Sinetch Itey?

1.5K 9 0
                                        


Sinetch Itey?

Madalas n'yong marinig sa aming mga bibig ang mga salitang, sinetch itey?! O hindi naman kaya ay palaging nakikita na rumarampa saan mang kalsada iyan. Alam n'yo ba kung bakit kami gan'yan? Kasi pakiramdam namin, ang hahaba ng aming mga buhok kahit hindi naman. Pakiramdam naming ay kabilang kami sa populasyon ng mga magagandang dilag. Pero alam mo rin ba na hanggang pakiramdam lamang ang kaya naming gawin dahil ang totoo, kami dapat ay mga maton na binigyan ng pusong mamon? O? Kilala n'yo na ba aketch?

Marami ang tila nagtataka sa kung paano ako manamit at gumalaw. Tila salungat sa kanilang lahat na nakakakita ang aking kilos at pananalita. Marami ang nagsasabi na salot ako sa lipunan o 'di kaya naman ay singit sa mundong kanilang ginagalawan. Tila ba isa akong damong ligaw na tumubo sa lupang kinatitirikan ng mga perpektong halaman na may makukulay na hitsura. Bakit ba tila bagay na bagay kami sa mga punang ibinabato sa amin ng mga taong galit na galit sa mga taong katulad ko? Kasalanan ko ban a ipinanganak ako na ganito? Kasalanan bang mangarap na makapagsuot ng bestida, makapaglagay ng kolorete sa mukha o hindi naman kaya ay magsuot ng napakataas na takong upang ibandera at ipagmalaki kung sino at ano ako bilang isang espesyal na uri ng indibidwal sa mundong ibabaw?

Ano ba ang dapat kong gawin upang bumagay sa mundong ito? Ano ba ang kailangan kong gawing aksyon upang hindi na ako bigyang-puna ng mga taong nakakasalubong ko o 'di naman kaya ay makatanggap ng sampal kay ina at kamao kay ama? Kailangan ko bang magpagupit ng gupit ng mga sundalo upang ako'y kanilang tanggapin? Kailangan ko bang magbuhat ng mabigat na barbel upang matuwa sila sa akin? Kailangan ba ay manligaw ako sa babae kahit hindi kami talo? Marami ang indibidwal na itinuturing kaming parang may mga nakakahawang sakit. Hindi mabilang na lait at insulto ang aming natatanggap sa tuwing lalabas kami at hahalo sa iba't-ibang tao.

Ganoon pa man, nananatili akong nakangiti at isinasaisip na magpangiti kahit na tila hindi nila ako tanggap. Kahit na ang akala ng iba ay hindi ako bagay sa perpektong mundong kanilang ginagalawan. Dahil alam ko sa aking sarili na katulad nila, tao rin ako. Iyon nga lang, iba ang nararamdaman at baliktad sa aking dapat ikilos at gawin.


Feature ArticlesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon