4. Bilanggo

1.2K 66 3
                                    


Lubhang mahina ang tunog ng mga yabag na likha ng mga paang matigas na yumayapak sa batong hagdan. Halos wala na itong tunog subalit sa kanyang matining na pandinig ay kilala na kaagad niya kung kanino nagmumula ang mga iyon.

Tahimik siyang nagsumiksik sa sulok na nagsilbi niyang tahanan sa loob nang hindi mabilang na mga taon. Ang dilim na bumabalot rito ang tangi niyang kaibigan upang kumubli sa kanyang mga bantay, na tila ba ay nakalimot na sa kanya.

Tinanaw niya ang guhit ng linawag na tumatagos mula sa butas ng kanyang bilangguan. Noong una'y ito ang nagsilbi niyang tanglaw sa karimlang bumabalot sa apat nitong sulok. Ngunit sa paglipas ng panahon ay unti-unti niyang natutuhan ang aral na minsan ang liwanag ay isa lamang huwad na pag-asa. Isang lason na dahan-dahang pumapatay sa kanyang katinuan. Buhat noon ay itinuring niya itong dayo, na dadalaw lamang sa kanya upang siya ay sumbatan sa kamalasang kanyang kinasadlakan. Upang ipaalala sa kanya na siya ay nagdurusa sa kalungkutan nang nag-iisa. At wala kahit sa kanyang mga kauri ang nagtangkang saklolohan siya.

Subalit nitong mga nakaraang araw, nabulabog ang katahimikan ng kanyang pag-iisa. Isang panibagong bilanggo ang nakapiit kasama niya. Isang nilalang na dayo lamang sa kanilang mundo. Ang dinig niya sa usap-usapan ng mga bantay, ito raw ang pumaslang sa kanilang dayang. Ngunit ang pinagtatakhan lamang niya ay hindi pa rin ito nahahatulan ng kamatayan, sapagkat kamatayan rin ang katumbas ng pagpatay, ayon pa sa kanilang banal na batas. Sa halip ay paulit-ulit nila itong pinahirapan. Sa gabi, habang tahimik niya itong pinag-aaralan sa kubli ng kadiliman ay napag-alaman niyang ang noo'y malusog at makinis nitong balat ay nanuyot, nagkabitak-bitak, at minsan ay dumurugo. Isa lang ang nahinuha niyang pahirap na ginawa nila rito, ang maghapong pagbibilad sa kanya sa ilalim na matinding sikat ng haring araw.

Sa hinaba ng panahon ay nakaramdam ulit siya ng pagkahabag. Isang damdaming isinumpa niyang hindi na muling mararamdaman. Ngunit nagbalik ito nang makita niya ang sinapit ng bagong bilanggo. Nakita niya ang kanyang sarili sa pagdurusa nito at napatanong siya sa sarili kung ito ba ay isa ring inosente kagaya niya.

Kumalansing ang bakal na kandado ng piitan at nagbukas ang makapal nitong batong pinto.

"'Di ka pa mamatay!" Parang bulok na prutas kung ibalibag ng bantay ang hila-hila nitong nanlalambot na katawan sa malamig na sahig.

Humalakhak ang isa pang bantay na kasama nito. "Huwag ka muna mamatay. Nagbibiro lamang ang kasama ko. Natutuwa pa nga kami sa ginagawa namin sa iyo e. Pagaling ka muna ngayon, bukas na ulit."

Noon pa siya nasanay sa kalupitan ng halang na mga bantay. Dahil maging siya ay nakaranas na rin ng pagmalalupit mula sa kanila. Ngunit lubhang naiiba ang ginagawa nila sa isang ito.

Napahawak siya sa kanyang dibdib habang ang isa niyang kamay ay nakalapat sa malamig na pader ng piitan. Pumikit siya ng mga mata, pinukaw ang kapangyarihan matangal nang nahihimbing sa kaibuturan ng kanyang puso't kaluluwa. Kay tagal na rin, at nitong nakalipas na mga araw ay napapadalas ang paggamit niya nito.

Nang humakbang siya sa liwanag, isang bola ng malinaw na tubig ang makikitang tangan-tangan niya sa isang kamay. Tila gigiwang-giwang ang maliit nitong hugis na hinugot pa niya mula sa mga bitak at siwang ng pader. Maingat siyang lumapit sa katawang nakahadusay, iniiwasan ang guhit ng liwanag na nakadungaw mula sa kisame. Lumuhod siya sa bandang uluhan ng kaawa-awang bilanggo at idinampi ang bola ng tubig sa noo nito.

Habang ginagawa niya iyon ay hindi niya magawang alisin ang paningin sa namumula at nanguluntoy nitong balat. Muntik pa niya itong haplusin, masiguro lamang na hindi sikat ng araw kundi apoy ang sanhi nito. Para itong isinugba sa baga nang matagal. Nangibabaw ang amoy ng sunog na laman sa buong silid.

Nagkumpas siya ng isang kamay at gumapang ang tubig sa mukha nito, patungo sa leeg at nagtuluy-tuloy sa katawan, mga braso at kamay, hanggang sa mga binti at paa. Muli siyang nagkumpas at tuluyan nang nilukob ng tubig ang kabuuan nitong tila hindi na humihinga.

Ilang saglit pa at waring walang nangyari, ngunit makalipas ang ilang segundo ay nanuot ang tubig sa balat. Tila hinigop ito ng laman at dahan-dahan ay nanumbalik ang malusog na hitsura nang walang malay na bilanggo. Nawala ang pamumula at kahit na anong bahid ng pangunguluntoy sa buong katawan nito.

"Ikaw... pala."

Kamuntik na siyang tumingkayad sa garalgal na tinig na gumulat sa kanya.

"Ipinagtataka ko kung sino ang lihim na gumagamot sa akin nitong nagdaang mga gabi. Laking palaisipan talaga sa akin sapagka't iniisip kong wala naman akong kasama sa bilanguang ito. Maraming salamat, pero..." Itinukod nito ang isang kamay upang bumangon. "bakit?"

Tumayo siya at pinagpag ang mga tuhod upang tanggalin ang mga alikabok. "Ginawa ko lamang ang nararapat."

"Narito ka lamang ba buong pagkakataon?" Tumayo na rin ito at kinapa-kapa ang sarili. Namamangha sa agarang paggaling nito. "Bakit hindi ka man lang nagpakita o nagparamdam sa akin?"

Tiningnan niya ito mula ulo hanggang paa. Mukha itong bata sa unang tingin pero batid niyang matanda na ito. Maaring kasing tanda na niya. "Dahil hindi na kailangan at hindi na mahalaga."

"Mahalaga ang nangyari. Maaaring nakatadhanang magtagpo tayong dalawa," saad ng bilanggo. Tumingala ito sa guhit ng liwanag. "Minsan ay isang dakilang manggagamot rin ang aking nakatagpo. Isang manggagamot na gumagamit ng parehong pamamaraan kagaya mo."

Natigilan siya. Siya lamang ang bukod tanging nanggagamot sa ganoong paraan dahil siya lamang ang kauna-unahang nakaperpekto niyon. Siya at ang nakababata niyang kapatid na... "Nag-iisa lamang ang dalubhasa sa ganoong uri nang panggagamot. At kausap mo siya."

Lumingon ito sa kanya. "Maaaring mali ka. Isinusumpa kong hindi ikaw ang nakatagpo ko."

"O ikaw ang nagkakamali. Hindi na tuwid ang iyong pag-iisip." Tinungo niya ang sulok ng dilim na kanyang kublian. "Bakit ka ba naririto, dayo?"

"Dahil tinulungan ko ang isang kaibigan."

"Sa pamamagitan nang pagpatay sa kanya?"

"Hindi iyan too," baling nito sa kanya. Lumapit ito sa pader at kinapa-kapa ito. "Katawan lamang ang nawala sa kanya ngunit sinisiguro ko sa iyo, buhay na buhay siya. Subalit kung mananatili tayo rito ay tiyak na mababaliwala ang lahat nang ginawa ko. Tulungan mo akong makatakas."

"At bakit ko iyon gagawin?"

"Dahil manganganib ang lahat, kabilang ka, tinitiyak ko."

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now