21. Sleeptalk

400 30 5
                                    

May kung anong lumundag sa sikmura ni DJ na siyang nagpagising sa kanya sa gitna ng kasarapan ng tulog. Bigla siyang napamulat kasabay nang malakas na hiyaw ng pagkagulat.



Sa gilid ng kanyang mga mata ay nahagip niyang lumundag mula sa kanyang kama ang kanyang alagang si Mordecai sa dako ng durungawan. May hinahabol itong insektong kulay dilaw at tuluy-tuloy itong lumukso mula sa bukas na bintana nang buong tapang para lamang maabot yaong hinahabol nito.



Mabilis siyang lumapit sa bintana upang tingnan kung saan nahulog ang kanyang alaga. Hindi niya ito natagpuan at sa halip ay isang lalaki ang kanyang natanaw sa hindi kalayuan na naglalakad palabas ng main gate. Katulad ng kuya ni Serena noong una niyang kita rito ay nakasuot ang lalaki ng kupas ng maong shorts. Wala itong suot na pan-itaas nguni't kapansin-pansin ang katawan nitong tadtad ng asul na mga tattoo, kaiba sa karaniwang tattoo na kulay itim. Mistula itong blue print sa maputla nitong balat.



Kumunot ang kanyang noo at napatanong sa sarili kung sino itong bisitang agarang umaalis. Bago pa man ito nakalabas ng gate ay lumingon pa ito at napatingin sa direkta sa kanya, animo'y naramdaman siya nitong nakatingin. Hindi ito ngumiti nang magtama ang kanilang paningin at tuluyan na itong lumabas. Lalo siyang nagtaka. Minabuti niyang bumaba sa kusina upang magtanong kay Mamang.



Sa bungad pa lamang ay bumati na kaagad siya. "Morning! May dumating na bisita?"



Hindi si Mamang ang nadatnan niya roon na nagluluto kundi ang kanilang kasambahay. "Mukhang maganda yata ang gising ng aking alaga? Kasing ganda nitong umaga."



Nagsalubong ang kanyang mga kilay sa nadatnan. "Sino 'yong pumunta at bakit ikaw ang nagluluto?"



Nabura niyon ang maaliwalas na ngiti ni Marietta. May tampo nitong isinalin sa malinis na plato ang kahahango pa lamang at mainit-init na mga hotdog. "Ang kaaalis lamang ay pinsan ni Serena. Naghatid rito ng in-order na mga gulay. Si Mamang naman ay sumama kay Papang sa boating ng mga guest," tugon nito nang makatalikod sa kanya.



Pinsan ni Serena? tanong niya sa sarili. Saktong dumako ang tingin niya sa dalawang bayong na nakapatong sa hapag. Hindi na niya kailangang hulaan kung ano ang laman ng mga iyon. So, hindi ito nagpunta? Marahil ay nagtatampo pa rin ito. "At si Ate? Ba't hindi s'ya ang sumama?"



Narinig niyang bumuntong-hininga ang kasambahay nang dakutin nito ang dinikdik na mga bawang mula sa chopping board, sabay hulog nito sa naghihintay na kawaling may mainit na mantika na. "Iyon nga ang problema. Hindi ko alam kung anong nangyari sa ate mo at masama raw ang pakiramdam nito."



It must have been the rain, kaagad na saad ng kanyang isipan. "How is she?"



"Ayon, hindi makabangon at masakit raw ang katawan." Nilagay nito ang kaning-lamig sa kawali at sinimulan na ang pagsasangang rito. "Matapos ko rito ay hatdan mo ng almusal ang ate mo, ha. Hindi maaaring magtagal ang kanyang sakit at walang papalit sa kanyang mga trabaho rito."



Tumango siya. "She'll get well soon, I know." Iyon lamang ang kanyang nasabi pero sa loob-loob niya ay may pagdududang umuusbong at unti-unti nag-uugat.



--------



Sa kubli ng isang matayog na punong-kahoy sa gitna ng kasukalan, isang mukha ang sumilip sa anino. Buong suri nitong pinagmasdan ang paligid, tinitiyak na walang anumang kaluluwa ang gumagalaw o nag-aabang sa kanila sa malapit na pampang. Naglakbay ang mga tingin nito sa sapang malayang umaagos at napalunok. Mag-iisang araw na silang nalalakbay at nararamdaman niyang unti-unti nang nawawala ang kanyang lakas. Hindi niya alam kung gaano katagal pa ang nalalabi sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya. Lubha na itong napakahaba at nangangamba siyang anumang oras ay bigla ito mawala.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Onde as histórias ganham vida. Descobre agora