28. Daruanak

211 15 4
                                    

Tahimik lamang na pinagmasdan ni DJ ang dalaga habang nagluluto ng kamote que. Mula sa pagbabalat nito ng mga kamoteng dala, hanggang sa pagsalang nito ng naturang mga kamote sa mainit na mantika, binuhusan muna niya ng puting asukal. Nalalanghap niya ang mabango nitong amoy kung kaya't tila napukaw ang gutom ng kanyang sikmura. Mag-iisang oras na rin niyang pinanonood ang dalagang tahimik lamang rin habang nagtatrabaho.

Isa-isa nitong hinango ang mga lutong kamote que sa isang malaking mangkok, umuusok pa ang mga ito nang ilapag nito ang pagkain sa kanyang harapan. Bibihira siyang makakain ng kamote que. At sa pagkakaalala niya, dito lamang sa probinsiya siya huling nakatikim nito. Walang nagtitinda nito sa Maynila; lalong-lalo na sa mall na lagi niyang tinatambayan. Ilang taon na nga ba ang lumipas? Hindi niya maalala kung ganito nga ba ang hitsura nito, nguni't habang pinagmamasdan niya ang bawat piraso, ang bawat isa'ng binalot ng tinunaw na asukal at nagmistulang glazed na karne, ay hindi niya mapigilang matakam.

Kumuha siya ng tinidor, at naglalaway na tutusok na sana ng isang may-kalakihang piraso nang bigla siyang tinuro ng dalaga gamit ang sandok.

"Sabik nang kumain ang isa riyan," napapangiting sabi ni Serena. "Dahan-dahan lang at baka mapaso ka. Kung ako sa iyo ay palalamigin ko muna iyan."

Kunot-noo niya itong tinitigan. "Gutom na ako."

Hindi tumugon ang dalaga at bagkus ay tinalikuran siya nito.

Kinuha niya ang pagkakataon upang kagatin ang napiling piraso ng kamote que. Nagulat na lamang siya nang mapaso ang kanyang dila at nabitawan niya ang hawak na tinidor. Kumalansing ito nang tumama sa malapad at babasaging dining table, dahilan upang mapalingon sa kanya ang dalaga. Napatayo siya sa pagkagulat.

"Ang init pala!" hiyaw niya, na nagkukumahog na tinungo ang refridgerator at natatarantang nagsalin ng malamig na tubig sa basong nadampot. "What the heck!"

"Binalaan kita," natatawang tugon ng dalaga. "Bakit ba kasi hindi ka marunong makinig?" Nagdagdag ito ng ilang lutong piraso sa mangkok.

"I just wanna try, masama ba?" pakli niya sa dalaga. "If I'm not hungry, d'you think I'll eat that?" Nginuso niya ang nahulog na kamoteng nakatusok pa rin sa tinidor.

"Hoy, kumag," dinuro ulit siya ng dalaga gamit ang sandok, "kasalanan ko bang napaso ka dahil sa katakawan mo? At saka," dinampot nito ang tinidor at isinandal sa gilid ng mangkok, "ikaw na nga itong ipinagluto ko, ang arte-arte mo pa. Ipapaalala ko lang sa 'yo, hindi magandang ugali ang nagsasayang ng pagkain," irap nito.

Dinilaan niya ang dalaga. "Anong pagsasayang ang sinasabi mo? Let me remind you, nahulog lang s'ya, it's not my intention to leave it there. Kasalanan ko bang, uunahan mo ako sa pagpulot?"

"Aba't..." Pinanlisikan siya ng dalaga ng mga mata. "Binabaliktad mo pa ako ngayon?" Gigil na nagpadyak ang dalaga. "Hindi ka talaga marunong magpasalamat 'no?"

"Now, you're pissed. Baka mag-away na naman tayo."

"Talaga!" Nguni't natigilan ito nang makaamoy nang nasusunog. Agad itong tumalikod sa kanya upang balikan ang napabayaang niluluto, na ng mga sandaling iyon ay nagsimula nang umusok.

Nangingiti niyang pinanood ang dalaga habang dali-daling sinasandok ang mga kamoteng nasusunog. Hindi niya gaanong marinig ang inuusal nito, pero tiyak niyang tungkol iyon sa kanya. Kung anu-anong masasamang salita na naman siguro ang lumalabas sa bibig nito kahit pa nasa likod lamang siya nito. Napagtanto niyang, sa pangkaraniwang tagpong iyon, kahit na gaano kabilis magbago ang mood nito tungo sa kanya, bumabalik pa rin ito upang makipagbati. Naisip niya, at lalo siyang napangiti dahil roon, marahil ay espesyal ang turing ng dalaga sa kanya. Ayaw lamang nitong umamin, o magpahalata. Marahil ay takot ito sa kanyang magiging tugon. At papaano siya? Ano nga ba ang nararamdaman niya tungo sa dalaga? Lalong lumapad ang kanyang pagkakangiti. It remains to be seen, paalala niya sa sarili. Nguni't sa bawat paglipas ng mga araw, lalo lamang itong lumilinaw.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now