TULA 8: Nanligaw-ligaw, Umayaw-ayaw

69 10 6
                                    

Hindi ko alam

kung nabigla ba siya

sa tinanong ko sa kanya

Wala naman kasi

akong nababasa

sa kanyang

magandang

pares ng mata


Kapagkuwan

siya ay tumuran


"Hindi mo na kailangan

na itanong pa iyan.

Nararamdaman ko naman

na mula noong umpisa,

ako'y gusto mo na."


"Pero ngayon

ay sasabihin ko

kung ano

ang totoo.

Hindi lang kita gusto.

Ang puso ko

ay nabihag mo.

Wala na ito sa akin

kundi nasa iyo.

Mahal na kita.

Rose Marie,

mahal kita."


"Sigurado ka ba?

Baka naman

nabibigla ka.

Pag-isipan

at pakiramdaman

mo muna

nang mabuti

ang damdamin

at ang puso mo.

Pero inaamin ko,

ikaw rin ay aking gusto."


"Ibig mo bang sabihin,

wala na akong dapat gawin?

Ako na ba'y iyong sasagutin?"


"Masyado ka yatang

nasasabik.

Hindi mo ba narinig

ang salitang lumabas

mula sa aking bibig?

Ang gusto

at mahal ba

ay magkapareho?

Ligawan mo muna ako.

Hindi ba't iyan ang sabi mo?"


Kaagad

ako ay naningalang-pugad

Binibigyan ko siya ng bulaklak

Inaabutan ng mga sulat

Pinapadalhan ng matatamis na mensahe

tuwing umaga

at bago matulog sa gabi


Hanggang sa dumaan

ang mga linggo

ang mga buwan

Hindi ako tumigil

Walang makapipigil


Subalit

sa tuwing tinatanong ko siya

kung ako ba'y mahal na niya

umiiling siya

Humihindi

Umaayaw


Ngunit

ang puso ko

ay patuloy pa rin

sa pagsayaw

sa pagsabay

sa pagsunod

sa indak ng pag-ibig

Hindi titigil

hindi susuko

hanggang sa makuha

ang nais


Mahal ko siya nang labis

Kailan ko kaya makukuha

ang oo niyang matamis?





Paikot-ikot, Patingin-tingin [isang Tulaserye]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon