Chapter One: Destiny

249K 3.2K 390
                                    

Chapter One: Destiny

Nagising si Jared sa liwanag na tumama sa kanyang mukha. At sa nanlalabong mga mata ay inabot niya ang deskclock sa bedside. Damn! Kaya pala tirik na ang araw dahil pasado ala nuwebe na. Dinampot niya ang cellphone para sana tawagan ang sekretarya nang maalala niya na araw ngayon ng linggo at walang pasok sa opisina. Doon niya lamang din napansin na wala siya sa sariling kuwarto... narito siya ngayon sa beach house niya sa Batangas.

May dinaluhan siyang kasalan kahapon dito rin sa Batangas. Napasubo siya sa inuman kasama ang ilang malapit na kaibigan. At dahil malapit lang ang beach house niya mula sa reception, naisip niyang doon na lamang umuwi keysa mag-check in pa siya sa isang hotel.

Bumangon siya at bahagyang nag-inat bago tumayo. Binuksan niya ang glass door at sinalubong ang malamig na hangin. Napangiti siya nang bumulaga sa harapan niya ang malawak na kalangitan at karagatan. Isa iyong maliit na private beach na nabili niya apat na buwan na ang nakakaraan. Wala sana siyang balak bilhin ang property. Pero kahit siya ay hindi niya maintindihan kung bakit tila nahipnotismo siya sa kagandahan ng lugar na iyon. Tahimik at nakaka-relaks. Malayo sa magulo at maingay na siyudad na kinagisnan niya. Kung hindi nga lang malayo sa pinapasukay ay baka araw-araw pa siyang umuwi roon. 

Nagsalubong ang mga kilay ni Jared nang may mahagip ang kanyang mga mata. Sa hindi kalayuan ay may isang nakaputing babae ang nakita niyang nakatayo sa buhanginan. Nakaharap ito sa dagat habang malayang nililipad ang mahaba nitong buhok. Ngunit ang kumuha ng kanyang atensyon ay ang maamo nitong mukha na nakatanaw sa malayo. Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita siya ng magandang babae. Pero hindi niya maipaliwanag sa sarili kung anong mayroon ito at hindi niya magawang alisin ang mga mata rito.

Dug! Dug! Dug! Dug!

Pamilyar sa kanya ang kakaibang pagtibok ng puso. Pero imposible! Imposible na tumibok ng ganito ang puso niya lalo sa isang estranghero na hindi pa niya nakikilala.

Ito ba ang tinatawag nilang... destiny?

Hindi siya sigurado. Pero wala namang mawawala sa kanya kung susubukan niya.

Mabilis siyang sumampa ng veranda para sana tumalon mula roon. Tutal buhangin naman ang babagsakan niya. Pero nang maisip niya na may kataasan pala iyon ay biglang nagbago ang isip niya. Maghahagdan na lang siguro siya. Safe pa! At bago siya tuluyang tumalikod ay muli niyang sinulyapan ang nasabing babae na naroon pa rin sa kinatatayuan nito.

"Wait for me my DESTINY!"

Sa sobrang pagmamadali niya ay muntikan pa siyang mahulog sa hagdan. Nakalimutan din niya na magsuot ng sapin sa paa. Basta tuluy-tuloy siyang lumabas ng bahay at nagtatakbo sa buhanginan. Ngunit ganon na lamang ang pagkadismaya ni Jared nang hindi na niya makita ang babae. 

Nasaan na siya?

Nilibot ng paningin niya ang buong paligid. Nagbabakasali na baka makita pa niya ito. Imposible na makaalis kaagad ang babae. Ngunit maliban sa kanya ay wala na siyang makita na ibang tao na naroon.

Kung minamalas ka nga naman! 

Dapat pala ay tumalon na lang siya mula sa veranda nang sa gayon ay hindi nawala sa paningin niya ang nasabing babae. Tsk! Sayang!

"Sir Jared!"

Mabilis siyang lumingon at natanaw niya si Mang Ambo na kumakaway sa kanya malapit sa nakaparada niyang kotse. Nagmamadali siyang lumapit rito.

"Gising na pala kayo. Halina sa loob nang makapag-agahan na kayo."

Hindi niya pinansin ang paanyaya nito. "Mang Ambo, may napansin po ba kayong babae sa banda roon?" At itinuro niya ang lugar kung saan ito nakatayo kanina.

Nagtatakang tumingin sa kanya ang katiwala. "Maliban ho sa inyo at sa aming mag-asawa, wala ng ibang tao na narito. Wala rin pong nakakapasok na taga labas dito sa loob. Doon pa lamang sa may bukana ay napakahigpit na ng guwardiya.

"Pero may nakita po talaga akong babae kanina." Paninigurado niya. "Nakaputi siyang bestida at mahaba ang buhok. Pupuntahan ko sana siya pero bigla naman siyang nawala."

Nanlaki ang mga mata ni Mang Ambo sa narinig. "Nakaputing bestida at mahaba ba kamo ang buhok?" Pag-uulit nito.

Tumango siya.

"Magandang babae at maputi?"

Muli siyang tumango. "Paano ninyo nalaman? Kilala nyo siya?" Bigla siyang nabuhayan ng loob. "Taga rito po ba siya? Saan ko siya pwedeng puntahan?"

Napakamot ito ulo. "Hindi ko po siya kilala, Sir. Ang totoo, wala pong nakakakilala sa kanya." Saglit ito huminto na tila nag-aalinlangan kung itutuloy pa nito ang sasabihin. "Mayroon po kasing usap-usapan tungkol sa lugar na ito. Bago pa ninyo ito mabili ay napabalita na mayroong nagpakamatay rito na isang babae. At simula nang mangyari iyon ay madalas na raw siyang nagpapakita rito. Sa katunayan, hindi lang po kayo ang nakakita sa kanya, maging ako man ay nakita rin siya."

"I-ibig nyong sabihin, Mang Ambo... m-multo yung nakita ko kanina?" Bigla na lang nagtaasan ang mga balahibo ni Jared nang hindi niya mawari.

"Parang ganon na nga po. Noong una, ayoko pa sanang maniwala sa mga naririnig ko. Hanggang sa ako mismo ang nakakita sa kanya roon sa lugar na itinuro ninyo kanina."

Wala sa loob na nayakap niya ang sarili. Parang bigla siyang gininaw.

"Mang Ambo, pumasok na tayo sa loob. Mag-almusal na lang po tayo!" Sabay yaya niya sa katiwala at nagpatiuna na pumasok sa loob ng bahay.

Ayaw man niyang aminin, pero bigla siyang kinalabutan sa nalaman niya.

Langya naman! Ang inaakala niyang si destiny... isa palang multo!

Next Time I Fall In Love (Soon To Be Published)Where stories live. Discover now