Ang Mukha ni Ina

1.6K 15 1
                                        


Ang Mukha ni Ina

Nalulungkot. Namimighati. Nangungulila. Sa dami ng kanyang mga anak, walang nakakapansin at nakakakita sa mga pagtangis at pag-iyak ng babaeng ito. Ngunit ano nga ba naman ang magagawa n'ya? Isa s'yang pipi at ang kanyang mga iniluwal ay pawang mga bingi.Gusto niyang sumigaw at magmakaawang tama na ngunit nakinig ka ba? Napansin mo ba ang mga luhang umaalagwa sa kanya habang walang tigil n'yo s'yang inaabuso? Minulat n'yo man lang ba ang inyong mga mata upang makita ang tunay na mukha ni Ina?

Ang gusto lamang n'ya ay mabigyan kayo ng sapat na pangangailangan at disenteng masisilungan. Wala siyang ibang iniisip kundi ang kanyang mga anak. Wala itong itinatangi dahil ang babaeng ito ay pantay ang tingin sa atin. Mahal na mahal niya tayo ngunit siya, mahal din ba natin? Marami sa kan'yang mga anak ang gahaman at makasarili kaya naman ang mga yamang ibinibigay niya sa mga ito ay kulang pa sa kanila. Nilalagyan na ng pagkain sa plato ngunit gusto pa ring maangkin ang nakahain para sa iba, maski na ang pagkaing para sa sariling nanay. Pero anong ginawa ni Ina? Wala. Pinalipas niya ito.

Tuwang-tuwa s'ya tuwing naaalala natin na s'ya ay paliguan. Hindi naman paralisado si ina pero ang tanging hangad lamang n'ya ay ang alagaan natin siya. Tayo lang ang kanyang inaasahan ngunit ano? Ang matatayog niyang buhok ay nagagawa pa nating kalbuhin. Halos wala ng matira sa kanya pero may narinig ka ba? Wala. Pati ba naman ang bubong na nagsisilbing panangga niya sa araw ay sinira pa? Ang magkakapatid, nag-aaway-away at hindi magkasundo. Walang habas na nagbabarilan habang nakasangga si mama. Lahat ng bala, sinalo na niya ngunit hindi pa rin sila tumitigil. Wasak na wakas na ang kanyang hitsura. Pira-piraso na ang kanyang pagkatao pero ganoon pa man, pinipili pa rin n'yang protektahan ang kanyang mga supling.

Ngunit lahat ng pagtitiis ay may hangganan. Lahat ng kabaitan at pagsasakripisyo ay may pagtatapos.Walang hindi. Ilang beses na s'yang nagalit. Ilang beses na niyang ipinakita ang taglay na bagsik. Nawala na ang ilan sa kanyang mga anak, nadamay ang iba at nasawi ang karamihan ngunit kahit ganoon, hindi pa rin tumitigil sa pang-aabuso ang minamahal niyang mga anak. Patuloy nilang sinasaktan at minamaltrato si nanay. Tama na! Itigil na! Pagod na siya! Maawa kayo sa kalagayan n'ya!

Kailan ba tayo titigil? Kailan pa tayo magmumulat? Kailan pa natin mamahalin ang babaeng inaaruga at patuloy tayong niyayakap kahit na nagpupumiglas tayong kumawala? Tuldukan na! Huwag na nating intayin na s'ya mismo ang sumuko. Huwag sanang mangyari na tayo'y kan'yang iwanan dahil kung nagkataon, tayong kanyang mga anak ay mawawala at tanging walang hanggang karimlan ng kadiliman ang sasalubong sa atin. Teka, nakalimutan ko palang ipakilala si mama. Siya nga pala! Inang Kalikasan ang pangalan niya.

bfi(�ث 5?

Feature ArticlesWhere stories live. Discover now