Ang Kapalit

3 0 0
                                    

Tema: Horror

Naglalakad ako pauwi sa bahay namin no'ng una kong marinig ang sutsot na iyon. Alas dose na noon ng hatinggabi.

'Psst!'

Noong una ay hindi ko ito pinansin 'pagkat hindi naman ako likas na matatakutin. Pero mayamaya ay may sumutsot ulit.

'Psst!'

Lumingon ako sa likuran ko ngunit ang malamlam na sinag ng bilog na buwan lamang ang bumungad sa 'kin.

Napailing ako at medyo binilisan ang paglalakad. Makaraan lamang ang ilang minuto ay natanaw ko na ang bahay namin.

Tulog na si mama nang dumating ako. May sarili naman akong susi kung kaya hindi ko na siya kailangang gisingin pa. Sanay na siya sa pag-uwi ko ng ganitong oras. Hindi naman kasi niya ako pinaghihigpitan kahit pa unica hija ako. Naniniwala siyang alam ko na ang tama at mali, at kaya ko na ang sarili ko.

Agad na akong dumiretso sa aking silid. Bubuksan ko pa lamang ang pintuan ng kwarto ko nang marinig ko ang kalabog mula sa loob. Napakunot-noo ako at medyo kinakabahan sa isiping baka may nakapasok na magnanakaw.

Mabilis kong binuksan ang pinto ngunit wala naman akong nakitang tao. Dahan-dahan akong naglakad papasok habang tumitingin sa bawat sulok ng kwarto ko.

Napatigil ako sa paglalakad nang matisod ako sa isang maliit na bagay sa tabi ng paanan ng kama ko. Pinulot ko ito.

Isa pala itong maliit na kuwaderno. Luma na ang pabalat nito kaya nasisiguro kong gamit ko ito noong elementary pa lamang ako. Napangiti ako 'pagkat naisip ko na baka ito ang kuwadernong sinusulatan ko ng tungkol sa mga crush ko noon.

Binuklat ko ito.

'Ang Demonyo'

Nagulat ako sa nakasulat sa unang pahina ng kuwaderno. Binuklat ko ulit ang kasunod na pahina.

'June 6, 2006- ang unang araw na nagparamdam siya sa akin.'

Mabilis kong itiniklop ang kuwaderno matapos ko itong mabasa. Unti-unting tumayo ang balahibo ko sa batok at nanlamig ang buong katawan ko. Agad akong tumayo at binuksan ang aking cabinet upang ilagay doon ang kuwaderno. Pagkatapos ay bumalik ako sa aking kama habang  kinakabahan.

'Anong ibig sabihin ng kuwadernong iyon? Ito na ba ang oras?' naisip ko habang nakahiga at nakatitig sa kisame.

Punong-puno pa rin ng kaba ang aking dibdib nang tuluyan na akong makatulog.

Maaga akong nagising kinabukasan. Tiningnan ko ang cellphone ko, napakaraming texts na pumasok dito mula kagabi.

Isa-isa ko itong tiningnan. Karamihan ay galing sa sekretarya ko; may sarili kasi akong publishing house. Kakatapos ko pa lamang noon sa college nang ayain ako ng dalawa kong kaibigan na magtayo ng isang publishing house. Pare-pareho kasi kaming nagtapos nang kursong journalism. Noong una ay maliit lamang ang pubhouse na ito na pinangalanan naming LIBRO. Matapos ang ilang taon ay unti-unti itong nakilala ngunit kasabay noon ang pagkamatay ng dalawa kong kaibigan, sina Kayla at Karyl.

Matapos mabasa ang mga text ng sekretarya ko ay binuksan ko ang kasunod na mensahe. Mula ito sa isang unknown number.

'Lahat ng bagay ay may kapalit at ang oras ay sumapit na.'

Kinilabutan ako sa mensahe ngunit ipinagkibit-balikat ko na lang iyon. Muli akong nahiga. Hindi ko alam pero wala akong ganang pumasok sa LIBRO ngayon. Siguro ay magpapahinga na lang muna ako. Dumaan ang maghapon ng hindi ko namamalayan.

Kinagabihan, kumalam ang aking sikmura kung kaya naisipan kong lumabas ng kuwarto. Pababa na ako ng hagdan ng makinig ang kalampag mula sa kuwarto ni mama. Hindi ko ito pianansin at ipinagpatuloy ang pagbaba ngunit mayamaya pa ay nakarinig ako ng isang sigaw. Dali-dali akong umakyat ulit sa hagdan at tinungo ang kwarto ni mama.

Immashampoo's Secret FilesWhere stories live. Discover now