa huling sandali ng kanyang buhay ay ang paglaya ng Inang Pilipinas at mga kababayan ang nasa puso at isipan. Matapos ang nangyaring walang awang pagpaslang ay ano? Ang kanyang duguang labi sa halip na ibigay sa kanyang mga mahal sa buhay upang paglamayan at bigyang ng isang disenteng libing ay karaka rakang dinala sa kamposanto ng Paco at doon ay ibinaon ang kanyang katawang tigmak ng dugo na wala sa kabaong. Ang kahabag habag na Indyong ito ay si Pepe, si Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo y Realonda, na sa batang gulang na trenta y singko anyos ay nagwakas ang makulay niyang buhay/ na puno ng saya, tagumpay, pighati at trahedya.
Ngunit sino nga ba si Dr. Jose Rizal? Sino ba si Pepe? Sino nga ba ang taong ito na ngayon ay nakalagak ang mga labi sa Luneta? Sino nga ba siyang tinatawag na pambansang bayani? Si Dr. Rizal ay isang tanyag na manunulat, manunula, doctor, ekonomista, pintor at iskultor. Ilan lamang ang mga ito sa kakayahan ng ating pambansang bayani. Hindi n'ya ginamit ang kanyang mga natatanging talento para sa sariling kapakanan bagkus, ginamit n'ya ang mga ito upang tulungan ang mga kababayan, gisingin ang kanilang diwa para wakasan ang pang-aalipin ng mga Espanyol at makamtan ang daang taong minimithing kalayaan. Siya ay isang taong labis ang pagpapahalaga sa edukasyon kaya nga ipinagpatuloy niya ang pagtuklas ng karunungan sa Inang Espanya, Alemanya, Pransya, Inglatera at Belgium. Ngunit higit pa sa edukasyon ay ang kanyang pagnanais na makamtan ang pagbabago at pagkawala sa gapos ng pang aalipin at pananakop sa kanyang lupang tinubuan. Sa kanyang mga nobelang Noli Mi Tangere at El Filibusterismo ay ibinulalas ang kanyang mga nasaksihang labis na pang aabuso, pagsasamantala at pang aapi ng mga pinuno mga prayle at guardia sibil.
Matapos ang mala Kangarong paglilitis sa kamay ng mga mapang aping militar noong Disyembre 26, 1896 at sapagkat ang matagal ng mithi ng mga lapastangang Kastila ay ang kitilin ang buhay ng ating pambangsang bayani na sa kanilang paghuhusga ay nagtaksil sa Inang Espanya, pinagtibay ng barbaro at walang pusong Gobernandor Heneral Camilo Polavieja ang paglikida sa kanilang numero unong kalaban. Dinala sya sa lugar ng bibitayan, ang Bagumbayan, doon ay walang awang kinitil ang buhay ni Dr. Rizal sa gitna ng pagbubunyi at hiyawan ng mga lahing mapang api. Walang pusong pinaslang ang isang taong ipinagpalit ang kaginhawahan at karangyaan upang ang kanyang bayang nililiyag ay mapalaya sa kamay ng mga mapagsamantala.
Sa inyo mga kapwa ko kabataan, nais kong kayo ay tanungin sa aking pagtatapos. May kabuluhan pa ba ang ipinaglaban ni Dr. Jose Rizal? Mapaninindigan ba natin sa kasalukuyang takbo ng modernong panahon na tayong mga kabataan ang pag asa ng bayan? Magagawa ba natin na isakripisyo rin ang ating sariling buhay tulad ng ginawa ni Dr. Pepe/ alang alang sa ating Inang Bayan? Magagawa ba nating magsikap at makatapos sa ating pag aaral upang tayo ay makawala sa kumunoy ng kamangmangan? Mga katanungang kayo at ako lamang ang tanging makasasagot.
Consumatum Est!, It is finished! Natapos na!

YOU ARE READING
Feature Articles
RandomBecause Division School's Press Conference 2015 is near, I decided to create this one. This will be my collections of Feature Articles regarding the latest news and trends. Enjoy everyone! NOTE: Plagiarism is a crime, honey. ;) COMPLETED