20. Ang Oguima at Tahamaling at Talahiang

617 35 4
                                    


Napatigil si Tibal-og sa paglalakad at napayuko upang sipatin ang mga putik na mahigpit na kumakapit sa kanyang mabalahibong mga paang wangis nang sa mga kambing. Malalaki at baku-bako ang kanyang itim na mga kuko, palatandaang sanay na sanay siya sa matarik na pamumuhay sa kabundukan at kagubatan.

Inis niyang ikiniskis ang mga iyon sa malalago't pulu-pulupot na mga ugat sa kanyang daraanan upang tanggalin ang mga putik na dulot ng ulan. Palaisipan pa rin para sa kanya ang masamang panahong nanalasa nang nagdaang gabi. Pambihira ang bagsik at dami ng tubig na dinulot nito. Umapaw ang tubig sa talon kung kaya't kinailangang isara ang lagusan sa bukana niyon. Kung siya ang tatanungin, higit pa sa karaniwan ang ulang iyon at marapat ay bigyan ito ng pansin.

Habang siya ay nakayuko at gigil na ikinikiskis ang makapal na putik sa sakong ng kanyang kaliwang paa ay natigilan siya nang makarinig nang mahinang kaluskos mula sa kalayuan. Tumayo ang kanyang mga taingang patulis at mahaba, wangis pa rin nang sa mga kambing. Umikut-ikot ang mga iyon sa magkasalungat ng direksiyon, hinahagilap ang pinagmulan ng tunog.

May kadiliman pa sa loob ng kakahuyan kung saan siya naroon. Ang anumang kakarampot na liwanag na sumisilay mula sa dikit-dikit at naglalakihang mga sanga ng mga punong-kahoy ay hinaharangan naman ng malalapad na mga dahong nangingislap tuwing tatamaan ng liwanag, dahil sa mga hamog na iniwan ng ulan. Mahalumigmig ang buong paligid. Makapal ang hamog na bumabalot sa basa at putikang lupa ng kakahuyan.

Mula sa kung saan, isang uwak ang umurok, maingay ang pagaspas ng mga pakpak nito nang biglang lumipad palayo. Dahil roon ay mabilis niyang hinablot ang dalang sandatang nakasukbit lamang sa kanyang tagiliran, madiin niyang tinapak ang kanang paa sa lupa at umikot.

Ilang pagkalansing ang maririnig na umalingawngaw sa paligid nang maliksi at sabay-sabay salagin ni Tibal-og ang mga palasong matuling gumuguhit sa hangin patungo sa kanyang dako. Nagkatusuk-tusok ang mga iyon sa mga punong nagkalat sa paligid. Mistulang mainit na usok ang kumawala mula sa mga butas ng kanyang ilong matapos niyang bumuntong-hininga.

Subali't nanatili siyang alisto, nakahanda ang batong punyal sa isang kamay. Nang tumulo ang mga hamog buhat sa taluktok ng punong-kahoy kung saan siya nakayuko kanina ay kaagad siyang napatingala. Mula sa ibabaw ay isang sibat naman ang mabilis na humahaging patungo sa kanya.

Gahibla na lamang ang agwat nito sa kanyang kinatatayuan nang malalim itong bumaon sa lupa kung hindi pa siya nakaatras sa tamang oras. Humahaging pa ang dulo nito habang nakatarak dahil sa sobrang lakas nang pagkakahaboy rito.

Dahil sa pagkawala nang balanse ay hindi kaagad siya nakakilos. Biglang yumanig ang lupa nang may kung anong malaki ang bumagsak sa kanyang likuran at isang kamay ang kaagad na kumabig sa kanya, kasabay nang paglapat ng matalim na balaraw sa kanyang leeg.

"Bumabagal ka na yata..." anang naaaliw na tinig ng isang babaeng papalapit sa kanila. Nakasukbit sa balikat nito ang isang mabahang pana. Nakausli sa kabila ang mga palasong may itim na mga balahibo mula sa talanga nitong nakatali sa kanyang likod. Bukod sa suot nitong mga pulseras sa kamay at paa, na yari sa maliliit na buto ng kung anumang hayop, ay wala na itong anumang saplot sa katawan. "Tibal-og."

Tumigil ito sa hindi kalayuan at namaywang. Tumambad sa litong oguima ang natatanging kariktan ng isang tahamaling, waring naligo ito sa dugo dahil sa pulang-pula nitong balat.

"Liway Putli?" Nagliwanag ang mukha ni Tibal-og nang mapagsino ang engkanto, hindi niya maalis-alis ang paningin sa kahubdan nitong parang walang ipinagbago. Balingkinitan pa rin ito at talubata kahit na lumipas na ang maraming panahon.

"Hindi ka pa rin nagbabago. Mahilig ka pa ring tumitig," saad ng tahamaling, habang sinusuklay ng mga daliri ang mahaba at kulay tansong buhok.

Humalakhak sa malagong na boses ang nasa likuran ng oguima. Matangkad ito nang tatlo at kalahating dangkal kaysa sa kanya. Kasing itim ng anino ang balat, makapal ang kulot na kulot na buhok, na punuyod lamang ng baging sa bandang batok, gayun rin ang mga kilay; animo'y lagi itong nakanguso dahil sa makakapal at kulay luwad na mga labi. Patulis ang mga tainga nitong parehong hinikawan ng kulay bughaw na bato. Isinuksok nito sa kalubang hugis-bayawak ang nakaambang balaraw na kanina'y nasa lalamunan lamang ni Tibal-og.

BINHI (Munting Handog - Book 2 [On Going])Where stories live. Discover now