16. Dayo sa Kaharian

791 35 10
                                    

Pinag-igihan ni Tibal-og ang pagtulak sa mahabang kawayang-panagwan. Ramdam niya ang pagbabago sa lakas ng agos ng tubig sa ilog, hudyat na sila ay nalalapit na. Sa gitna ng balsang yari sa matitipunong kawayan ay matikas na nakatayo ang dayong pangahas na sumunod sa kanila sa lagusan. Malayo ang tingin nito. Para bang inaasahan talaga nitong siya ay iimbitahang tumuloy sa palasyo ng mga engkantong-gubat. Sa unahan ay alerto ring nagmamatyag ang kanyang panginoon. Naging ganoon na siya buhat nang mawala ang Dayang.

Tahimik ang paligid ng ilog na may kalawakan. Ang matatayong na mga bakawang tumutubo sa magkabilang pampang nito ay mistulang mga kawal na tahimik na nagbabantay. Salamat sa lilim na dulot ng mayamungmong nitong mga dahon ay guminhawa rin ang kanilang pakiramdam matapos ang mahabang paglalakad sa matinding sikat ng araw, na hindi ikinatuwa ng dayo.

Mula sa kung saan, isang malakas na kokak ng palaka ang umalingawngaw, kasabay nang paglundag nito sa tubig. Sinundan iyon nang matitinis na huni ng mga kuliglig, na nagkukubli lamang sa dahon o sanga ng mga bakawang naroon.

Nabaling ang tingin niya sa maitim na tubig ng ilog. Noon ay napakalinaw nito, subali't magmula nang mawala ang dayang, maging ito ay nadungisan na rin. Sa kanyang pagmamasid, isang hugis-tatsulok ang kanyang natanaw na lumalangoy malapit sa kanilang balsa. Nagliliwanag ang mga marka nito sa katawan at hindi niya matukoy kung anong uri ng hayop ito. Bigla itong pumailalim sa balsang lulan nila at naglaho.

"Naririto na tayo," saad ni Laom sa kanila. Naglakad ito sa puwetan ng balsa at kinuha ang isa pang kawayang-sagwan upang tumulong sa pagtutulak.

Sa hindi kalayuan ay narinig nila ang rumaragasang agos ng tubig mula sa isang matayog na talon, bago nila ito natanaw. May kalawakan ang bibig nito, kung saan walang humpay na bumubulwak ang saganang tubig at malayang bumabagsak sa ibaba.

Nang sila ay makalapit, inangat ni Laom ang mga kamay sa bibig at gamit ang mga hintuturo't hinlalato ay sumipol nang pagkatinis-tinis.

Nakarinig sila nang dumadagundong na tunog, na nangibabaw higit pa sa ingay na dulot nang pagbuhos ng tubig sa mula sa ibabaw ng talon at pagkatapos niyon ay biglang lumitaw sa kanilang harapan ang mahabang batong-daungan, dahilan upang mabasa sila nang tumilamsik na mga tubig. Sa dulo nito ay makikita ang paarkong batong-hagdanan, na gaano man katagal na nakababad sa tubig ay hindi tinubuan ng mga lumot. Kasabay sa pag-angat ng daungan ay kusang humawi ang mga tubig sa itaas ng talon.

Sa gitna ng batong-hagdanan ay matatanaw ang rebolto ng isang hayop na may matatalas at mahahabang pangil. Sa unang sulyap pa lamang ay kaagad nang nahinuha ng dayo kung anong uri ng engkantong hayop ang rebolto. Ang tanyag na mantahungal; walang kapantay sa bangis at napakahirap amuhin. Nakalubog ang kalahating katawan nito sa hagdanan, nakaangat ang mga paang may matatalim na mga kuko, na nag-iwan ng mga marka sa batong-hagdanan; animo'y inukit ito mula sa mismong bato ng daungan at nanigas sa puntong nasa pasakit nguni't nagngangalit pa rin sa galit. Nakabuhol sa malalaking butas ng ilong nito ang mahaba't makapal na lubid, na nakatali sa kung saang malalim na bahagi ng ilog.

Mabilis na hinablot ni Tibal-og ang nakaunat na lubid upang hilahin ang kanilang balsa sa daungan. Nang maitali niya ito nang maigi ay saka lamang bumaba ang kanyang panginoon, na kaagad ring gumilid upang bigyang daan ang kanilang panauhin.

"Maligayang pagdating sa Kaharian ng Hilway-Bulawan," ikinumpas ni Laom ang isang kamay upang ipakita ang malawak na bulwagang nakukubli sa ilalim ng dakilang talon. Mistula itong tagong hardin sa kailaliman ng lupa.

Ang magkabilang dingding ng yungib ay nababalot nang mayayabong na baging na nagtataglay nang hugis-pusong mga dahon. Ang mumunti't asul nitong mga bulaklak ay nagbibigay nang kakaibang halimuyak sa buong paligid.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now